Lunes, Marso 27, 2023

DAHIL SA KANYANG PAG-IBIG NA TUNAY NGANG DAKILA

7 Abril 2023 
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno 
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5-7/Juan 18, 1-19, 42 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1545 and 1550), Crucifixion by Maarten van Heemskerck  (1498–1574), as well as the actual work of art from the Hermitage Museum through the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Ang unang awiting ginamit para sa Akame Ga Kill, isang masikat na seryeng anime na hango sa isa ring masikat na manga, ay pinamagatang こんな世界、知りたくなかった (Tagalog: Hindi ko hinangad na makilala ang mundong ito). Inilalarawan ng mga titik ng nasabing awitin ang dahilan kung bakit ipinasiya ng pangunahing karakter na itinatampok sa nasabing awitin na patigasin ang kanyang puso. Kasing-tigas ng isang bato ang kanyang puso. Sa totoo lamang, ipinahiwatig ng pamagat ng awiting ito ang dahilan kung bakit. Gaya ng nasasaad sa mga titik ng nasabing awitin, ang nasabing mundong kinabibilangan ng nasabing karakter ay puno ng pang-aapi, katiwalian, at kasamaan. Sino ba naman ang nais mamuhay sa isang mundo o lipunan kung saan laganap ang iba't ibang uri ng kasamaan, katiwalian, at karahasan? Hindi ba, wala? Walang naghahangad na mamuhay kung saan ang katarungan ay pinagkakaitan at umiiral ang kasamaan sa halip na kabutihan at katarungan. 

Taun-taon, sa pagsapit ng araw na ito, Biyernes Santo, pinagninilayan at ginugunita natin nang buong kataimtiman bilang isang Simbahan ang isang sandali kung saang umiral ang kawalan ng katarungan. Lantarang ipinagkait sa isang inosente ang katarungan. Mayroong isang inosenteng namatay dahil ang katarungan ay lantarang ipinagkait sa Kanya ng Kanyang mga kaaway na hindi nagdalawang-isip o nahiyang magpakita ng kagarapalan. Ang biktima ng walang awang pagkakait ng katarungan ay walang iba kundi si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Nakakalungkot ang sinapit ng Poong Jesus Nazareno. Ang Kanyang sinapit noong unang Biyernes Santo ay nagdulot ng hapis at dalamhati, lalung-lalo sa Mahal na Inang si Mariang Birhen na nakatayo sa tabi ng Banal na Krus noong araw na yaon, gaya ng nasasaad sa mahabang salaysay ng Pasyong Mahal sa Ebanghelyo. Subalit, ang sinapit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno noong unang Biyernes Santo na ating pinagninilayan at ginugunita nang buong kataimtiman bilang mga kaanib ng Kanyang Simbahan sa Biyernes Santo ng kasalukuyan at sa mga Biyernes Santo pang darating kasunod nito ay inihayag na ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga hirang na propeta noong panahon ng Lumang Tipan. Isang halimbawa nito ay ang mahabang propesiya ni Propeta Isaias na itinatampok sa Unang Pagbasa. Tayo ang dahilan kung bakit Siya humarap, nagtiis, at nagbata ng maraming hirap, pagdurusa, sugat, at kamatayan (Isaias 53, 5). Ang lantarang pagpapamalas ng kagarapalan at pagkakait ng katarungan ay Kanyang hinarap, dinanas, tiniis, at binata alang-alang sa atin, mga marurupok at mahihinang makasalanan. Dagdag ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa, ito ang tungkulin ng Poong Jesus Nazareno.

Batid ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, kung gaano katindi at kasakit ang Kanyang tungkulin bilang Dakilang Saserdote. Haharap, magtitiis, at magbabata Siya ng napakaraming pagdurusa, hirap, sakit, at pati na rin ang karumal-dumal na uri ng pagkamatay sa isang kahoy na krus. Noong panahong yaon, ang pagkamatay sa krus ay ang pinakanakakahiyang uri ng kamatayan. Hindi lamang labis-labis ang sakit at hirap na titiisin hanggang kamatayan. Pati ang dignidad ng hinatulan ng kamatayan sa krus ay tinatanggalan at ipinagkakait. Kaya, noong mga araw na yaon, ipinapataw lamang ito sa mga hindi taga-Roma. Alam ito ni Jesus Nazareno na iyon ang Kanyang misyon at tungkulin bilang Dakilang Saserdote. Kaya naman, nasasaad sa Ikalawang Pagbasa na buong kababaang-loob, kataimtiman, pagsusumamo, at pagluha Siyang nanalangin sa Amang nasa langit. Oo, nakaramdam din si Kristo ng takot, pangamba, hapis, at dalamhati sapagkat batid Niya kung gaano kalupit at kasakit ito. Katunayan, ang takot, pangamba, hapis, at dalamhati ng Panginoong Jesus Nazareno dahil sa Kanyang misyon at tungkulin ay napakatindi. Isang patunay nito ay ang Kanyang pagdurusa habang nanalangin sa Ama sa Halamanan ng Hetsemani bago Siya dakpin roon ng mga kawal na padala ni Caifas. 

Kung matagal na'ng batid ng Panginoong Jesus Nazareno na napakatindi ang mga hirap, pagdurusa, sakit, at kamatayang Kanyang haharapin, titiisin, at babatain bilang ipinangakong Mesiyas, Tagapagligtas, at Dakilang Saserdote, bakit ang tungkulin at misyong ito ay ipinasiya pa rin Niyang tanggapin at tuparin nang buong kababaang-loob, pananalig, at pagtalima sa Ama? Ang Kanyang dakilang kagandahang-loob, pag-ibig, at habag. Ipinahiwatig ito sa unang bahagi ng napakahabang salaysay ng Kanyang mapait na pagpapakasakit at pagkamatay na inilahad sa Ebanghelyo para sa araw ng Biyernes Santo. Sa makalawang pagpapakilala ng Kanyang sarili sa mga bantay at kawal na padala ni Caifas, malakas na inihayag at pinakiusapan ng Poong Jesus Nazareno na hayaang makaalis nang malaya ang Kanyang mga apostol (Juan 18, 8). Isa itong malinaw na pahiwatig ng pag-ibig ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Dahil Siya naman ang kanilang pakay, nakiusap Siya sa kanila na paalisin ang mga alagad. Ganyan tayo ka-mahal ng Mahal na Poong Jesus Nazareno.  

Dahil rin sa Kaniyang dakilang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob, bagamat puno ng hapis, dalamhati, takot, at pangamba habang buong pagdurusang nananalangin sa Amang nasa langit sa Halamanan ng Hetsemani bago Siya dakpin ng Kanyang mga kaaway, buong lakas, pananalig, at kababaang-loob na binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno sa Kanyang dalangin: "Mangyari nawa ang kalooban Mo!" (Mateo 26, 39. 42; Marcos 14, 37; Lucas 22, 42). Ito rin ang tinukoy Niya sa isa sa Kanyang mga huling pangaral sa mga apostol bago Siya dakpin nang Kanyang bigkasin sa kanila: "Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng buhay niya para sa kanyang mga kaibigan" (Juan 15, 13). Pinatunayan ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Krus sa Kalbaryo kung saan inihandog Niya ang buo Niyang sarili upang tayo'y iligtas mula sa kasalanan at kamatayan. 

Walang sinuman sa atin ang naghangad na isilang sa mundong puno ng pang-aapi, pananamantala, karahasan, kalupitan, kadiliman, katiwalian, at kasalanan. Ito ang dahilan kung bakit naiiba si Jesus Nazareno. Bagamat labag sa Kanyang kalooban na masaksihan kung paanong napuno ng kasalanan, kalupitan, katiwalian, at kasamaan ang mundong ito na Kanyang nilikha kaisa ng Ama at ng Espiritu Santo, hinangad pa rin Niya itong pasukin para sa ating ikaliligtas. Kahit alam Niyang hindi Siya magiging ligtas mula sa katiwalian, pang-aapi, at kawalan ng katarungan, ipinasiya pa rin Niya itong harapin, tiisin, at batain nang kusang-loob hanggang sa Kanyang kamatayan sa krus upang tayo'y maligtas dahil sa Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob na tunay ngang dakila at kahanga-hanga. Ito ang tunay Niyang ninais at hinangad gawin para sa atin dahil tunay Niya tayong minamahal. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento