PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO
IKAANIM NA WIKA (Juan 19, 30):
"Naganap na!"
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1664-1665) Cristo de la Sangre by Mateo Cerezo (1637 - 1666), as well as the actual work of art itself from the Museo de Burgos - Sección de Bellas Artes, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Ang Ikaanim na Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno mula sa Krus ay isang uri ng pagpapakilala ng sarili. Ipinakilala ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang sarili sa lahat sa pamamagitan ng Kaniyang Ikaanim na Wika mula sa Krus. Sa kabila ng mga hirap, sakit, pagdurusa, dalamhati, hapis, lungkot, at kadiliman sa sandaling yaon, buong lakas na inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na natupad ang lahat ng mga pangakong binitiwan ng Diyos na inihayag ng mga propetang Kaniyang hinirang sa Lumang Tipan sa pamamagitan ng Kaniyang Ikaanim na Wika.
Kahit nauubusan na ng dugo dahil sa mga sugat dulot ng paghampas sa Kaniya sa haliging bato, ng koronang tinik, ng mabigat na Krus, at pati na rin ang mga pakong ginamit sa pagpako sa Kaniya sa Krus, ipinagmalaki pa rin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang tunay na pagkakilanlan at misyon. Hindi Niya ikinahiya kung sino nga ba Siya. Bagkus, ipinagmalaki ng Mahal na Poong Jesus Nazareno nang may lakas ng loob at pananalig sa Amang nasa langit ang Kaniyang tunay na misyon at pagkakilanlan bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos.
Duguan man ang Kaniyang buong Katawan, mula ulo hanggang talampakan, sa mga sandaling yaon, hindi ipinagkaila, inilihim, o itinago ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang tunay Niyang misyon at pagkakilanlan. Kahit mukha Siyang talo sa paningin ng mundo, ipinagmalaki pa rin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang Kaniyang misyon, tungkulin, at pagkakilanlan. Hanggang sa huli, pinandigan pa rin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang pasiyang magpakatotoo. Nandigan pa rin Siya para sa katotohanan tungkol sa Kaniyang misyon at pagkakilanlan bilang Mesiyas na kaloob ng Diyos para sa ikaliligtas ng sangkatauhan. Ito ang dahilan kung bakit malakas na binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang mga salitang itinampok sa Kaniyang Ikaanim na Wika, kahit na "halos di makilala kung Siya'y tao" (Isaias 52, 14).
Hindi layunin ng Poong Jesus Nazareno na panatilihin ang natitira Niyang dignidad sa pamamagitan ng pagbigkas ng Kaniyang Ikaanim na Wika habang nakabayubay Siya sa Krus dahil hindi naman ito nawala mula sa Kaniya. Sa paningin ng mundo, katawa-tawa si Jesus Nazareno dahil mukha Siyang talunan. Bakit naman Niya bibigkasin ang mga salitang ito na itinatampok sa Kaniyang Ikaanim na Wika mula sa Krus na Banal kahit na mukha Siyang talo? May balak ba Siyang magpatawa? Iyon ang pananaw ng sanlibutan. Subalit, lingid sa paningin at isipan ng sanlibutan na kalooban ito ng Diyos noon pa mang una. Bagamat karumal-dumal at nakakahiya ngang tunay ang paraan kung paano namatay ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, hindi man ito halata sa paningin at pananaw ng sanlibutan, nakamit ng Poon ang tagumpay.
Sa totoo lamang, maaari namang ipagkaila ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang tunay na pagkakilanlan at misyon. Maaari na lamang Niyang talikuran at takasan ang Kaniyang tunay na misyon at pagkakilanlan bilang ipinangakong Mesiyas na isinugo ng Diyos para sa ikaliligtas ng sangkatauhan. Ang Poong Jesus Nazareno ay inilaglag, ipinagkaila, itinakwil, at tinalikuran ng Kaniyang mga tagasunod. 'Di hamak namang mas madali para sa Poong Jesus Nazareno na iligtas na lamang ang Kaniyang sarili sa halip na panindigan ang Kaniyang tunay na misyon at pagkakilanlan. Walang sinuman ang karapat-dapat sa biyayang Kaniyang kaloob.
Bakit namang ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na ipaalam sa lahat ang Kaniyang tunay na pagkakilanlan at misyon sa Kaniyang Ikaanim na Wika mula sa Krus? Isa lamang ang dahilan nito - pag-ibig. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig para sa atin, ipinasiya pa rin ng Poong Jesus Nazareno na iligtas tayo mula sa kasalanan. Bagamat nagkaroon Siya ng pagkakataong iligtas ang Kaniyang sarili mula sa kapahamakan at kamatayan sa pamamagitan ng pagtakas, hindi Niya ito ginawa. Ipinasiya pa rin ng Poong Jesus Nazareno na harapin, tanggapin, at tuparin ang Kaniyang misyon dahil mahal na mahal Niya tayo. Alang-alang sa atin, nagpakatotoo Siya.
Pinandigan tayo ng Poong Jesus Nazareno hanggang sa huli. Ito ang aral at mensahe ng Kaniyang Ikaanim na Wika mula sa Krus na Banal. Bagamat hindi tayo karapat-dapat dahil sa ating mga kasalanang hindi na mabilang sa dami nito, tayong lahat ay ipinasiya pa ring tubusin ng Poong Jesus Nazareno. Alang-alang sa atin, hindi Niya tinakasan, tinakbuhan, tinakasan, at ipinagkaila kung sino nga ba Siya talaga. Bagkus, ang Kaniyang tunay na misyon at pagkakilanlan bilang Mesiyas at Tagapagligtas ay Kaniyang hinarap, tinanggap, at tinupad. Isa lamang ang dahilan nito - ang Kaniyang dakilang pag-ibig na tunay ngang kahanga-hanga.
Mapalad tayo sapagkat pinandigan tayo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dahil pinandigan tayo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno hanggang sa huli, tayong lahat ay Kaniyang iniligtas. Ito ang pinakadakilang patunay ng Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento