Sabado, Enero 20, 2024

PATUNAY NG DEBOSYON AT PAMAMANATA

28 Enero 2024 
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Deuteronomio 18, 15-20/Salmo 94/1 Corinto 7, 32-35/Marcos 1, 21-28 

This image from Sweet Publishing via FreeBibleimages is made available under a Creative Commons Attribution-ShareAlike 3.0 Unported license (CC BY-SA 3.0).


Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay nakasentro sa isang napakahalagang aral para sa atin, lalung-lalo na yaong mga tapat na nagdedebosyon sa namamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa tulong ng mga Pagbasa, itinuturo ng Simbahan kung paano nga ba maging mga tunay na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Hindi lamang sa pamamagitan ng pagsisimba sa Simbahan ng Quiapo tuwing araw ng Biyernes o kaya naman tuwing ikasiyam na araw ng Enero at pakikilahok sa iba't ibang mga prusisyon, lalung-lalo na sa Prusisyon ng Nazareno tuwing ikasiyam ng Enero at Biyernes Santo, natin mapapatunayan ang ating debosyon at pamamanata sa Poong Jesus Nazareno. Bagkus, mapapatunayan rin ito sa pamamagitan ng mga ginagawa natin araw-araw at ang mga salitang binibigkas natin araw-araw. Kung tutuusin, ang mga salita at gawa ang magpapatunay tunay at taos-puso ang ating debosyon at pamamanata sa Poong Jesus Nazareno. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Moises sa mga tao ang tungkulin ng mga propetang hinirang ng Panginoong Diyos at ang dapat maging tugon ng mga tao sa kanila. Ang tungkulin ng mga propetang hinirang ng Diyos ay iparating sa mga tao ang lahat ng mga mensahe ng Diyos sa Kaniyang bayan. Bilang mga bumubuo sa bayan ng Diyos, kailangang pakinggan at dinggin ng mga tao ang mga mensahe ng Panginoong Diyos na inilalahad sa kanila ng mga propetang Kaniyang hirang. Gaya ng sabi ng mang-aawit sa Salmo: "Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo S'yang salungatin" (Salmo 94, 8). Hindi lamang para sa mga Israelita sa Unang Pagbasa ang mga salitang buong lakas na binigkas ni Moises sa Unang Pagbasa. Bagkus, ito rin ay para sa lahat na buong pusong sumasamba, nananalig, at sumasampalataya sa Panginoon.

Isa lamang ang nais ituro ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang tagubilin at aral na nais ituro ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito ay laging piliin ang Diyos at unahin ang Kaniyang kalooban. Hindi galit si Apostol San Pablo sa mga magkabiyak ng puso. Bagkus, tinutulungan pa nga niya ang mga magkabiyak ng puso kung paano pa rin silang maging tapat bilang mga Kristiyanong bumubuo sa Simbahan. Unahin ang kalooban ng Diyos. Para sa lahat ng mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ni Kristo ang tagubiling ito ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Dapat maging una ang Panginoong Diyos sa mga buhay natin. Katunayan, dapat natin itong piliin sa lahat ng oras. 

Tampok sa Ebanghelyo para sa Linggong ito ang pangaral ni Jesus Nazareno sa isang sinagoga at ang isinagawa Niyang pagpapalayas ng masasamang espiritu o demonyo mula sa isang lalaking sinasapian nito. Sa pamamagitan ng himalang ito, ang lalaking ito ay pinalaya ng Nuestro Padre Jesus Nazareno mula sa mga tanikala ng demonyo. Binigyan ng Panginoong Jesus Nazareno ang lalaking ito ng pagkakataong piliin Siya, ang Diyos na nagkatawang-tao upang iligtas ang lahat ng mga tao, na naghatid ng kagalingan at kalayaan sa kaniya. Ginawa Niya ito dahil sa Kaniyang awa, habag, at pag-ibig para sa lalaking ito. 

Dumating ang Mahal na Poong Jesus Nazareno upang iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan. Ang ating debosyon at pamamanata sa Kaniya na nagligtas sa atin sa pamamagitan ng Kaniyang Banal na Krus at Muling Pagkabuhay ay ang ating tugon sa Kaniya. Mapapatunayan natin ito sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento