31 Mayo 2023
Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria
Sofonias 3, 14-18 (o kaya: Roma 12, 9-16b)/Isaias 12/Lucas 1, 39-56
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 17th century) La Visitazione by Antiveduto Grammatica (1571–1626), as well as the actual work of art itself, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928.
Isinalaysay sa Banal na Ebanghelyo ang mahalagang kaganapang itinatampok at pinagninilayan ng Simbahan sa Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito. Malayo ang nilakbay ni Maria upang dalawin si Elisabet. Subalit, tunay ngang natatangi ang kanyang pagdalaw na ito na isinalaysay ng manunulat ng Mabuting Balitang si San Lucas sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito kung ikukumpara sa mga nakaraan niyang pagdalaw sa kamag-anak niyang ito. Bagamat ang pagiging payak, maamo, at mababang-loob ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay nanatili pa rin, hindi mapagkakailang tunay ngang naiiba ang pagdalaw na ito. Dumalaw siya sa kanyang kamag-anak na si Elisabet na nagdadala sa sanggol na si San Juan Bautista sa kanyang sinapupunan bilang babaeng hinirang at itinalaga upang maging Ina ng Diyos na nagkatawang-tao na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Sa mga oras na yaon, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay dumalaw bilang Kaban ng Bagong Tipan sapagkat dinala niya sa kanyang sinapupunan ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na walang iba kundi si Jesus Nazareno. Ang Salita o Verbong ito ay dumating upang ihayag ang Mabuting Balita ng pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Krus at Muling Pagkabuhay. Iyan ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol na dinadala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan.
Bago dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng tanan ang Bugtong na Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi si Jesus Nazareno, hinirang at inatasan ng Panginoong Diyos ang mga propeta ng Lumang Tipan bilang mga tagapaghatid ng Kanyang mga mensahe sa Kanyang bayang hinirang na walang iba kundi ang Israel. Si Propeta Sofonias ay isang halimbawa ng maraming mga propetang hinirang ng Diyos sa Lumang Tipan. Tiyak na nagdulot ng tuwa sa bayang Israel ang mga salitang inihayag ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Sofonias sa Unang Pagbasa para sa araw na ito. Hinirang sila ng Panginoong Diyos upang maging tagapaghatid ng Kanyang mensahe. Ginawa rin ito ng Mahal na Birheng Maria sa Ebanghelyo. Katunayan, ang ginawa ni Maria sa Ebanghelyo ay higit pa sa ginawa ng lahat ng mga Propeta sa Lumang Tipan. Ito ay dahil dinala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan ang mismong Salita o Verbong nagkatawang-tao na si Jesus Nazareno.
Sa alternatibong Unang Pagbasa para sa Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito, isinentro ni Apostol San Pablo ang kanyang pangaral sa dapat maging asal ng mga tunay at tapat na saksi ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Dapat maging maibigin at mabuti ang lahat ng mga tunay at tapat na saksi ni Kristo. Ang kabutihan at kabanalan ay dapat lamang pairalin at isabuhay ng mga tunay at tapat na saksi ng Poong Jesus Nazareno. Ito ay dahil sa mga salitang nasasaad sa Salmo para sa araw na ito: "Kapiling n'yo ang butihing Poong Banal ng Israel" (Isaias 12, 6b). Bilang mga Kristiyano at deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, mayroon tayong tungkuling dapat gampanan. Maging Kanyang mga saksi. Subalit, hindi sapat ang mga salita lamang. Bagkus, dapat rin natin itong ipakita sa mga gawa.
Mayroon tayong misyon at tungkulin bilang mga Kristiyano at mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang ating misyon at tungkulin na dapat natin tuparin at gampanan bilang mga Kristiyano at mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay sumaksi at magpatotoo tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng mga salita at gawa. Isinagawa ito ng mga propeta sa Lumang Tipan katulad ni Propeta Sofonias, gayon din ni Apostol San Pablo, at higit sa lahat, ginawa rin ito ng Mahal na Inang si Mariang Birhen na siyang Kaban ng Bagong Tipan. Handa ba tayong gawin rin ito gaya nila?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento