PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA
IKAPITO AT HULING HAPIS: Ang Paglilibing kay Jesus Nazareno (Mateo 26, 57-61; Marcos 15, 42-47; Lucas 23, 50-56; Juan 19, 38-42)
This faithful reproduction of the painting Lament over the Dead Christ (c. 1547) by Paolo Veronese, as well as the work of art itself from the Castelvecchio Museum Collection through the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This faithful photographic reproduction of the said painting, as well as the said work of art itself, is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928.
Ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay tunay ngang naiiba sa lahat. Kahit mayroon siyang karapatang umalis dahil nakakasuka, nakakalungkot, at hindi makatarungan o matuwid ang mga nangyari sa kanyang minamahal na Anak na si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, hindi siya umalis. Hindi niya iniwan ang Panginoong Jesus Nazareno, kahit napakasakit para sa Mahal na Inang si Mariang Birhen na masaksihan nang harap-harapan ang mapait na pagpapakasakit at pagkamatay ng kanyang Anak na tunay at lubos niyang minamahal sa kamay ng Kanyang mga kaaway.
Natiis at nasikmura ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang lahat ng mga ginawang pagpapahirap at pananakit sa kanyang minamahal na Anak na si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, noong unang Biyernes Santo. Kahit napakasakit ito para sa kanya, hindi niya iniwanan si Jesus Nazareno. Bagkus, sinamahan niya si Kristo at nanatili siya sa Kanyang tabi hanggang sa huling sandali ng Kanyang buhay sa Banal na Krus. Katunayan, hanggang sa ilibing si Kristo, hindi siya umalis. Sa pamamagitan nito, ang walang maliw niyang katapatan at pag-ibig para sa kanyang Anak na si Kristo Hesus ay kanyang inihayag at pinatunayan.
Hindi makatarungan ang ginawa sa kanyang Anak. Sa totoo lamang, mayroon naman siyang karapatang magreklamo sa Diyos kung bakit gayon na lamang ang sinapit ng kanyang Anak na si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, noong araw ng unang Biyernes Santo. Bukod pa diyan, kung ibang tao ang nasa kalagayan ni Maria sa mga oras na iyon, marahil ay umalis na sila sapagkat hindi nila masikmura ang kawalan ng katarungang nagaganap. Subalit, nanatili pa rin si Maria sa tabi ni Jesus Nazareno at tahimik siyang nakiisa sa Kanyang mapait na pagpapakasakit at pagdurusa hanggang sa malagutan Siya ng hininga sa Banal na Krus sa bundok ng Golgota na mas kilala bilang Kalbaryo para sa ikaliligtas ng sangkatauhan. Bagamat puno siya ng hapis at dalamhati sa mga sandaling iyon, ipinasiya pa rin ni Maria na tahimik na makiisa sa Mahal na Pasyon ng Panginoong Jesus Nazareno.
Ibang-iba talaga si Maria. Bagamat puno ng hapis at dalamhati, pinili pa rin niyang samahan at damayan si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, na kanyang minamahal na Anak hanggang sa sandali ng paglibing sa Kanya. Kahit hindi makatarungan ang ginawa sa Mahal na Poong Jesus Nazareno na kanyang Anak, hindi siya nagreklamo at umalis. Bagkus, tahimik siyang nanatili sa tabi ni Kristo hanggang sa huli.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento