PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO
IKAPITO AT HULING WIKA (Lucas 23, 46):
"Ama, sa mga Kamay Mo'y ipinagtatagubilin Ko ang Aking Espiritu!"
This faithful photographic reproduction of the painting (Between c. 1598 and c. 1600), Calvario by Hermano Adriano, as well as the work of art itself from the Museum of Fine Arts of Córdoba, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Maging ang ating buhay dito sa mundo ay mayroong hangganan. Hindi natin hawak ang ating buhay. Walang sinumang tao na namuhay at naglakbay sa mundong ito ay namuhay rito magpakailanman. Oo, mayroong ilang mga taong pinalad na mamuhay sa mundong ito sa loob ng napakatagal na panahon, subalit, katulad ng ibang mga taong namuhay sa mundong ito, mayroon pa rin siyang hangganan at wakas. Ang ipinagkaloob sa kanila, na mga tao rin tulad natin, ay ang biyaya ng mahabang buhay, hindi pagiging imortal. Kung matatagpuan sa mundo ang buhay na walang hanggan, wala sanang mga laman ang mga libingan. Iyon nga lamang, may mga nakalibing pa rin doon. Patunay lamang ito na pansamantala lamang ang buhay dito sa lupa.
Ito ang aral ng Ikapitong Wika ng Panginoong Jesus Nazareno mula sa Banal na Krus bago Siya tuluyang malagutan ng hininga. Sa Ikapito at Huling Wikang binigkas nang malakas ng Panginoong Jesus Nazareno mula sa Banal na Krus, ipinaalala Niya muli sa lahat na tanging ang Diyos lamang ang may kontrol sa lahat ng bagay. Maituturing natin ang Ikapitong Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na Siyang pinakahuling wikang binigkas Niya bago Siya mamatay sa Krus bilang Kanyang huling mensahe at pangaral para sa ating lahat, katulad ng mga huling mensahe ng mga guro para sa kanilang mga estudyante sa huling araw ng mga klase bago ang mga araw na inilaan o itinakda para sa mga huling pagsusulit. Tila, pahabol na mensahe na lamang.
Ang Ikapito at Huling Wika ng Panginoong Jesus Nazareno mula sa Banal na Krus ay hango mula sa Salmo 31. Katunayan, isinalungguhit ng mga dalubhasa sa Bibliya na itong mga katagang ito na binigkas ng Poong Jesus Nazareno mula sa Krus na hango mula sa Salmo 31 ay isinasambit ng mga Hudyo bilang panalangin bago matulog sa gabi. Naaangkop sambitin ang mga salitang ito bilang panalangin bago matulog dahil isinasalungguhit ng mga salitang ito ang pagiging matapat at maaaasahan ng Diyos bilang ating tagapagtanggol at sanggalang.
Gaya ng isinalungguhit ng mga dalubhasa sa Bibliya, ang Ikapito at Huling Wikang binigkas ng ating Mahal na Poong Jesus Nazareno na hango mula sa Salmo 31 ay ang panalangin ng mga Hudyo bago matulog sa gabi. Magandang pagtuunan ng pansin ang katangiang ito ng mga katagang binigkas ng Nuestro Padre Jesus Nazareno bago tuluyang malagot ang Kanyang hininga mula sa Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo noong unang Biyernes Santo. Isa sa mga sandali kung saan wala tayo kontrol sa mga kaganapang nangyayari ay kapag natutulog tayo. Oo, maganda naman ang idinudulot sa atin ng pagtulog, lalung-lalo na yaong mga mahihimbing na pagtulog. Subalit, sa mga oras o sandaling natutulog tayo, mayroong mga maaaring mangyari sa atin na hindi maganda o kaaya-aya. Totoo ito, lalung-lalo na kapag tayo'y nasa mga mataong lugar katulad ng Quiapo. Aminin natin, tumalikod o pumikit lamang tayo kapag nasa Quiapo tayo o kaya sa mga lugar tulad noon, tiyak may nangyari na sa atin. Maaaring dinukutan na tayo ng anumang ari-ariang dala natin kapag pumunta tayo roon. Sa isang iglap lamang, may nawala. Maaari na itong dinukutan, o kung hindi, nalaglag. Alam naman natin na kapag mayroon tayong mga nalaglag sa mga mataong lugar katulad na lamang ng Quiapo, huwag na tayong umasang mahahanap at mababawi natin iyon muli sapagkat tiyak may iba na'ng nakapulot niyon.
Hindi lamang sa pagpunta sa mga mataong lugar gaya ng Quiapo. Pati na rin sa mga mismo nating bahay. Maaaring pasukin ng mga magnanakaw ang mga bahay nang palihim at hindi natin nalalaman sapagkat natutulog tayo nang mahimbing. Oo, hindi ito nangangahulugang hindi tayo handa. Lagi nating pinagsisikapang maging handa upang mahuli at maiulat sa mga autoridad ang mga nagbabalak na looban ang mga bahay natin upang hindi sila makapagnakaw. Subalit, kapag pagod na pagod na tayo, likas sa atin bilang mga tao ang magpahinga. Matutulog kung sobrang pagod.
Kaya, isinasalungguhit ng mga salitang ito ang tiwala sa Diyos. Ang pagiging tapat at maaasahan ng Diyos sa lahat ng oras at sandali ay isinasalungguhit ng mga katagang ito na binigkas ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, sa Banal na Krus. Hindi natin kontrol ang lahat ng bagay dito sa mundo. Sa tuwing haharap sa mga bagay na wala sa ating kontrol, mayroon tayong maaaring lapitan - ang Panginoon. Tanging ang Diyos lamang ang maaasahan sa bawat sandali ng ating buhay sa mundong ito bilang ating sanggalang at tagapagtanggol.
Sa mga anime na maaaksyon, tulad na lamang ng Sword Art Online, mayroong mga eksena kung saang mahirap unawain kung paano nakaligtas at namuhay ang bida ng nasabing serye. Halimbawa na lamang, sa Sword Art Online, ang bidang si Kirito na kilala rin bilang si Kazuto Kirigaya, ang kanyang pangalan sa tunay na buhay, ay ilang ulit na nakaligtas mula sa mga matitinding panganib sa mga online na laro. Kapag sa ibang tao nangyari iyon, tiyak na patay na siya. Subalit, dahil si Kirito ang bida noon, hindi siya namatay. Mahirap para sa ilang mga manonood noon na ipaliwanag kung paanong namuhay si Kirito gayong nasa gitna siya ng mga matitinding panganib sa laro. Para siyang Cardo Dalisay ng dating sikat na serye Ang Probinsyano na pitong taong namayagpag sa himpapawid.
Mabuti pa sa mga palabas sa telebisyon katulad na lamang ng mga maaksyong serye at pelikula, anime man o live-action. Subalit, hindi ito katulad ng totoong buhay. Kaya nga, kathang-isip lamang ang mga ito. Iba ito sa totoong buhay. Hindi tayo ang may hawak o kontrol ng lahat ng bagay sa mundo dahil hindi tayo mga diyos o bathala. Isa lamang ang Diyos. Siya ang may kontrol ng lahat ng bagay. Ang Panginoong Diyos ay tunay nga nating mapagkakatiwalaan at maaasahan sa bawat sandali ng ating buhay dito sa mundo bilang ating sanggalang at tagapagtanggol.
Bago malagot ang Kanyang hininga sa Banal na Krus, may pahabol na aral para sa lahat si Kristo, ang Panginoong Jesus Nazareno. Ang Diyos lamang ang tangi nating maaasahan at mapagkakatiwalaan bilang sanggalang at tagapagtanggol. Hindi Niya tayo pababayaan. Lagi Niya tayong tutulungan, ipagsasanggalang, at ipagtatanggol sa bawat sandali ng ating buhay dito sa mundong ito. Isa lamang ang kinakailangan nating gawin: lumapit tayo sa Kanya nang buong kababaang-loob at pananalig upang hingin ang Kanyang pagtulong at pagsasanggalang. Hinding-hindi Niya ito ipagkakait o ipagdadamot sa atin dahil tunay Niya tayong iniibig at kinahahabagan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento