21 Mayo 2023
Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat (A)
Mga Gawa 1, 1-11/Salmo 46/Efeso 1, 17-23/Mateo 28, 16-20
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1700), Christi Himmelfahrt (Ascension of Christ) by François-Alexandre Verdier (1651–1730), as well as the actual work of art itself from the Kunsthistorisches Museum in Vienna, Austria, is in the Public Domain ("No Copyright") in its area of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer because the author died in 1730. This faithful photographic reproduction of the said painting, as well as the actual work of art itself, is in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928.
Isinalaysay ang mahalagang pangyayaring ito sa buhay ng Panginoong Hesukristo na nagsisilbing hudyat ng wakas ng Kanyang misyon at tungkulin dito sa mundo bilang Mesiyas at Manunubos na ipinangkaloob ng Diyos sa Unang Pagbasa. Sa Salmo, ang ating pansin ay itinuon sa tunay na pagkaklinlan ng Nazarenong si Kristo Hesus. Ang tunay na Panginoon at Hari ay dumating sa mundo upang iligtas ang sangkatauhang kinahahabagan, iniibig, at kinakalingang tunay sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Matapos ang Kanyang misyon, umakyat Siya sa Kanyang kaharian sa langit sa saliw ng iba't ibang mga tugtugin at awitin ng mga anghel. Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na nakaluklok sa kanan ng Diyos Amang nasa langit ang Diyos Anak na si Hesus, ang tunay na Panginoon, Manunubos, at Haring walang hanggan.
Subalit, sa Ebanghelyo, ang Pag-Akyat sa Langit ng Panginoong Jesus Nazareno ay hindi isinalaysay. Inilahad sa salaysay sa Ebanghelyo para sa Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan para sa Linggong ito ang wakas ng Ebanghelyo ni San Mateo kung saan isinalaysay ng nasabing manunulat ng Banal na Ebanghelyo ang pagpapakita ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno sa mga apostol sa Galilea. Sa sandaling iyon, isinagawa ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang dakilang pagsusugo sa mga apostol sa iba't ibang mga bansa sa mundong ito upang gawing Kanyang mga alagad ang lahat ng mga bansa sa mundo (Mateo 28, 19). Sa wakas ng salaysay ng Ebanghelyo ni San Mateo, inihayag nang malakas ni Kristo Hesus ang Kanyang pangako na palagi Niya silang sasamahan hanggang sa wakas ng sanlibutan (Mateo 28, 20). Matapos bigkasin nang malakas at malinaw ni Jesus Nazareno ang pangakong ito para sa mga apostol na mga unang bumuo sa tunay at nag-iisang Simbahang Kanyang itinatag, nagwakas ang salaysay ng Banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo. Ang Pag-Akyat ng Panginoon sa Langit ay hindi diretsyahang binanggit. Sa tatlong sinotikong Ebanghelista, si San Mateo ang tanging Ebanghelistang hindi nagsulat nang diretsyo tungkol sa kaganapang ito.
Bakit hindi binaggit ni San Mateo ang Pag-Akyat ng Poong Jesus Nazareno? Mula sa simula hanggang sa wakas ng kanyang Ebanghelyo, maliwanag na itinutuon ni San Mateo ang ating mga pansin sa pagiging "Emmanuel" o pagiging laging kasama ng ating Nuestro Padre Jesus Nazareno. Kahit na nakaluklok Siya sa Kanyang trono sa langit, sinasamahan pa rin tayo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Lagi pa rin Niya tayong sinasamahan at dinadamayan. Hindi Niya tayo pababayaan kailanman. Kaya nga, sa simula ng kanyang salaysay ng Mabuting Balita, binanggit ni San Mateo ang isa sa mga propesiya ni Propeta Isaias kung saan ipinakilala niya ang Mesiyas bilang "Emmanuel" na nangangahulugang "Ang Diyos ay sumasaatin" (Isaias 7, 14; Mateo 1, 23). Hanggang sa huli, ito ang nais bigyan ng pansin ni San Mateo. Ang Panginoong Jesus Nazareno na nabuhay na mag-uli ay nagpapatunay na kailanman ay hindi tayo pababayaan ng Diyos. Lagi Niya tayong sasamahan dahil tunay Niya tayong iniibig, kinaaawaan, kinahahabagan, at kinakalinga.
Kahit na Siya'y nakaluklok sa Kanyang maringal na trono sa Kanyang maluwalhati at walang hanggang kaharian sa langit, sa kanan ng Ama, hindi tayo pababayaan ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno. Ang maringal Niyang Pag-Akyat sa Langit ay hindi nangangahulugang iiwanan at pababayaan na Niya tayo. Bagkus, lagi pa rin Niya tayong sasamahan hanggang wakas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento