PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO
IKATLONG WIKA (Juan 19, 26-27):
"Ginang, narito ang iyong Anak . . . Narito ang iyong Ina."
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1643) Christ on the Cross with the Magdalen, the Virgin Mary and Saint John the Evangelist by Eustache Le Sueur (1616–1655), as well as the actual work of art itself from the National Gallery in London via Art UK, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer because the author died in 1655. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1929.
Kung babasahin natin ang bahagi ng salaysay ng Pagpapakasakit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ni San Juan na kung saan matatagpuan at mababasa natin ang bahagi kung saan binigkas Niya ang Ikatlong Wikang ito, ipinakilala sa atin ang Mahal na Birheng Maria bilang Kaniyang Ina (Juan 19, 25). Mas nakakatawag ng pansin ang hindi pagbanggit ni San Juan ng pangalan ng Mahal na Birheng Maria. Sa halip na gamitin ang pangalan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen upang ipakilala siya, ipinasiya ni San Juan na ipakilala siya bilang Ina ng Poong Jesus Nazareno. Kung tutuusin, pati sa salaysay ng unang himala ng Poong Jesus Nazareno sa Cana, hindi rin ginamit ni San Juan ang pangalan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Bagkus, ipinakilala rin si Maria bilang "Ina ni Hesus" sa salaysay ng nasabing kaganapan (Juan 2, 1). Sa pamamagitan nito, isinalungguhit ang malalim na relasyon at ugnayan bilang mag-ina ng Mahal na Inang si Mariang Birhen at ng Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Nang Kaniyang bigkasin ang Kaniyang Ikatlong Wika mula sa Krus, ipinagkatiwala ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Mahal na Inang si Mariang Birhen kay Apostol San Juan, ang alagad na Kaniyang minamahal. Subalit, hindi lamang ipinagkatiwala ng Poong Jesus Nazareno ang Mahal na Birheng Maria sa pangangalaga ni Apostol San Juan sa sandaling iyon. Bagkus, sa sandaling yaon, ang buong Simbahan ay itinuring at ibinilang na rin ng Panginoong Jesus Nazareno bilang Kaniyang pamilya.
Bagamat nakabayubay sa Krus, ipinagkaloob sa atin ng Panginoong Jesus Nazareno ang isang napakagandang biyaya. Tayong lahat ay naging parte ng Kaniyang pamilya sa sandaling iyon. Ipinakilala sa atin ng Mahal na Poon ang Kaniyang Inang si Maria upang maging Ina rin natin. Sa simula pa, iyon ang naging layunin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Maging bahagi tayo ng minamahal Niyang pamilya. Niloob ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na tayong lahat ay maging bahagi ng tunay na Simbahang Kaniyang itinatag at maging mga anak rin ng Mahal na Birheng Maria gaya Niya.
Isinasalamin ng gawang ito ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang pag-ibig para sa atin. Batid Niyang mga makasalanan tayo. Dahil dito, tayong lahat ay hindi karapat-dapat sa Kaniyang dakilang pag-ibig. Subalit, sa kabila ng ating mga kahinaan bilang mga makasalanan, ipinasiya pa rin Niya tayong mahalin. Katunayan, ito ang dahilan kung bakit pumayag Siyang maging alay para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan sa Banal na Krus. Niloob Niyang maging handog para sa ating kaligtasan dahil tunay Niya tayong minamahal. Ang pagkakaloob Niya sa Mahal na Inang si Maria sa atin upang maging Ina rin natin ay isa pang dagdag na biyaya mula sa Kaniya.
Sa pamamagitan ng pagkakaloob sa Mahal na Inang si Mariang Birhen sa atin upang maging atin ring Ina, inihayag sa atin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang dakila Niyang pag-ibig para sa ating lahat. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, tayong lahat ay ipinasiya Niyang iligtas upang maging bahagi rin tayo ng Kaniyang pamilya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento