Sabado, Marso 18, 2023

TALAGA LANG, HA?

5 Abril 2023 
Mga Mahal na Araw: Miyerkules Santo 
Isaias 50, 4-9a/Salmo 68/Mateo 26, 14-25

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1655-1675) El beso de Judas (English: The Kiss of Judas) by Luca Giordano, as well as the actual work of art itself from Museo del Prado, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other areas where the copyright term is the author's life plus 70 years or fewer, including the United States, due to its age.

Bagamat inilahad sa unang bahagi ng salaysay sa Ebanghelyo para sa Martes Santo ang pahayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno tungkol sa pagkakanulo sa Kanya ni Hudas Iskariote, muling itinatampok at pinagninilayan ng Simbahan ang sandaling ito na naganap sa mga huling sandali sa buhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang kaibahan nga lamang, 'di hamak na higit na detalyado ang salaysay ng pagtalikod at pagkanulo ni Hudas Iskariote sa Ebanghelyo para sa araw na ito kung ihahalintulad ito sa salaysay sa Ebanghelyo noong Martes Santo. 

Ang Miyerkules Santo ay tinatawag ring "Spy Wednesday" sa wikang Ingles. Kung isasalin natin ito sa Tagalog, ang magiging literal na kahulugan nito ay "Miyerkules ng Paniniktik" o kaya "Miyerkules ng Pag-Eespiya." Subalit, kung magiging prangka tayo, lalung-lalo na kung may mga nanonood ng mga pelikula tungkol sa pagiging isang espiya o mga eksena ng pag-eespiya o paniniktik, masasabi nating palpak at sablay si Hudas Iskariote bilang espiya dahil kahit nakipagpulong at nakipagkasundo siya sa mga kaaway ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Sanedrin, nalaman ito agad ni Jesus Nazareno. Kaya nga, sa ikalawang bahagi ng salaysay sa Banal na Ebanghelyo, habang kasalo Niya ang mga apostol sa hapag sa senakulong pinagtipunan nila nang gabing yaon, ang katotohanang ito ay Kanyang ibinunyag sa kanila.

Muling itinuturo sa atin ng Simbahan sa araw na ito na kahit ano pa'ng pagtatakip at paglilihim ang gawin natin, wala tayong maililihim sa Diyos. Isang patunay nito ay walang iba kundi si Hudas Iskariote na nagkanulo sa Nuestro Padre Jesus Nazareno. Bagamat naging palihim ang kanyang pakikipagpulong sa Sanedrin upang makabuo sila ng isang kasunduan, hindi ito nakatakas mula sa Poong Jesus Nazareno. Hindi naisahan ni Hudas Iskariote ang Poong Jesus Nazareno. Ang Poong Jesus Nazareno ay hinding-hindi maiisahan ninuman kailanman. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang sasapitin ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos pagdating Niya sa mundong ito. Maraming hirap, sakit, at pagdurusang babatain ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Batid ng Panginoong Jesus Nazareno ang mga nasasaad sa mga propesiya sa Lumang Tipan katulad na lamang nito. Kaya naman, alam Niya na bahagi ito ng plano ng Ama. Bagamat napakasakit para sa Kanya na malamang ipagkakanulo Siya ng isa sa mga naging malapit Niyang kaibigan, alam ni Jesus Nazareno na mangyayari iyon sapagkat bahagi iyon ng Kanyang sasapitin. Dahil dito, bagamat palihim na nakipagpulong si Hudas Iskariote sa Sanedrin, hindi naging lingid sa kaalaman ni Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, ang pagpupulong iyon. 

Gaano mang kagaling at kahusay ang isang tao na maglihim sa kapwa, wala siyang maililihim sa Diyos kailanman. Hindi maiisahan ang Diyos. Nababatid ng Diyos ang laman ng ating mga puso at kalooban. Katunayan, nakikita pa nga Niya kung ano ang ating mga ginagawa, mabuti man o masama. Huwag rin nating ipilit gawin ito, dahil kapag ginawa natin ito, mapapahiya, mabibigo, at mapapahamak lamang tayo. Lagi nating tandaang hindi tanga ang Diyos. Kaya naman, magpakatotoo tayo sa Diyos at buong kababaang-loob na humingi ng tulong mula sa Kanya upang makapamuhay tayo nang banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Gawin nating taos-pusong panalangin ang mga salita sa Salmo para sa araw na ito: "Poon, ako'y Iyong dinggin sa panahong 'Yong ibigin" (Salmo 68, 14k a at b). 

Huwag nating subukang lokohin at linlangin ang Panginoong Diyos. Batid Niya kung ano ang laman ng ating mga puso at isipan. Nakikita Niya kung ano ang ating mga ginagawa at naririnig rin Niya kung ano ang ating mga sinasabi. Sa halip na ipilit subukang lokohin at linlangin ang Panginoong Diyos, buong kababaang-loob tayong magpakatotoo sa Kanya at humingi ng tulong mula sa Kanya upang maging banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin sapagkat iyon ang Kanyang naisin para sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento