15 Oktubre 2023
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 25, 6-10a/Salmo 22/Filipos 4, 12-14. 19-20/Mateo 22, 1-14 (o kaya: 22, 1-10)
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1796-1797) La parábola de los convidados a la boda by Francisco Goya (1746–1828), as well as the actual work of art itself from the Oratorio de la Santa Cueva, Cádiz, España via Fundación Goya en Aragón, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Sa mahabang bersyon ng Ebanghelyo para sa Linggong ito, inilarawan kung paanong pinarusahan ng hari sa talinghaga ng Panginoong Jesus Nazareno ang isang taong hindi nakadamit pangkasalan. Dahil ang taong iyon ay hindi nakadamit pangkasalan, agad na iniutos ng hari ang kaniyang mga tauhan na paalisin mula sa kasalan ang taong iyon. Katunayan, hindi lamang pinaalis ang taong ito. Pinagapos pa ng hari ang mga kamay at paa ng taong ito at ipinatapon sa labas kung saan napakadilim ang kapaligiran (Mateo 22, 13).
Ano ang aral na nais ituro ng Poong Jesus Nazareno sa bahaging ito ng talinghagang isinalaysay Niya sa Ebanghelyo? Bagamat ang lahat ay inaaanyayahan sa piging ng Panginoon sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit, hindi makakapasok ang lahat dahil may mga hindi marunong magpahalaga ng pagkakataong ibinigay sa kanila. Oo, bukas sa lahat ang piging ng Panginoong Diyos sa langit. Siya pa nga mismo ang nag-aanyaya sa lahat. Iyon nga lamang, hindi lahat ay makakapasok at makikiisa sa piging ng Panginoon sa Kaniyang maluwalhati at walang hanggang kaharian sa langit dahil hindi pahahalagahan ng lahat ang mga pagkakataon at paanyayang ibinigay ng Diyos sa kanila. Ang taong hindi nakadamit pangkasalan sa huling bahagi ng talinghaga ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay sumasagisag sa mga hindi nagpahalaga sa mga pagkakataon at paanyaya sa kanila ng Panginoong Diyos na makiisa sa walang hanggang piging sa Kaniyang maluwalhati at walang hanggang kaharian sa langit.
Gaya ng sabi sa Unang Pagbasa, aanyayahan ng Panginoong Diyos ang lahat ng mga bansa sa piging na Kaniyang paghahandaan (Isaias 25, 6). Ito rin ang puntong nais isalungguhit sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito. Ang lahat ay binibigyan ng pagkakataong makasama sa walang hanggang piging ng Diyos sa Kaniyang walang hanggan at maluwalhating kaharian sa langit. Nasa tao ang pasiya kung tatanggapin nga ba nila o hindi ang paanyayang ito ng Diyos nang tapat at taos-puso. Bagamat mahirap paniwalaan, hindi tatanggapin ng lahat ang paanyaya ng Panginoon para sa lahat. Mukhang nakakagulat, subalit iyon ang katotohanan.
Inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang katangian ng mga tunay, tapat, at taos-pusong tumatanggap sa paanyaya ng Diyos na makasama Siya sa langit. Sabi ni Apostol San Pablo na dahil sa lakas na kaloob ni Kristo, nagawa niyang harapin at tiisin ang lahat ng mga pagsubok na kaakibat ng kaniyang misyon bilang apostol at misyonero sa mga Hentil (Filipos 4, 12-14). Dahil sa lakas na ipinagkaloob ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, si Apostol San Pablo at ang iba pang mga kabilang sa kasamahan ng mga banal sa langit ay nagpasiyang manatiling tapat sa Panginoong Diyos, sa hirap at ginhawa. Sa pamamagitan nito, ang kanilang taos-pusong pagtanggap at pagpapahalaga sa paanyaya ng Diyos na makasama Siya sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit.
Nais ng Panginoon na makasama tayong lahat sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit magpakailanman kung saan mayroon Siyang inihandang piging para sa atin. Iyon nga lamang, hindi pahahalagahan at tatanggapin ng lahat ang mga pagkakataon at paanyayang ibinibigay ng Diyos. Kahit nais ng Diyos na isama sila, hindi Niya ito magagawa sapagkat hanggang sa huli, ipinasiya pa rin nila itong sayangin at hindi pahalagahan ang mga pagkakataong ito.
Habang ang bawat isa sa atin ay patuloy na namumuhay at naglalakbay sa mundong ito nang pansamantala lamang, lagi tayong inaanyayahan at binibigyan ng Diyos ng pagkakataong makasama Siya sa langit. Ang mga pagkakataong ito na bigay sa atin ng Diyos ay hindi dapat sayangin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento