Miyerkules, Marso 29, 2023

ITO ANG PINKADAKILANG ARAW

9 Abril 2023 
Araw ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 10, 34a. 37-43/Salmo 117/Colosas 3, 1-4 (o kaya: 1 Corinto 5, 6b-8)/Juan 20, 1-9 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1530) The Resurrection of Christ by the Royal Workshop of Lisbon (attributed to Cristóvão de Figueiredo and Diogo de Contreiras), as well as the actual work of art itself from Veritas Art Auctioneers, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Umaalingangaw nang malakas sa buong Simbahan ang salitang "Aleluya" pagsapit ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Sa gabi ng Sabado de Gloria kung kailan isinagawa o idinadaos ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay, buong galak na ipinapahayag at inaawit nang paulit-ulit ang salitang "Aleluya." Matapos ito hindi marinig sa loob ng 40 araw ng panahon ng Kuwaresma, walang tigil at walang sawa itong ipinapahayag at inaawit ng Simbahan dahil buong galak na ipinagbubunyi at ipinagdiriwang ng Simbahan ang tagumpay ng Diyos na inihayag Niya sa tanan sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Ang maluwalhating Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang tanging dahilan kung bakit buong galak na nagdiriwang at nagbubunyi ang Simbahan sa araw na ito. Ito ang pinakamahalagang sandali sa kasaysayan ng Simbahan Siya mismo ang nagtatag sapagkat ang mismong sandaling ito ang nagbibigay saysay at kahulugan sa ating pananampalataya. Gaya ng sabi ni Apostol San Pablo, patuloy pa ring mananatiling mga alipin ng kasamaan at kasalanan ang sangkatauhan at walang saysay o kabuluhan ang ating pananampalataya bilang mga Kristiyano kung si Kristo ay hindi nabuhay na mag-uli (1 Corinto 15, 17). Kaya naman, gayon na lamang ang pagpapahalaga ng Simbahan sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno. Dahil sa maluwalhating Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang tagumpay ng Diyos na nagbibigay ng kabuluhan o saysay sa ating pananampalataya bilang mga Kristiyano ay nahayag. 

Gaya ng inihayag ng mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito na siyang pinakadakilang araw ng bawat taon sa Kalendaryo ng Simbahan, "Araw ngayon ng Maykapal, magalak tayo't magdiwang" (Salmo 117, 24). Katunayan, mayroon pa nga ring alternatibong tugon para sa Salmo sa araw na ito. Ito ay walang iba kundi ang salitang "Aleluya!" na walang tigil na ipinapahayag at inaawit ng Simbahan sa araw na ito nang buong galak bilang pagbubunyi kay Kristong Muling Nabuhay. Katunayan, ang alternatibong Salmo para sa Linggong ito, "Aleluya!", ay unang inihayag at inawit bilang huling Salmong Tugunan matapos basahin ang Sulat at bago basahin ng pari o diyakono ang Mabuting Balita sa naganap na Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay noong gabi ng Sabado de Gloria. Bukod pa roon, ang salitang ito ay inawit at inihayag nang tatlong ulit noong una itong isinambit ng Simbahan matapos hindi ito sambitin o awitin ng Simbahan sa loob ng 40 araw ng panahon ng Kuwaresma na inilaan para sa pinakadakilang araw na ito. 

Inihayag ng Muling Pagkabuhay ni Kristo na hindi nauwi sa wala, kabiguan, kasawian, at pagkatalo ang lahat para sa Diyos. Ang lahat ng mga hirap, pagdurusa, sakit, at maging ang kamatayan sa Krus na Banal na Kanyang hinarap, tiniis, at binata para sa ikaliligtas ng sangkatauhan ay nagkaroon ng saysay sapagkat nabuhay Siyang mag-uli sa ikatlong araw, katulad ng Kanyang inihayag at ipinangako nang paulit-ulit bago Siya pumasok sa Herusalem. Sa pamamagitan nito, nahayag ang tagumpay ng Diyos na nagbibigay ng saysay at kabuluhan sa lahat. Ang ating pananampalataya bilang tunay na Simbahan ay mayroong kabuluhan sapagkat ang Diyos ay nagtagumpay sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Dahil nagtagumpay ang Diyos sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, tayong lahat ay Kanyang naligtas at ibinilang sa Kanyang pamilya. 

Sa Ebanghelyo, inilarawan kung ano ang nakita nina Santa Maria Magdalena at ng dalawang alagad ng Poong Jesus Nazareno noong nagsitungo sila sa libingan noong araw na naganap ang maluwalhating Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poon. Isang napakahalagang detalye ang binigyan ng pansin sa salaysay sa Ebanghelyo para sa maringal na Linggong ito. Bukod sa naalis ang batong panakip mula sa libingan ni Kristo, nakita nina Apostol San Pedro at Apostol San Juan ang mga kayong lino na ginamit bilang pambalot sa katawan ng Panginoong Jesus Nazareno na hiwalay sa panyong ibinalot sa Kanyang ulo (Juan 20, 1. 5-8). Ito ang patunay na nabuhay na si Jesus Nazareno ay tunay ngang nabuhay na mag-uli at hindi ninakaw ang Kaniyang bangkay mula sa libingan. Tinupad ng Mahal na Poon ang Kanyang pangako. 

Dahil tunay ngang nabuhay na mag-uli ang Panginoong Jesus Nazareno sa ikatlong araw, katulad ng Kanyang ipinangako nang paulit-ulit sa mga apostol bago magtungo sa Herusalem, ang mga apostol ay buong sigasig at kagitingang nangaral tungkol sa katotohanang ito matapos pumanaog ang Espiritu Santo sa kanila noong araw ng Pentekostes. Ang ginawang pangangaral ni Apostol San Pedro kay Cornelo sa bahay ni Cornelio sa Unang Pagbasa para sa dakilang Linggong ito ay isang napakagandang halimbawa nito. Nangaral siya kina Cornelio tungkol sa Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno sa ikatlong araw. Hindi Siya nanatiling patay. Bagkus, pagsapit ng ikatlong araw, nabuhay Siyang mag-uli. Ito rin ang ginawa ni Apostol San Pablo sa dalawang Ikalawang Pagbasa. Bagamat mayroong dalawang talatang maaaring gamitin para sa Ikalawang Pagbasa, iisa lamang ang paksang tinalakay sa dalawang pangaral na ito ni Apostol San Pablo. Ito ay walang iba kundi ang pagbabagong hatid ng Muling Nabuhay na si Jesus Nazareno. 

Mayroong dahilan kung bakit ang buong Simbahan ay buong galak na nagdiriwang at nagbubunyi sa araw na ito. Ang araw na ito ay ang pinakamahalagang araw sa buong taon. Sa araw na ito, ginugunita, pinagninilayan, at ipinagdiriwang natin nang buong galak ang pinakadakilang tagumpay ng Diyos na nahayag sa buong sansinukob sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Kristo, ang Poong Jesus Nazareno.

Kaya naman, bilang mga Kristiyano na bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag mismo ni Kristo, marapat lamang tayong magbunyi at magdiwang nang buong galak sa dakilang araw na ito. Sabi nga sa Salmong Tugunan para sa maringal na Linggong ito: "Araw ngayon ng Maykapal, magalak tayo't magdiwang" (Salmo 117, 24). Dinggin nawa natin ang panawagan at paanyayang ito ng Salmong Tugunan para sa dakilang araw na ito, ang pinakadakilang araw sa buong taon. 

TUNAY NGANG NABUHAY NA MAG-ULI SI KRISTO! ALELUYA! ISA PONG MAPAGPALA AT MALIGAYANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY SA INYONG LAHAT! 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento