Miyerkules, Marso 13, 2024

PAG-IBIG NGA NAMAN

PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO 
IKAAPAT NA WIKA (Mateo 27, 46; Marcos 15, 34) 
"Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?" 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1600) Crucified Christ by Orazio Borgianni (1574–1616), as well as the actual work of art itself from the Museo de Cádiz, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 


Ang Ikaapat na Wika ng Poong Jesus Nazareno mula sa Krus ay hango mula sa mga unang salita ng Salmo 22. Kung babasahin natin nang maigi ang kabuuan ng Salmo 22, matutuklasan nating hindi ito isang mahaba-habang listahan ng mga hinanakit at reklamo laban sa Diyos. Bagkus, ang mga salita sa Salmo 22 ay isang panalangin sa Diyos at isa ring patotoo ng Kaniyang kabutihan. Dahil sa kabutihan ng Panginoon, sa kahuli-hulihan, ang tampok na mang-aawit sa Salmong ito na isang dakilang lingkod ng Panginoon ay nagtagumpay. Kung hindi dahil sa kabutihan ng Panginoong Diyos, hindi niya mararating at makakamit ang tagumpay. 

Subalit, tiyak na lingid sa kaalaman ng nakararami na isa rin itong propesiya ng mga huling sandali sa buhay ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Diyos. Inihayag sa Salmong ito na maraming hirap, pagdurusa, sakit, pait, at kamatayan ang babatain ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Bagamat isang dakilang biyayang kaloob ng Diyos ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, hindi Siya tatanggapin ng lahat. Nakakagulat isiping hindi tatanggapin ng marami ang pinakadakilang biyayang nagmula sa Diyos na walang iba kundi ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ang pinakadakilang biyayang ito na kaloob ng Diyos ay ipinakilala sa Bagong Tipan - ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Inihayag ni Apostol San Pablo na dumating ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos nang may kababaang-loob dahil ito ang niloob ng Diyos. Bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas, hinarap, tiniis, at binata ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang mapait na hirap, pagdurusa, sakit, at kamatayan sa Krus na Banal, gaya ng niloob ng Amang nasa langit (Filipos 2, 6-11). Nakasentro rin sa aspetong ito ng misyon ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas na bigay ng Diyos ang pangaral sa Sulat sa mga Hebreo kung saan ipinakilala Siya bilang Dakilang Saserdote (Hebreo 5, 5-9). Dahil sa pag-aalay ng sarili ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Krus na Banal, kinikilala Siya ng lahat bilang Dakilang Saserdote. 

Nakakapagtaka kung bakit nanaisin ng Diyos na magbata ng maraming mapapait na hirap, sakit, pagdurusa, hapis, at kamatayan sa Krus ang Kaniyang Bugtong na Anak sa Krus na Banal. Parang hindi mahal ng Diyos ang Kaniyang Bugtong na Anak na si Jesus Nazareno. Tila napakadali para sa Diyos na pahintulutan ang pagpapakasakit at pagkamatay ng Kaniyang Bugtong na Anak na si Jesus Nazareno sa Krus. Basta na lamang Siya pumayag na mangyari iyon sa Kaniyang Anak. Hindi ba dapat inilayo at iniligtas ng Diyos ang Kaniyang Bugtong na Anak? 

Hindi naging madali para sa Diyos na gawin ito. Ang Amang nasa langit ay lubusang nasaktan habang Kaniyang pinagmamasdan mula sa Kaniyang trono sa langit ang pagpapakasakit at pagkamatay ng Kaniyang Bugtong na Anak na si Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Subalit, dahil sa dakilang pag-ibig para sa sangkatauhan, pinahintulutan ng Amang nasa langit na mangyari ito sa Panginoong Jesus Nazareno na Kaniyang Bugtong na Anak alang-alang sa kanilang kaligtasan at kalayaan mula sa kasalanan. Katunayan, niloob rin ito ng Poong Jesus Nazareno, ang Bugtong na Anak ng Diyos na Siya ring Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo, at maging ng Espiritu Santo. 

Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay kusang-loob na nag-alay ng Kaniyang sarili sa Krus na Banal upang tayong lahat ay Kaniyang maligtas. Hindi Siya tumakas mula sa mga hirap, pagdurusa, sakit, at kamatayan sa Krus na Banal. Bagkus, hinarap at tinanggap Niya dahil nais Niya tayong iligtas. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento