3 Abril 2023
Mga Mahal na Araw: Lunes Santo
Isaias 42, 1-7/Salmo 26/Juan 12, 1-11
This faithful photographic reproduction of the painting by Luca Giordano (1634-1705), The Entombment of Christ, as well as the actual work of art itself from the Museum of Fine Arts in Boston, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer because the author died in 1705. This work is also in the Public Domain in the United States because it was because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928.
"Pabayaan ninyong ilaan niya (ni Maria) ito para sa paglilibing sa Akin" (Juan 12, 7). Ito ang mga salitang binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa araw na ito, Lunes Santo, bilang pagtanggol sa ginawang pagpapahid ng mamahaling langis ni Santa Maria ng Betania na kapatid ni San Lazaro sa Kanya. Sa pamamagitan nito, ang tanging dahilan kung bakit pinahiran ni Maria na kapatid ni Lazaro ang mga paa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nahayag. Katunayan, ang Nazareno mismo ang nagpahiwatig sa tunay at natatanging dahilan kung bakit ginawa ito ni Maria para sa Kanya. Batid ng Poong Jesus Nazareno na malinis at dalisay ang dahilan nito.
Bukod pa roon, nasusulat sa salaysay sa Ebanghelyo na nagalit si Hudas Iskariote sa ginawa ni Maria na kapatid ni Lazaro, hindi dahil mayroon siyang malasakit para sa mga dukha, kundi dahil isa siyang magnanakaw (Juan 12, 6). Ang katotohanang ito ay alam ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ipinahiwatig Niya ito sa Kanyang sagot kay Hudas Iskariote na nagreklamo noong binuhusan ng mamahaling pabango ang mga paa ng Panginoon. Hindi man ito batid ng iba pang mga apostol, subalit, hindi Niya ito nailihim o naitago mula sa Mahal na Poon. Kahit ano pa'ng gawin o sabihin ni Hudas, wala siyang takas sa Mahal na Poon.
Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay tungkol sa dalisay at tapat na pag-ibig para sa Diyos. Nararapat lamang na maging tunay ngang dalisay at tapat ang ating pag-ibig sa Diyos dahil sa Kanyang mga ginawa. Katunayan, ang Kanyang kagandahang-loob, pag-ibig, at habag para sa atin ay lubhang banal, dalisay, at tapat. Ang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob ito ng Panginoong Diyos na tunay nga namang banal, dalisay, at tapat ay inilarawan sa Unang Pagbasa para sa araw na ito. Ito ang dahilan kung bakit ipinagkaloob Niya sa atin ang Kanyang Bugtong na Anak, ang Panginoong Jesus Nazareno, bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan, gaya ng nasasaad sa propesiya ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Sa Ebanghelyo, si Maria na kapatid ni Lazaro ay itinampok ni Kristo bilang huwaran o halimbawa ng pagiging tunay at dalisay ang pag-ibig para sa Diyos.
Tapat at dalisay na pag-ibig ang hinahanap sa atin ng Poong Jesus Nazareno. Ito ba ay ating ibibigay sa Kanya?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento