25 Marso 2024
Mga Mahal na Araw - Lunes Santo
Isaias 42, 1-7/Salmo 26/Juan 12, 1-11
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1565) Christ Carried to the Tomb by Jacopo Tintoretto (1519–1594), as well as the actual work of art itself from the Scottish National Gallery via Art UK and the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States.
"Pabayaan ninyong inilaan [ni Maria] ito para sa paglilibing sa Akin" (Juan 12, 7). Ang mga salitang ito ay binigkas ng Poong Jesus Nazareno bilang tugon sa pagrereklamo ni Hudas Iskariote laban kay Santa Maria na taga-Betania, isa sa dalawang babaeng kapatid ni San Lazaro na taga-Betania na Kaniyang binuhay bago Siya pumasok nang matagumpay sa Herusalem upang harapin at tuparin ang Kaniyang misyong ibinigay sa Kaniya ng Ama bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Inireklamo ni Hudas Iskariote ang kamahalan ng pabangong ibinuhos sa mga paa ni Jesus Nazareno. Ang nasabing pabango ay binili ni Santa Maria na taga-Betania, kahit napakamahal ang pabangong iyon, sapagkat nais niyang iparating sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ang kaniyang taos-pusong pasasalamat. Pasasalamat at pagpaparangal sa Mahal na Señor ang layunin ng pagbili ni Santa Maria na taga-Betania ng nasabing pabango.
Katunayan, sa tugon ng Poong Jesus Nazareno sa reklamo ni Hudas Iskariote laban sa mamahaling pabangong binili na nagbuhos nito sa Kaniyang mga paa na si Santa Maria na taga-Betania, isang napakahalagang detalye tungkol sa Kaniyang misyon at tungkulin bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay Kaniyang binanggit. Bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ihahain ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang buo Niyang sarili sa Krus para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ito ang ipinahiwatig ni Jesus Nazareno nang Kaniyang banggitin ang paglilibing sa Kaniya.
Batid ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang dahilan kung bakit ang mamahaling pabangong ibinuhos sa Kaniyang mga paa ni Santa Maria na taga-Betania na isa sa Kaniyang mga kaibigan ay binili ng Kaniyang kaibigang ito. Ang Poong Señor ay tunay ngang nalugod sa ginawang ito ni Santa Maria na taga-Betania dahil ang gawang ito ay bunga ng kaniyang dalisay na pagpapahalaga sa kaniyang pananalig, pag-ibig, at tiwala. Hindi ito ginawa ni Santa Maria na taga-Betania upang makalamang siya sa iba pang mga tagasunod ng Poong Jesus Nazareno. Ipinasiya niya itong gawin dahil lubos niyang pinahalagahan ang kaniyang ugnayan sa Panginoong Jesus Nazareno.
Ang mga salitang binigkas ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ay tungkol sa pinakadakilang biyayang na kaloob Niya sa sangkatauhan na walang iba kundi ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Sa Salmong Tugunan, ang Panginoong Diyos ay ipinakilala ng tampok na mang-aawit bilang tunay na tanglaw at kaligtasan. Napakalinaw kung ano ang pakay at layunin ng mga salitang binigkas sa Unang Pagbasa at sa Salmong Tugunan. Inilalarawan ang pinakadakilang biyayang ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan na walang iba kundi ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno.
Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, isinugo Niya sa daigdig na ito ang pinakadakilang biyayang mula sa langit na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Ang pinakadakilang biyayang ito na si Jesus Nazareno ay pinahalagahan ni Santa Maria na taga-Betania. Gaya ni Santa Maria na taga-Betania, bilang mga deboto ng Poong Jesus Nazareno, nararapat lamang na parangalan, panaligan, pahalagahan, sampalatayanan, sambahin, at sundin natin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Diyos na nagkatawang-tao upang ipagkaloob sa atin ang biyaya ng Kaniyang dakilang pagliligtas, nang tapat at taos-puso.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento