19 Mayo 2023
Biyernes sa Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 18, 9-18/Salmo 46/Juan 16, 20-23a
Tinatalakay ng mga Pagbasa para sa araw na ito ang galak dulot ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno sa atin. Sa pamamagitan ng Kanyang maluwalhating Muling Pagkabuhay matapos ang Kanyang pagkamatay sa Banal na Krus, idinudulot sa atin ng Poong Jesus Nazareno ang biyaya ng Kanyang galak. Ang galak na Kanyang kaloob sa atin ay hindi katulad ng galak na ipinagkakaloob ng mundong ito. Higit na dakila ang galak na ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno kaysa sa galak na inaalok at ipinagkakaloob sa atin ng mundong ito. Dito sa mundong ito, ang galak ay pansamantala lamang katulad nito. Ang galak naman na kaloob ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay walang hanggan. Matatamasa natin ang biyayang ito nang buo sa wakas ng ating buhay dito sa mundong ito. Kailangan lamang natin mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos dito sa lupa nang sa gayon ay ating maihanda ang ating mga sarili para sa buhay na walang hanggan sa langit.
Sa Ebanghelyo, isinentro ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang Kanyang pangaral sa tunay na galak na Kanyang kaloob sa tanan. Inihayag Niyang hindi maagaw mula sa mga tapat Niyang lingkod na nananalig, sumasampalataya, sumasamba, sumasaksi, at umiibig sa Kanya ang galak na Kanyang kaloob (Juan 16, 22). Hindi ito katulad ng galak na kaloob ng mundong ito na madaling agawin at pansamantala lamang. Ang biyayang ito ni Jesus Nazareno ay mananatiling nakadikit sa atin sa mga puso ng mga nananalig, sumasampalataya, sumasaksi, at nagmamahal sa Kanya nang may taos-pusong katapatan. Ito ang galak na kusang-loob na ipinagkaloob ng Panginoon kay Apostol San Pablo na nakabilanggo sa Unang Pagbasa. Naghatid Siya ng pangako sa nakabilanggo Niyang apostol at misyonerong si Apostol San Pablo. Ang pangakong ito ay Kanyang tinupad sa pamamagitan ng paglaya ni Apostol San Pablo. Dahil sa Panginoon, si Apostol San Pablo ay napuspos ng tunay na galak. Ang biyayang ito ay buong kababaang-loob at pananalig na tinanggap ni Apostol San Pablo mula sa bukal nito na walang iba kundi ang Panginoon. Ito ang tanging biyayang pumupukaw at umuudyok sa atin na makiisa sa awiting inilahad sa Salmo para sa araw na ito. Kung tutuusin, ito rin ay isa sa mga dahilan kung bakit ipinagkaloob ng Panginoong Jesus Nazareno ang biyayang ito sa atin. Sa pamamagitan nito, inihayag Niya ang Kanyang loobin na pagindapatin tayong maghandog ng papuri, pasasalamat, at pagsamba sa Kanya sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa.
Ang tunay na galak ay ang galak na hindi maagaw mula sa atin. Hindi matatagpuan dito sa mundong ito kung saan ang lahat ng bagay na makikita rito ay pansamantala lamang. Guguho, maglalaho, at mawawala rin ang mga iyon pagdating ng takdang panahon. Matatagpuan lamang natin ang biyayang ito, ang tunay na galak, sa Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno. Kusang-loob Niya itong ipinagkakaloob sa atin dahil sa Kanyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento