Miyerkules, Marso 15, 2023

ANG MGA PALASPAS AT ANG KRUS

2 Abril 2023 
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoong Jesus Nazareno (A) 
Mateo 21, 1-11 [Prusisyon ng Palaspas] 
Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Mateo 26, 14-27, 66 (o kaya: 27, 11-54) [Misa] 

This faithful photographic reproduction of the painting Entry of Christ into Jerusalem (c. Second Quarter of the 17th Century) by the Workshop of Frans Franken the Younger (1581-1642), as well as the actual work of art itself from the National Museum in Warsaw, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Ang Linggo ng Palaspas ay ang unang araw ng mga Mahal na Araw. Subalit, kung babasahin natin ang Misal at ang Leksyonaryo, hindi lamang tinatawag na Linggo ng Palaspas ang araw na ito. Bagkus, ang buong pangalan ng araw na ito, ang simula ng mga Mahal na Araw, ay Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon. Hindi lamang sa mga Palaspas nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa Linggong ito. Sa dakilang misteryo ng Banal na Krus rin nakatuon ang pansin ng Simbahan sa araw na ito na siyang unang araw o umpisa ng mga Mahal na Araw, ang pinakamahalagang sanlinggo sa Kalendaryo ng Simbahan. 

Ipinapahiwatig ng buong pangalan ng araw na ito, ang simula ng mga Mahal na Araw, na mababasa sa Misal at Leksyonaryo ang ugnayan ng mga Palaspas at ang Krus. Sa ugnayang ito na napakalinaw nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Ang mga Palaspas at ang Kabanal-banalang Krus ng Panginoong Jesus Nazareno ay hindi magkahiwalay. Bagkus, ang mga Palaspas ay nagsisilbing mga tagapagturo ng Banal na Krus ng Panginoong Jesus Nazareno. Ang mga Palaspas ay nagsisilbing mga paalala para sa atin na dumating ang pinakadakilang pagpapalang kaloob ng Diyos sa lahat, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, upang harapin ang Kanyang Krus. Dahil dito, tayong lahat ay naligtas mula sa kasalanan at kamatayan. 

Bagamat hindi naman kinailangan itong gawin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ipinasiya pa rin Niya itong gawin alang-alang sa atin. Ang tanging dahilan kung bakit Niya ito ipinasiyang gawin ay walang iba kundi ang Kanyang dakilang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob para sa atin. Katunayan, ang pangalan ng sanlinggong ito na tunay nga namang napakahalaga para sa Simbahan ay isang pahiwatig nito. Dahil sa pag-ibig, habag, at kagandahang-loob na tunay nga namang dakila, ipinasiya itong gawin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno upang tayo ay maligtas. Iniligtas tayo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno dahil tunay Niya tayong minamahal.

Nakasentro sa pasiyang ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang mga Pagbasa para sa araw na ito, ang simula ng mga Mahal na Araw. Ang propesiya ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito ay nakasentro sa lahat ng mga hirap, sakit, at pagdurusang binata ni Kristo para sa lahat. Bago pa man dumating sa lupa ang Panginoong Jesus Nazareno, inihayag na ng mga propeta kung ano ang Kanyang gagawin bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas ng sangkatauhan. Ipinasiyang talakayin ni Propeta Isaias ang pagpapakasakit ng ipinangakong Tagapagligtas na si Jesus Nazareno, ang Mahal na Poon, para sa sangkatauhan. Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na buong kababaang-loob na tinupad ng Nazareno ang misyong ibinigay sa Kanya ng Ama bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Sa dalawang Ebanghelyo, inilarawan ang kababaang-loob ng Poong Jesus Nazareno sa bawat sandali ng Kanyang pagpasok sa Herusalem at sa bawat sandali ng araw na hinatulan Siya ng kamatayan sa Krus. 

Marahil ay naaaliw ang marami sa atin sa panonood ng maraming mga palabas na tumatalakay sa pag-ibig, gaya na lamang ng mga pelikulang anime. Ilang halimbawa ng mga pelikulang anime na tumalakay sa paksa ng pagiging handa na gawin ang lahat para sa mga minamahal ay ang Hello World, Your Name (君の名は), Weathering With You (天気の子), at marami pang iba. Sa totoo lamang, maganda naman talaga ang kuwento ng mga nasabing pelikulang anime na ito. Iyon nga lamang, madalas na kinakalimutan ng ilan sa atin ang pinakadakilang kuwento ng pag-ibig. Oo, maganda naman talaga ang mga kuwentong isinasalaysay ng mga pelikulang anime o seryeng anime o kaya naman mga serye at pelikulang gawa sa Korea. Subalit, huwag nating lilimutin na gaano mang kagaling ang mga bumuo ng kuwento na isinalaysay sa mga nasabing pelikula o serye, tulad na lamang ni Makoto Shinkai para sa 君の名は, 天気の子, at pati na rin sa bagong pelikulang anime na Suzume, hindi sila ang may-akda sa pinakadakilang kuwento ng pag-ibig. Ang Diyos, sa pamamagitan ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ay ang may-akda ng pinakadakilang kuwento ng pag-ibig na bahagi na ng kasaysayan, hindi lamang ng Simbahan, kundi ng buong mundo. 

Hindi magkahiwalay ang mga Palaspas at ang Krus. Napakalaki at napakalalim ang ugnayan ng mga Palaspas at ang Krus. Ang mga Palaspas ay nagsisilbing mga tagaakay at mga gabay tungo sa Krus. Itinuturo tayo ng mga Palaspas sa Banal na Krus ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng Banal na Krus, binuo ang pinakadakilang kuwento ng pag-ibig. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento