Miyerkules sa Walong Araw na Pagdriwiang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 3, 1-10/Salmo 104/Lucas 24, 13-35
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 19th century) French: Les pèlerins d'Emmaüs by Joseph-Auguste Rousselin from the Ministry of Culture in France, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 70 years or fewer due to its age.
"Dapat na ang Diyos, itong Panginoon, ay pasalamatan, ang Kaniyang ginawa sa lahat ng bansa'y dapat ipaalam" (Salmo 104, 1). Sa mga salitang ito mula sa isa sa mga taludtod sa Salmong Tugunan para sa araw na ito nakasentro ang pagninilay ng Simbahan. Habang patuloy nating ipinagdiriwang nang buong galak ang sentro at rurok ng ating pananampalataya, ang Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno, ipinapaalala sa atin ng Simbahan kung ano ang dapat nating gawin. Mayroon tayong tungkulin at misyon bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ni Kristo.
Sa Unang Pagbasa, itinampok ang pagpapagaling sa isang lalaking ipinanganak na lumpo. Inihayag ni Apostol San Pedro sa lalaking ito na ipinanganak na lumpo na nakakalakad rin siya sa wakas dahil sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Buong lakas na inihayag ni Apostol San Pedro sa lalaking ipinanganak na lumpo nang pagalingin ito, "Sa Ngalan ni Hesukristong taga-Nazaret, lumakad ka" (Mga Gawa 3, 6). Ang mga salitang ito ni Apostol San Pedro ay isang uri ng pagpapakilala sa Poong Jesus Nazareno. Hindi si Apostol San Pedro ang nagpagaling sa lalaking ito. Bagkus, ang Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ang nagdulot ng kagalingan sa kaniya. Isa lamang instrumento si Apostol San Pedro.
Itinampok naman sa Ebanghelyo ang salaysay ng pagpapakita ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno sa dalawang alagad sa daan patungong Emaus. Pinawi ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang kalungkutang dinibdib at dinala ng dalawang alagad na ito sa kanilang mga puso. Ang lungkot na kanilang dinibdib sa kanilang mga puso ay naging galak sapagkat ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay tunay ngang nabuhay na mag-uli. Matapos magpakita sa kanila si Jesus Nazareno, bumalik sa Herusalem ang dalawang alagad na ito upang ibahagi sa iba pang mga alagad ang galak na kanilang tinanggap mula sa Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos.
Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ni Kristo, katulad nina Apostol San Pedro at San Juan sa Unang Pagbasa at ng dalawang alagad na bumalik mula sa Emaus sa Ebanghelyo, ipalaganap at ibahagi natin ang mga biyayang nagmumula sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, ipinapakilala natin ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa lahat. Ito ang magpapatunay na tinatanggap natin nang buong puso ang tunay na galak at pag-asa na nanggagaling lamang sa Kaniya bilang mga bumubuo sa Kaniyang Simbahan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento