Linggo, Marso 12, 2023

PINAGKAITAN NG KATARUNGAN

PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA 
IKAANIM NA HAPIS: Ibinaba si Jesus Nazareno mula sa Krus 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 17th century) of The Descent of the Cross (Desposition) by Charles Le Brun (1619-1690), as well as the actual work of art itself from the Los Angeles County Museum of Art (LACMA), is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or less, including the United States, due to its age. 

Matapos ang buong araw na pagtitiis ng matitinding hirap at pagdurusa, pagsapit ng ikatlo ng hapon, ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, ay namatay sa Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo. Ang sandaling ito ay ang pinakamasakit na sandali sa buhay ng Mahal na Birheng Maria. Isang bagay na hindi ninanais ng sinumang magulang, lalung-lalo na ng mga ina, na masaksihan ang kanyang nasaksihan. Katunayan, tiyak na nasaksihan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang lahat ng iyon mula sa simula nito. Tiyak na nandoon siya sa Pretoryo kung saang pinahintulutan ni Poncio Pilato na ipapako sa Krus si Jesus Nazareno. Bagamat tahimik ang Banal na Kasulatan tungkol dito, nandoon siya nang hiniling ng mga tao nang palasigaw kay Pilato na ipapatay ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Tahimik rin ang Banal na Kasulatan tungkol sa pagtatagpo ng Mahal na Birhen at ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa daang patungong Kalbaryo, ang Via Dolorosa, subalit tiyak na nagtagpo sila roon. Nandoon rin siya sa sandaling nalagutan ng hininga mula sa Krus si Jesus Nazareno matapos mapako roon sa loob ng halos anim na oras.  

Ang daming malulungkot at masasakit na kaganapang nasaksihan ng Mahal na Ina noong unang Biyernes Santo. Para sa Mahal na Ina, ang Birheng Maria, ang araw na ito ay ang pinakamadilim, pinakamalungkot, at pinakamasakit na araw sa buo niyang buhay. Kaliwa't kanan ang mga nakakalungkot at napakasakit na kaganapan noong mismong araw na iyon. Maaari nating sabihing hindi siya makahinga nang maluwag, napupuno, at nasasakal dahil sa tila walang tigil na pagbuhos ng matinding hapis at dalamhati dulot ng lahat ng mga masasakit na pangyayaring naganap noong araw na iyon. Ang pinakamasakit pa rito, nasaksihan niyang maganap ang lahat ng iyon nang harap-harapan. Nasaksihan niya ang mga sandaling hindi nais makita ng sinumang magulang, lalung-lalo na ng sinumang ina. 

Dahil sa kaliwa't kanang malulungkot at masasakit na pangyayaring naganap noong unang Biyernes Santo, maaari nating sabihing bugbog na si Maria sa sandaling ang bangkay ng kanyang minamahal na Anak na si Jesus Nazareno ay ibinaba mula sa Krus. Sobrang sakit ang kanyang mga nasaksihan noong araw na iyon. Punung-puno na ng hapis at dalamhati ang kanyang puso sa mga sandaling iyon. Buong araw na tiniis ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang lahat ng hirap at sakit na nagdulot ng matinding hapis at dalamhati sa kanyang malinis na puso. Hindi sasapat ang mga salitang kilala sa bawat tao upang ilarawan kung gaano kalubha at katindi ang hapis at dalamhati ni Maria sa mga sandaling iyon. Ang kanyang puso ay tila binubog nang paulit-ulit at walang awa noong araw na iyon. 

Talagang kaawa-awa si Maria sa mga sandaling ito. Oo, hindi siya nasaktan sa pisikal na pamamaraan. Wala siyang natamong sugat o pasa man lang sa kanyang katawan. Subalit, ang kanyang puso ay walang tigil at walang awang binugbog dahil sa mga ginawang pagpataw ng pagdurusa, pagpapahirap, at pagpatay sa kanyang Anak na minamahal na si Jesus Nazareno. Hindi lamang si Jesus Nazareno ang nagpakasakit at nagdusa kundi pati na rin ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. 

Hindi makatarungan ang dinanas at tiniis ng Panginoong Jesus Nazareno at ng Mahal na Inang si Mariang Birhen noong unang Biyernes Santo. Wala namang kasalanang ginawa si Jesus Nazareno laban sa Amang nasa langit at laban sa sinumang tao kahit kailan, subalit sa kabila nito, ang Mahal na Poon ay pinatawan pa rin ng matinding pagdurusa, hirap, at kamatayan sa Krus sa bundok ng Kalbaryo. Dahil dito, ang hindi dapat masaksihan at maranasan ng sinumang magulang, lalung-lalo na ng lahat ng mga ina, ay nasaksihan at naranasan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Ang mga tiniis na hirap, pagdurusa, at kamatayan ni Kristo ay hindi makatarungan. Dahil dito, ipinagkait rin ang katarungan mula kay Maria. 

Bakit nangyari ang lahat ng ito? Bakit ipinasiya pa rin ng Mahal na Birheng Maria na mangyari na lamang ang lahat ng ito nang gayon na lamang? Sa totoo lamang, kung ang kagustuhan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay nasunod, ang lahat ng mga hindi makatarungang pangyayaring naganap noong unang Biyernes Santo ay hindi nangyari. Subalit, isinantabi ng Mahal na Birhen ang kanyang mga plano dahil ito ang kalooban ng Diyos. Kung tutuusin, hindi rin sana ito niloob ng Diyos. Subalit, dahil sa pag-ibig at habag ng Panginoong Diyos para sa tanan, niloob niyang mangyari ang lahat ng mga naganap noong unang Biyernes Santo. Dahil sa Kanyang habag at pag-ibig, niloob ng Diyos na mapagkaitan Siya ng katarungan sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, ang Kanyang Bugtong na Anak. 

Sa kabila ng katotohanan tungkol sa mga naganap noong unang Biyernes Santo, ang ating Mahal na Inang si Mariang Birhen ay nanatiling tahimik. Tahimik siyang nanalig, tumalima, at umasa sa Diyos. Kahit na napakasakit ang kanyang mga nasaksihan at naranasan noong unang Biyernes Santo, kahit na hindi makatarungan ito para kay Jesus Nazareno at para rin sa kanyang sarili, tinanggap at tiniis na lamang niya ang mga ito sa katahimikan upang matupad ang kalooban ng Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento