PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO
IKATLONG WIKA (Juan 19, 26-27):
"Babae, narito ang iyong Anak . . . Narito ang iyong Ina!"
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1679) Calvary (Portuguese: Calvário) by Josefa de Óbidos (1630–1684), as well as the actual work of art itself from the Santa Casa da Misericórdia, Peniche, Portugal, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Habang pinagninilayan ang Ikatlong Wikang binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno mula sa Krus, itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin sa kahulugan ng tatlong pangalan. Ang tatlong pangalang isinasaliksik sa wikang ito ay ang mga pangalan ng tatlong taong inilalarawan sa sandaling binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno ang wikang ito mula sa Krus: Hesus, Maria, at Juan.
Una, ang Pangalang "Hesus." Ang ibig sabihin ng Pangalang "Hesus" ay "Ang Diyos ay nagliligtas." Habang nakabayubay sa Banal na Krus at naghihingalo, ang wikang ito ay binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Mahal na Inang si Maria at ang isa sa Kanyang mga apostol na si Apostol San Juan. Sa sandaling ito kung kailan ang wikang ito ay Kanyang binigkas habang inililigtas Niya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng pagbubo ng Kanyang Kabanal-banalang Dugo mula sa Krus na Banal, ang Poong Jesus Nazareno ay nagbigay ng isang napakagandang biyaya para sa sangkatauhang tunay Niyang iniibig.
Ikalawa, ang pangalang "Maria." Maraming kahulugan ang pangalang "Maria." Ilan sa mga kahulugan ng pangalang ito ay "Nagmula sa dagat," "Mapait," "Mapaghimagsik," at "Iniibig." Subalit, sa konteksto ng wikang ito na binigkas ni Kristo mula sa Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo, nararapat lamang ituon ang ating pansin sa kahulugan ng nasabing pangalan bilang "Iniibig" o "Minamahal." Ibinigay ng Diyos ang Mahal na Inang si Mariang Birhen sa kanyang mga magulang na sina San Joaquin at Santa Ana dahil sa Kanyang pag-ibig, hindi lamang para sa mag-asawang ito, kundi para na rin sa sangkatauhan. Katunayan, ito rin ang dahilan kung bakit iniligtas na ng Diyos ang Mahal na Inang si Mariang Birhen mula sa kasalanan bago siya isilang sa mundong ito upang maging marapat siyang dalhin ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Pag-ibig rin ang dahilan kung bakit hinirang ng Diyos si Maria para sa nasabing misyon at tungkulin. Ang misyon at tungkuling ito na bigay ng Diyos ay buong pananalig at kababaang-loob na tinanggap ni Maria dahil rin sa kanyang pag-ibig para sa Diyos.
"Juan" ang ikatlo at huling pangalang binibigyan ng pansin ng Simbahan sa pagninilay sa Ikatlong Wika ng Panginoong Jesus Nazareno mula sa Krus na Banal. Madalas na pinagninilayan tuwing sasapit ang panahon ng Adbiyento at maging sa Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista tuwing ika-24 ng Hunyo ang kahulugan ng pangalang "Juan." Bihira lamang ito bigyan ng pansin at taimtim na pagnilayan sa labas ng mga nasabing araw. Subalit, sa konteksto ng wikang ito na binigkas ng ating Mahal na Poong Jesus Nazareno mula sa Kabanal-Banalang Krus, nararapat lamang itong bigyan ng pansin at pagnilayan. Ang ibig sabihin ng pangalang "Juan" ay "Ang Diyos ay mapagpala." Mula sa Krus, isang pagpapalang natatangi ay ipinagkaloob sa tanan ng pinakadakilang pagpapalang si Jesus Nazareno, ang ating Mahal na Poon. Bukod sa biyaya ng kaligtasan, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nagbigay ng dagdag na pagpapala para sa Simbahan - ang Mahal na Inang si Mariang Birhen.
Napakalinaw kung paanong isinasalungguhit ng kahulugan ng tatlong pangalang ito ang aral at mensahe ng Ikatlong Wikang ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno mula sa Krus. Mula sa Krus na Banal, bumuhos ang lahat ng mga pagpapalang bigay ng Diyos sa sangkatauhan dahil sa pag-ibig Niyang tapat at walang hanggan. Bukod sa biyaya ng pagliligtas ng Diyos, ang biyaya ng isang Ina para sa Simbahan ay kusang-loob na ipinagkaloob ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na nakapako sa Krus. Kahit hirap na hirap na Siya noon at naghihingalo, nagbigay pa rin Siya ng isa pang biyaya upang patunayan ang Kanyang pag-ibig para sa atin - ang Mahal na Birheng Maria.
Maraming ulit na itinampok sa ilang mga masisikat na serye at pelikulang gawa sa Korea o kaya naman sa ilang mga serye at pelikulang anime katulad na lamang ng Hello World ang ilang mga bagay na ginagawa sa ngalan ng pag-ibig. Halimbawa, sa pelikulang anime na Hello World, lalo na sa ikalawang bahagi ng nasabing pelikulang anime, inilarawan ang mga ginawa ni Naomi Katagaki para lamang mailigtas si Ruri Ichigyo. Subalit, gaano man nakakakilig, nakakaaliw, nakakaakit, at kaganda ang mga kuwentong isinasalaysay sa mga nasabing pelikula o serye, anime man ito o hindi, wala sa mga iyon ang pinakadakilang bagay na ginawa sa ngalan ng pag-ibig. Ang pinakadakilang bagay na ginawa sa ngalan ng pag-ibig ay ginawa mismo ng butihing Diyos sa pamamagitan ni Jesus Nazareno. Katunayan, bukod sa biyaya ng pagliligtas ng Diyos, ipinagkaloob sa atin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na nakapako sa Krus ang biyaya ng pagiging bahagi ng Kanyang pamilya na pinatutunayan ng ating Inang Minamahal na si Mariang Birhen.
Ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay pinili, hinirang, at inatasan ng Diyos upang maging Ina ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Jesus Nazareno dahil sa Kanyang pag-ibig para sa tanan. Dahil rin sa dakilang pag-ibig na ito ng Panginoon, ipinagkaloob rin siya sa atin na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na kinatawan ni Apostol San Juan sa sandaling ang wikang ito ay Kanyang binigkas mula sa Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo. Tunay tayong minamahal ng Panginoon, kaya ibinilang Niya tayo sa Kanyang pamilya. Ang patunay nito ay walang iba kundi ang Mahal na Inang si Mariang Birhen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento