30 Marso 2024
Sabado de Gloria:
Ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay [B]
Genesis 1, 1-2, 2 (o kaya: 1, 1. 26-31a)/Salmo 103 (o kaya: Salmo 32)/Genesis 22, 1-18 (o kaya: 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18)/Salmo 15/Exodo 14, 15-15, 1/Exodo 15/Isaias 54, 5-14/Salmo 29/ Isaias 55, 1-11/Isaias 12/Baruc 3, 9-15. 32-4, 4/Salmo 18/Ezekiel 36, 16-17a. 18-28/Salmo 41 (o kaya: Salmo 50)/Roma 6, 3-11/Salmo 117/Marcos 16, 1-7
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 17th century) Zmartwychwstanie by Anonymous, as well as the actual work of art itself from the Royal Castle in Warsaw, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
Hindi mahihigitan o mapapantayan ng kahit anong gabi sa buong taon ang halaga ng gabi ng Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay. Ang gabing ito ay ang pinakabanal at ang pinakamahalagang gabi sa buong taon para sa Simbahan. Isang pahiwatig nito ay ang haba ng nasabing pagdiriwang na nakasalalay rin sa dami ng mga Pagbasang babasahin. Mayroong pitong Pagbasa mula sa Lumang Tipan at pito ring Salmo kasunod ng bawat Pagbasa na susundan ng Pagbasa ng Sulat (ang Sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma) at ang Ikawalo at Huling Salmo na walang iba kundi ang Aleluya matapos awitin ang "Gloria" o "Papuri sa Diyos."
Mahaba man ang pagdiriwang sa gabi ng Sabado de Gloria, subalit isa lamang ang dahilan nito. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nabuhay na mag-uli. Hindi Siya nanatili sa loob ng libingan. Pagsapit ng ikatlong araw, muli Siyang nabuhay, gaya ng Kaniyang ipinangako. Bumangon nang matagumpay at lumabas mula sa libingan ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Jesus Nazareno. Kinumpleto ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos sa pamamagitan nito. Nagkaroon ng saysay at kabuluhan ang Kaniyang Krus. Ang mga luha, dalamhati, lungkot, at hapis dulot ng Kaniyang pagpapakasakit ay napawi nang tuluyan sa pamamagitan ng Kaniyang Muling Pagkabuhay.
Sa lahat ng mga kahanga-hangang gawa ng Panginoong Diyos, ang pinakadakila sa lahat ng ito ay ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno. Itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa, Ikalawang Pagbasa, at Ikatlong Pagbasa ang ilan sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Diyos. Ang salaysay ng paglikha ng Diyos sa mundo ay itinampok sa Unang Pagbasa. Tampok sa Ikalawang Pagbasa ang Kaniyang pagkakaloob ng isang lalaking tupa upang maging kapalit ni Isaac na papatayin sana ni Abraham na Kaniyang sinubok upang ihandog sa Kaniya. Sa Ikatlong Pagbasa, ang Dagat ng mga Tambo ay hinati ng Panginoon upang makatawid ang mga Israelita sa tuyong lupa. Kahanga-hangang tunay ang mga gawang ito. Subalit, hindi mahihigitan o mapapantayan ng mga ito ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno, ang pinakadakilang himalang ginawa ng Diyos.
Ipinaliwanag ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral na inilahad at itinampok sa Sulat na inihayag bago awitin ang Salmong Aleluya kung bakit walang makahihigit o makakapantay sa Muling Pagkabuhay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Sabi niyang hindi na mamamatay muli ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno (Roma 6, 9). Ang Muling Pagkabuhay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ay ang pinakadakilang patunay ng Kaniyang pagiging Diyos. Pinatunayan ng Poong Jesus Nazareno na kahit kailan ay walang makakatalo sa Kaniya. Kahit ano pang gawin laban sa Kaniya, hindi nila Siya kayang talunin. Walang makakatalo kay Jesus Nazareno.
Kaya naman, ang sabi ng binatang lalaking nakasuot ng mahabang puting damit sa mga babaeng dumalaw sa libingan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa banal na gabing ito: "Huwag kayong matakot! Hinahanap ninyo si Hesus, ang taga-Nazaret na ipinako sa krus. Wala na Siya rito - Siya'y muling nabuhay!" (Marcos 16, 6). Napakalinaw ang galak ng binatang lalaking ito nang kaniyang bigkasin sa mga babaeng dumalaw sa libingan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang mga salitang ito. Buong galak na inihatid ng binatang lalaking ito ang balita ng tagumpay ng Poong Jesus Nazareno na pinagtitibay ng Kaniyang Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan nito, ang galak na dulot ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay ibinabahagi at ipinalaganap ng binatang lalaking ito.
Ang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay ni Jesus Nazareno ay magkaugnay. Hindi maaaring paghiwalayin ang dalawang ito. Mayroong malalim na ugnayan ang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno. Binubuo ng dalawang ito, ang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay, ang Misteryo Paskwal ng Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, ang sangkatauhan ay iniligtas ng Diyos. Isa itong patunay na tapat ang Diyos sa Kaniyang pangako. Nakasentro sa walang maliw na katapatan ng Panginoon ang Ikaapat, Ikalima, Ikaanim, at Ikapitong Pagbasa mula sa Lumang Tipan. Pinatunayan ng Misteryo Paskwal ng Panginoong Jesus Nazareno na hindi nakakalimot ng pangako ang Diyos. Tunay nga Siyang tapat sa mga pangakong Siya mismo ang nagbitiw. Ang dakilang tagumpay na ito ng Diyos na tunay ngang tapat ay pinatunayan ng Misteryo Paskwal ng Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Pinapawi ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang mga luha, hapis, sakit, at dalamhati dulot ng unang bahagi ng Kaniyang Misteryo Paskwal na walang iba kundi ang Kaniyang Pasyong Mahal. Oo, namatay Siya sa Krus na Banal at inilibing. Ngunit, hindi Siya nanatili roon dahil muli Siyang nabuhay sa ikatlong araw, gaya ng paulit-ulit Niyang ipinangako. Ito ang Misteryo Paskwal ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng Kaniyang Misteryo Paskwal, ipinamalas ni Jesus Nazareno ang tunay Niyang kapangyarihan bilang Diyos. Ang kapangyarihan ng Panginoon na hindi nakakalimot ng pangako. Bagkus, lagi Niya itong tinutupad dahil sa Kaniyang walang maliw na pag-ibig at katapatan para sa atin.
Dahil nagtagumpay ang makapangyarihang pag-ibig at katapatan ng Diyos na hindi magmamaliw kailanman sa pamamagitan ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno, tayong lahat na bumubuo sa tunay na Simbahang Kaniyang itinatag, kasama ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, buong galak nating awitin ang "Aleluya" bilang pagpahayag ng ating galak na Kaniyang kaloob sa atin. Ang dulot ng tagumpay na ito ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay galak at pag-asa.
Nabuhay na mag-uli ang Panginoong Jesus Nazareno! Aleluya! Maligayang Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno! Viva Poong Jesus Nazareno!
This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between circa 1510 and circa 1518) Cristo presenta a la Virgen a los redimidos del Limbo by Fernando Yáñez de la Almedina and workshop (1459–), as well as the actual work of art itself from the Museo del Prado, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento