Martes, Marso 7, 2023

MAPAIT NA KAPALARAN

PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA
UNANG HAPIS: Ang Propesiya ni Simeon (Lucas 2, 34-35) 

This faithful photographic reproduction of the painting Simeon by Andrey Mironov is licensed under the Creative Commons Attribution-Share Alike 4.0 International (CC BY-NC-ND 4.0) license.

Isa sa mga awit para sa teleseryeng Batang Quiapo ay ang "Kapalaran". Ang nasabing awitin ay inawit ni Gary Valenciano para sa nasabing teleserye. Si Rico J. Puno ang umawit sa orihinal na bersyon ng nasabing awitin. Napakalinaw kung ano ang nais talakayin at ilarawan ng mga titik ng nasabing awitin. Ang awiting ito ay tungkol sa buhay ng tao sa mundo. Inilalarawan sa anyo ng mga tanong kung bakit ang buhay sa mundong ito ay hindi patas. Subalit, hindi naman layunin ng mga titik na ito ang humanap ng sagot. Katunayan, walang sinumang namumuhay at naglalakbay dito sa mundong ito ang makapagbibigay ng sagot sa mga tanong na ito. 

Ang unang hapis ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay naganap noong isang munting sanggol pa lamang ang Panginoong Jesus Nazareno. 40 araw makalipas ang Kanyang pagsilang dito sa mundo bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas ng lahat, ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno ay dinala ni San Jose at ng Mahal na Birheng Maria upang ihandog sa Diyos ayon sa Kautusan. Sa kaganapang ito, unang nahayag ang magiging kapalaran ng Poong Jesus Nazareno sa Kanyang paglaki. Ang Panginoong Jesus Nazareno ay magtitiis at dadanas ng maraming pagpapakasakit, hirap, at pagdurusa para sa ikaliligtas ng sangkatauhan. Ito ang kapalaran, misyon, at tungkulin ni Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Hindi na kailangang tanungin kung bakit ito ang unang hapis ng Mahal na Ina. Sino ba naman ang hindi mapupuspos ng lungkot, hapis, at dalamhati kapag humarap sila sa isang sitwasyon katulad ng Mahal na Birhen sa kaganapang ito? Iyon nga lamang, dumagdag ang sakit at hapis sa puso ng Mahal na Birheng Maria sapagkat bata pa lamang si Jesus Nazareno ay alam niyang wala na siyang magagawa upang pigilin o maiwasan ang masakit na kapalarang ito na naghihintay para sa kanyang Anak na tunay niyang minamahal. Ang kapalarang ito ay napakasakit, hindi lamang para kay Jesus Nazareno, kundi pati na rin para sa Mahal na Inang si Mariang Birhen. 

Sa halip na tanungin kung bakit ito ang unang hapis ng Mahal na Birhen, ang dapat tanungin ay kung bakit ang inilarawan ni Simeon sa kanyang propesiya tungkol kay Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, sa salaysay ng mahalagang kaganapang ito ay ang kapalarang inilaan ng Diyos para sa Kanya. Bakit hindi sinubukan ng ating butihing Amang nasa langit na baguhin ang kapalaran o tadhana ng Mahal na Poong Jesus Nazareno upang hindi masaktan ang Kanyang Bugtong na Anak at ang Mahal na Inang si Maria? Isa lamang ang dahilan - pag-ibig. Oo, ilang ulit na nating narinig ang dahilang ito, subalit isa itong magandang paaalala para sa atin. Nais ng Diyos na patunayan ang Kanyang pag-ibig, kagandahang-loob, at habag para sa atin. Ito ang dahilan kung bakit hindi umatras ang Diyos sa planong ito. 

Nasaktan rin ang Diyos. Huwag nating isiping ang Mahal na Birheng Maria lamang ang bukod-tanging nasaktan sa kapalarang naghihintay para sa Banal na Sanggol na si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, sa Kanyang paglaki. Ang Diyos ay nasaktan rin. Katunayan, higit na nasaktan ang Diyos dahil Siya mismo ang bumuo sa planong ito para sa ikaliligtas ng sangkatauhan. Subalit, alang-alang sa ating ikaliligtas, niloob pa rin ng Diyos na masaktan. Basta maligtas lamang tayo, titiisin ito ng Diyos. 

Tunay ngang mapait at napakasakit ang kapalaran ng Nuestro Padre Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Subalit, niloob ng Diyos na mangyari ito alang-alang sa atin. Dahil ito ang kalooban ng Diyos, gaano man ito kasakit, buong kababaang-loob at pananalig itong tinanggap ng Mahal na Inang si Maria, ang Birhen ng Hapis at Dalamhati. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento