PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO
UNANG WIKA (Lucas 23, 34):
"Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa."
This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1601 and 1650) The Raising of the Cross by Frans Francken the Younger (1581–1642), as well as the actual work of art itself from the Westmalle Abbey in Belgium, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Tila isang paalala ng tunay na dahilan kung bakit ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na dumating sa mundong ito sa takdang panahon ang Kanyang unang wika mula sa Krus. Sa pamamagitan ng wikang ito, ipinapaalala ng Panginoong Jesus Nazareno na hindi Siya dumating sa mundong ito upang hatulan at ipahamak ang makasalanang sangkatauhan. Bagamat karapat-dapat lamang hatulan, parusahan, at mapahamak ang sangkatauhan dahil likas sa tanan ang pagkakasala laban sa Diyos, hindi iyon ang pakay Niya sa mundong ito. Bagkus, ang Kanyang pakay o misyon sa mundong ito ay ipagkaloob sa lahat ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos. Ito si Kristo, ang Panginoong Jesus Nazareno. Bagamat Siya ang Dakilang Hari at Hukom, binigyan tayo ni Kristo ng oportunidad o pagkakataong maging banal sa pamamagitan ng pagligtas sa atin.
Bago pumasok ang Poong Jesus Nazareno sa Herusalem upang harapin ang Kanyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas, na sinasagisag ng Banal na Krus na Kanyang pinasan at siya ring Krus na pinagpakuan sa Kanya sa bundok na tinatawag na Golgota o Kalbaryo, nangaral Siya tungkol sa iba't ibang mga paksang nakaugat sa kaharian ng langit. Isa sa mga paksang pinagtuunan Niya ng pansin ay ang habag at awa ng Diyos. Minsan Niyang itinuro sa mga tao na dapat silang maging mahabagin katulad ng Amang nasa langit (Lucas 6, 36). Ito ang dahilan kung bakit isa sa Kanyang mga sinabi sa mga tao sa isa sa Kanyang mga pangaral ay ibigin ang kaaway at ipanalangin ang mga tagausig (Mateo 5, 43-48; Lucas 6, 27-36). Bukod pa rito, minsang sinabi ng Poong Jesus Nazareno na naparito Siya sa mundong ito hindi upang hanapin ang mga banal kundi ang mga makasalanan nang mabigyan Niya sila ng pagkakataong pagsisihan ang kasalanan at magbalik-loob sa Diyos (Mateo 9, 13; Marcos 2, 17; Lucas 5, 32). Maituturing natin ang ilan sa mga sandaling ito bilang isang pasilip sa gagawin ng Poong Jesus Nazareno sa Banal na Krus. Katunayan, ito mismo ang una Niyang ginawa habang nakabayubay sa Krus. Si Kristo ay taimtim na nag-alay ng panalangin sa Amang nasa langit para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng Kanyang mga kaaway at tagausig laban sa Kanya.
Sa totoo lamang, hindi natin masisisi ang Poong Jesus Nazareno kung ang Kanyang mga kaaway at tagausig ay Kanyang isinumpa sa halip na patawarin. Mahirap kaya itong gawin bilang tao, sa totoo lamang. Batid rin ng Poong Jesus Nazareno kung gaano kahirap bigkasin ang mga salitang ito habang nakabayubay sa Krus. Ito rin ang dahilan kung bakit nanalangin Siya sa Ama para sa kanila. Labis Siyang nasasaktan at nagdurusa dahil sa mga ginawa ng Kanyang mga kaaway. Hindi makatarungan at hindi rin makatao ang ginagawa laban sa Diyos na nagkatawang-tao na walang iba kundi si Jesus Nazareno. Ang Diyos ay nagkatawang-tao sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, tapos ito ang kanilang ganti sa Kanya? Sa totoo lamang, maaari na lamang Niyang ulitin ang Kanyang ginawa noong panahon ni Noe.
Kahit may karapatan ang Panginoong Jesus Nazareno na lipulin ang Kanyang mga tagausig at kaaway, tulad na lamang ng Kanyang ginawang paghahatid ng matinding baha noong panahon ni Noe, hindi Niya ito ginawa. Bagkus, ipinasiya pa rin Niyang gawin ang pinakamahirap na bagay. Oo, nahirapan si Jesus Nazareno gawin ito dahil labis Siyang pinahirapan, inusig, at unti-unting pinapatay ng Kanyang mga kaaway sa pamamagitan ng pagpako sa Kanya sa Banal na Krus na Kanyang pinasan mula sa Herusalem patungong Kalbaryo. Subalit, sa kabila nito, ipinasiya pa rin Niyang mag-alay ng panalangin para sa kapatawaran ng Kanyang mga kaaway at tagausig.
Ito ang patunay na si Jesus Nazareno ay naiiba. Hindi Siya katulad ng mga karakter katulad ni Light Yagami ng Death Note. Ang balak ng nasabing karakter at iba pang mga karakter sa anime at manga gaya niya ay lipulin ang lahat ng mga sumusuway sa kanyang mga utos bilang binansagang diyos o bathala ng bagong mundo. Iba si Jesus Nazareno sa mga karakter na ito na nag-ambisyong maging mga bathala. Sa halip na lipulin sa isang iglap ang lahat ng mga makasalanan, ipinasiya pa rin Niyang pagkalooban sila ng pagkakataong magsisi sa kasalanan at magbalik-loob sa Diyos bago Niya igawad ang Huling Paghuhukom sa tanan sa wakas ng panahon.
Habang namumuhay tayo sa mundong ito, pahalagahan at gamitin natin ang bawat pagkakataong ibinibigay sa atin ng Poong Jesus Nazareno na maging banal. Ito ang dahilan kung bakit dumating sa mundong ito ang Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang Mesiyas at Tagapagligtas. Bagamat Siya ang Dakilang Hukom at Hari, ipinasiya Niya tayong iligtas sa kasalanan upang magkaroon tayo ng pagkakataong pagsisihan at talikdan ang kasalanan at maging banal katulad Niya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento