Biyernes, Marso 17, 2023

TAGAPAGLIGTAS NG MGA MAKASALANANG MARURUPOK ANG LOOB

4 Abril 2023 
Mga Mahal na Araw: Martes Santo 
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33. 36-38 

This faithful reproduction of the painting (c. 1625) La negación de San Pedro (English: The Denial of Saint Peter) by Nicolas Tournier (1590–1639), as well as the work of art itself from the Museo del Prado Collection through the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Itinutuon ng mga Pagbasa para sa araw na ito, Martes Santo, ang ating mga pansin sa ating mga kahinaan at karupukan bilang mga makasalanan. Sa pamamagitan nito, muli tayong pinaaalalahanan ng Simbahan tungkol sa tunay at natatanging dahilan kung bakit si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ay dumating sa mundong ito pagsapit ng panahong itinakda ng Ama bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Kung tutuusin, inilaan ang mga Mahal na Araw para sa taimtim na pagninilay at paggunita sa misteryo at katotohanang ito na lubos ngang pinahahalagahan ng Simbahan. 

Dalawang kaganapang nakaugat sa Pasyong Mahal ng Panginoong Jesus Nazareno ay Kanyang inihayag sa Ebanghelyo. Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na si Hudas Iskariote ang magkakanulo sa Kanya sa pamamagitan ng pagbigay sa kanya ng tinapay. Sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na tatlong ulit Siyang ipagkakaila ng isa sa mga pinakamahalagang tao sa kasaysayan ng Simbahan na walang iba kundi ang unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro. Bagamat inatasan siya ni Jesus Nazareno sa lahat ng mga apostol upang maging unang Santo Papa, hindi siya naging ligtas mula sa kanyang mga kahinaan bilang tao. 

Oo, nakakalungkot, subalit ito ang katotohanan. Bilang tao, mayroon tayong mga kahinaan. Marurupok at mahihina tayo. Likas iyan sa ating pagkakilanlan bilang mga taong namumuhay at naglalakbay dito sa mundong ito. Walang sinumang tao dito sa mundong ito ang buong lakas at katiyakang makapagsasabing perpekto siya. Hindi perpekto ang bawat taong namumuhay sa mundo. Isa lamang ang naging perpekto noong dumating sa mundong ito bilang tao - si Kristo. Oo, si Kristo ay tunay na Diyos, subalit naging tao rin Siyang tunay na naging bahagi ng isang pamilya na binuo ng anluwageng si San Jose na tumayo bilang kanyang ama-amahan at ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. 

Bagamat muli tayong pinaalalahanan ng Simbahan sa araw na ito tungkol sa ating mga kahinaan at karupukan bilang tao, isang katotohanang hindi maipagkakaila ng sinuman at tunay ngang nakakalungkot, mayroong magandang paalala na nagbibigay ng pag-asa ang Simbahan sa araw na ito. Ang ating mga kahinaan at karupukan ay ang dahilan kung bakit dumating si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Ang katotohanan at misteryong ito ay ang paksa o temang pinagtutuunan ng pansin sa Unang Pagbasa at Salmong Tugunan. Sa Unang Pagbasa, inihayag na maliligtas ang lahat sa mundong ito sa pamamagitan ng tanglaw mula sa Israel. Sa Salmong Tugunan, inihayag kung kanino nagmula ang liwanag na iyon - sa Panginoong Diyos. Natupad ang pahayag na ito sa Bagong Tipan nang dumating si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, upang tayo'y iligtas.

Mapalad tayo sapagkat ipinasiya ng Diyos na iligtas tayo mula sa kasalanan. Kahit na hindi tayo karapat-dapat na maligtas dahil sa ating mga kasalanan na patunay ng ating karupukan at kahinaan, ipinagkaloob pa rin ng Diyos ang Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento