24 Marso 2023
Biyernes sa Ikaapat na Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay
Karunungan 2, 1a. 12-22/Salmo 33/Juan 7, 1-2. 10. 25-30
This faithful photographic reproduction of the painting Cristo con la Cruz a cuestas, encuentra a la Verónica (English: Christ Bearing the Cross Meets Veronica; c. 1659) by Antonio Arias Fernández (1614–1684), as well as the actual work of art itself from the Museo del Prado Collection, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or less due to its age.
Habang papalapit ang Simbahan sa pagdiriwang ng mga Mahal na Araw, ang banal na panahong inilaan para sa taimtim na pagninilay at paggunita sa Pasyong Mahal at Muling Pagkabuhay ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, muling itinutuon ang ating pansin sa tema ng pagpapakasakit at pagdurusa ng mga tapat na lingkod ng Panginoong Diyos sa kamay ng kanilang mga kaaway. Naaangkop itong gawin, lalo't higit ang araw na ito ay isang araw ng Biyernes na inilaan para sa taimtim na debosyon at pamamanata kay Kristo sa ilalim ng Kanyang titulo bilang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Lalo itong napapanahon dahil isa itong araw ng Biyernes sa loob ng banal na panahon na kilala natin sa tawag na Kuwaresma.
Ang mga Pagbasa para sa Misa sa araw na ito ng Biyernes, ang araw na inilaan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Poong Jesus Nazareno, ay nakasentro sa pag-uusig sa mga tapat na lingkod ng Diyos. Bagamat tapat silang naglilingkod sa Diyos, hindi sila tinanggap ng ibang mga tao. Hindi ikinatuwa o tinanggap ng ibang mga tao ang tapat nilang pagpanig at paglingkod sa Panginoong Diyos. Dahil dito, ipinasiya nilang usigin ang mga lingkod na ito. Kahit na ang mismong Mesiyas na si Jesus Nazareno, ang Bugtong na Anak ng Diyos, ay hindi naging ligtas mula sa pag-uusig. Ito ang katotohanan tungkol sa mga inusig na Kristiyano.
Tila isang buod ng mga dinanas ng mga hinirang ng Diyos upang maging Kanyang mga propeta sa Lumang Tipan ang inilarawan sa Unang Pagbasa. Inilarawan ang mga balak laban sa mga propetang buong kababaang-loob at katapatang naglingkod sa Diyos na tumawag at humirang sa kanila sa ministeryong ito. Nais nilang usigin at patayin ang mga lingkod na ito. Bakit? Para raw ito sa kanilang "ikatatahimik." Hindi nila gusto yaong tinatawag nilang pakikialam, kahit mali o kasalanan ang kanilang ginagawa. Sa wakas ng Ebanghelyo, inilarawan ang galit ng mga tao laban sa Poong Jesus Nazareno. Hindi nila matanggap ang Kanyang mga sinabi tungkol sa Kanyang sarili. Bagamat ang ating Mahal na Poong Jesus Nazareno ay tunay ngang Anak ng Diyos at Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo, hindi matanggap ng Kanyang mga kaaway at ilan sa Kanyang mga tagapakinig ang katotohanang ito.
Ito ang katotohanan tungkol sa paglilingkod sa Panginoong Diyos. Mayroon namang mga tatanggap sa mga tunay at tapat na lingkod ng Diyos, subalit hindi lahat. Hindi ligtas mula sa mga pag-uusig at pagpapakasakit sa buhay dito sa mundo ang lahat ng mga magpapasiyang maglingkod sa Diyos nang buong katapatan. Mismong ang Poong Jesus Nazareno ang patunay ng katotohanang ito. Ito ang dahilan kung bakit ang Banal na Krus na Kanyang kinamatayan ay Kanyang pinasan mula sa Herusalem hanggang Kalbaryo alang-alang sa atin, kahit hindi naman ito makatarungan.
Muli tayong inaanyayahan ng Simbahan na suriin ang ating mga sarili kung handa nga ba tayong maglingkod sa Panginoon nang kusang-loob. Kung ang Diyos ay ating paglilingkuran upang makatakas o makaligtas mula sa mga pag-uusig sa buhay dito sa mundong ito, hindi tunay ang ating kapatan sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento