PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA
IKATLONG HAPIS: Ang Paghahanap kay Jesus Nazareno sa Templo (Lucas 2, 41-51)
This faithful photographic reproduction of the painting Christ among the Doctors (c. 1635) by José de Avelar Rebelo, as well as the actual work of art itself from the Secretariado Nacional da Pastoral da Cultura, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Tatlong araw. Tatlong araw na nawala sa piling ng Mahal na Inang si Mariang Birhen at ni San Jose ang Batang Poong Jesus Nazareno. Tila pahiwatig ito ng tatlong araw kung kailan magaganap ang pagpapakasakit at pagkamatay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Tatlong araw na nahiwalay ang Batang Nuestro Padre Jesus Nazareno sa piling ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, tatlong araw rin ang Misteryo Paskwal ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kung paanong napuspos ng hapis, dalamhati, at lumbay ang puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa tatlong araw na nahiwalay siya sa Poong Jesus Nazareno, mapupuspos rin siya ng matinding hapis, lumbay, at dalamhati sa mga huling sandali ng Poong Señor na si Jesus Nazareno sa mundong ito noong unang Biyernes Santo.
Sabi sa huling bahagi ng salaysay ng kaganapang ito na inigatan ng Mahal na Birhen ang lahat ng ito sa kanyang puso (Lucas 2, 51). Hindi niya lubusang maunawaan kung bakit nangyari ito. Kung tutuusin, hindi nga rin niya maunawaan kung bakit bata pa lamang si Jesus Nazareno ay mayroon na'ng mga pahiwatig ng Kanyang Pasyon. Ni hindi nga siguro inasahan ni Maria na tatlong araw na mawawala si Jesus Nazareno o kaya inisip ito bilang pasulyap sa kapaitan ng Kanyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng tanan. Kaya, iningatan na lamang niya ito sa kanyang puso upang pagbulay-bulayan ito nang mabuti at taimtim.
Hapis, lumbay, at dalamhati ang laman ng puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen noong nawala sa kanyang piling ang Batang Panginoong Jesus Nazareno. Ito ay isang pasulyap ng haharapin, titiisin, at dadanasin ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa mga huling sandali ng Panginoong Jesus Nazareno. Bata pa lamang ang Panginoong Jesus Nazareno sa mga sandaling iyon. Iyon nga lamang, hindi Siya isang karaniwang bata. Naiiba Siya. Pagdating ng takdang oras, magbabata Siya ng matitinding hirap, sakit, pagdurusa, at kamatayan alang-alang sa sangkatauhan. Ang katotohanang ito ay ipinahiwatig ng tatlong araw na nawala Siya sa piling ni San Jose at ng Mahal na Inang si Mariang Birheng Kalinis-linisan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento