22 Marso 2024
Biyernes ng Ikalimang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda
(Viernes de Dolores)
Jeremias 20, 10-13/Salmo 17/Juan 10, 31-42
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1520) Christ taking Leave of His Mother by Albrecht Altdorfer (1480–1538), as well as the actual work of art itself from the National Gallery in London via Art UK and the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This work of art is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929.
Inilaan ang Biyernes bago ang mga Mahal na Araw, ang Biyernes ng Ikalimang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay na kilala rin ng marami sa tawag na Kuwaresma, para sa taimtim na pagninilay at paggunita sa Pitong Hapis ng Mahal na Birheng Maria. Bagamat ang ika-15 ng Setyembre ay inilaan ng Simbahan para sa taunang liturhikal na pagdiriwang ng Paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati, ang taunang tradisyon ng pagpaparangal sa Mahal na Inang si Mariang Birhen sa ilalim ng kaniyang titulong Ina ng Hapis pagsapit ng Biyernes bago ang mga Mahal na Araw ay nagpapatuloy pa rin. Sa pamamagitan nito, lalo tayong tinutulungan sa ating paghahanda ng sarili para sa pagsapit ng mga Mahal na Araw kung saan ating gugunitain ang Misteryo Paskwal ng Poong Jesus Nazareno. Habang papalapit ang pagsapit ng mga Mahal na Araw, ipinapaalala sa atin na hindi naging madali ang lahat para sa Poong Jesus Nazareno at Mahal na Birheng Maria na sundin ang kalooban ng Diyos. Ang dahilan nito ay ang hirap, sakit, at hapis na kaakibat nito.
Sa Ebanghelyo, inilarawan kung paanong bago pa man dumating ang takdang oras ng kusang-loob na pag-aalay ng sarili ng Poong Jesus Nazareno sa Krus na Banal ay binalak na Siyang ipapatay ng marami sa Kaniyang mga kababayan. Isa lamang ang dahilan kung bakit binalak na Siyang patayin ng marami sa Kaniyang mga kababayan kahit na hindi pa sumapit ang oras na itinakda para sa Kaniyang paghahain ng sarili para sa ikaliligtas ng buong sangkatauhan. Hindi nila matanggap ang Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Diyos.
Ang mga masasamang balak laban sa Bugtong na Anak ng Diyos na walang iba kundi si Jesus Nazareno ay hindi isang bagong karanasan. Naranasan rin ng mga tapat na lingkod ng Diyos sa Lumang Tipan ang pag-uusig mula sa kanilang mga kababayan. Bagamat hinirang at itinalaga sila ng Panginoong Diyos, hindi pa rin sila tinanggap ng kanilang mga kababayan dahil hindi nila matanggap ang katotohanang mula sa Diyos na inilahad ng Kaniyang mga lingkod na hinirang. Dahil sa katigasan ng kanilang mga puso, ipinasiya nilang usigin ang mga lingkod na hinirang ng Panginoon. Si Propeta Jeremias ay isang halimbawa nito. Isang buod ng kaniyang karanasan bilang isa sa mga propetang hinirang at itinalaga ng Panginoong Diyos. Kahit na hinirang siya ng Diyos bilang Kaniyang propeta, pag-uusig ang kaniyang tinanggap mula sa marami.
Nakasentro sa tiwala sa Diyos ang mga salitang binigkas ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Sa gitna ng mga pagsubok, tukso, at pag-uusig, sa Panginoong Diyos pa rin niya inialay ang kaniyang pananalig at tiwala. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya ng mga propetang Kaniyang hinirang at itinalaga sa Lumang Tipan gaya na lamang ni Propeta Jeremias sa Unang Pagbasa at ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo na manatiling tapat sa misyong ibinigay ng Diyos.
Bagamat sakit at hapis ang kaakibat nito, ipinasiya ng Nuestro Padre Jesus Nazareno at ng Mahal na Birheng Maria na sundin ang kalooban ng Diyos. Dahil sa katapatan at pag-ibig para sa Diyos, tinanggap at tinupad ng Mahal na Poong Jesus Nazareno at ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan nito, inihayag ang pananalig at tiwala ng Poong Jesus Nazareno at ng Mahal na Inang si Maria sa Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento