25 Marso 2023
Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon
Isaias 7, 10-14; 8, 10/Salmo 39/Hebreo 10, 4-10/Lucas 1, 26-38
This faithful photographic representation of the painting Annunciation (c. 1699) by Onorio Marinari (1627–1715), as well as the work of art itself from the Palazzo Bianco Collection, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or less due to its age.
Madalas tumapat ang Dakilang Kapistahang ito sa panahon ng Kuwaresma, bagamat pinagninilayan at ginugunita pagsapit ng Dakilang Kapistahang ito ang isang napaka-importanteng kaganapang naganap bago ang pagsilang ng ating Nuestro Padre Jesus Nazareno sa isang sabsaban sa Betlehem noong gabi ng unang Pasko. Kapag ang orihinal na petsa ng Dakilang Kapistahang ito ay tumapat sa mga Mahal na Araw o kaya naman sa isa sa mga araw sa Oktaba ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, inililipat ang pagdiriwang ng Dakilang Kapistahang ito sa Lunes kasunod ng Ikalawang Linggo sa panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay.
Bukod sa pagiging siyam na buwan bago ang petsa ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno (25 Disyembre), ang ugnayan o koneksyon ng Dakilang Kapistahang ito sa panahon ng Kuwaresma o ang 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay ay napakalalim. Ang araw na ito ay isang paggunita sa paghahatid ng Arkanghel San Gabriel sa Mahal na Inang si Mariang Birhen ng Magandang Balita tungkol sa Poong Jesus Nazareno. Itinatampok sa araw na ito ang dahilan kung bakit ibinigkas ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang kanyang "Oo" o "Fiat" sa kalooban ng Panginoong Diyos nang may kababaang-loob at pananalig, kahit batid niya kung gaano kabigat ang pananagutang ito. Ito ay dahil ang sentro ng Mabuting Balitang ito ay ang katuparan ng pangako ng Diyos sa pamamagitan mismo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Ang kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo para sa Dakilang Kapistahang ito ay may isang napakalinaw na ugnayan sa propesiya sa Unang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, nahayag ang kalooban ng Diyos para sa ikaliligtas ng sangkatauhan. Nakasentro sa katuparan ng pangakong ito ng Panginoong Diyos ang mga kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo. Hindi ito isang kaganapang nangyari nang biglaan na lamang. Bagkus, bahagi ito ng plano ng Diyos. Kaya naman, maituturing itong isang unang pahayag at paliwanag tungkol sa isinagawa ng Diyos sa Bagong Tipan sa pamamagitan ng ating Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ipinaliwanag ng Arkanghel San Gabriel kay Maria sa tampok na salaysay sa Banal na Ebanghelyo ang kanyang tungkulin bilang babaeng hinirang ng Diyos upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na walang iba kundi si Jesus Nazareno. Ang responsibilidad na ito ay buong kababaang-loob at pananalig na tinanggap ng Mahal na Inang si Mariang Birhen.
Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag na niloob ng Diyos na dumating sa mundong ito si Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan. Ang mga salita sa Salmo para sa Dakilang Kapistahang ito ay buong kababaang-loob na isinabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno noong dumating Siya sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Ito ang dahilan kung bakit itinatampok ng banal na imahen ng Nazareno ang Panginoong nagpapasan ng Krus.
Hindi ba isinaalang-alang ng Diyos kung ano ang Kanyang mararamdaman noong ipinasiya Niyang isugo ang Poong Jesus Nazareno sa mundong ito bilang Mesiyas at Manunubos? Oo, naisip iyan ng Diyos. Batid ng Ama na masasaktan Siya sa sasapitin ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, alang-alang sa atin. Subalit, sa kabila nito, ipinasiya pa rin Niya itong gawin nang kusang-loob dahil sa Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob para sa atin. Kahit na batid Niyang masasaktan Siya nang lubos, ipinasiya pa rin Niya itong mangyari upang tubusin sa pamamagitan nito ay maligtas ang sangkatauhan.
Ito ang Mabuting Balita. Bagamat mga makasalanan tayo, patuloy tayong iniibig at kinahahabagan ng Diyos. Ang pinakadakilang biyayang Kanyang ipinagkaloob Niya sa atin na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno na nagpakasakit, namatay, at nabuhay na mag-uli alang-alang sa atin, ay ang patunay nito. Kaya naman, bilang tugon, pagsisihan natin ang ating mga kasalanan, magbalik-loob tayo sa Kanya, at laging magsikap na mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento