31 Marso 2023
Biyernes sa Ikalimang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay
"Viernes de Dolores"
Jeremias 20, 10-13/Salmo 17/Juan 10, 31-42
This faithful photographic reproduction of the painting Christ Taking Leave of His Mother (c. Probably Before 1514) by Corregio, as well as the work of art itself from the National Gallery in London, England, is licensed for non-commercial use under a Creative Commons agreement (CC BY-NC-ND 4.0).
Nakasentro sa pagdurusa ng mga tapat na lingkod ng Diyos ang mga Pagbasa para sa araw na ito. Marapat lamang pagnilayan ang paksang ito sapagkat inilalarawan sa mga talatang ito ang dahilan kung bakit napuno ng hapis at dalamhati ang Mahal na Birheng Maria. Ipinapahiwatig ng mga salitang itinatampok sa mga Pagbasa para sa araw na ito kung ano ang sasapitin ng Panginoong Jesus Nazareno na maghahatid ng hapis at dalamhati sa puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Kaya naman, nang dumating ang oras ng pamamaalam ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Mahal na Inang si Mariang Birhen bago Siya tumungo sa banal na lungsod ng Herusalem upang tuparin ang Kanyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng tanan, labis-labis ang hapis, sakit, at dalamhati sa puso ng Mahal na Birhen. Batid ni Maria kung ano ang sasapitin ng kanyang Anak na minamahal na si Jesus Nazareno.
Sa Unang Pagbasa, inilarawan ni Propeta Jeremias ang pananaw o kinatatayuan ng mga tagausig ng mga tapat na lingkod ng Diyos. Ang mga naglilingkod sa Diyos nang buong katapatan ay balak nilang patahimikin at paslangin upang ang kanilang mga puso, kalooban, at isipan ay hindi na mabagabag pa. Sa Ebanghelyo, binalak ng mga tao na dakipin at batuhin si Kristo dahil sa Kanyang mga sinabi tungkol sa Kanyang ugnayan sa Ama. Hindi nila matanggap na si Jesus Nazareno ay ang Bugtong na Anak ng Diyos na dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos.
Walang salitang sasapat para ilarawan ang sakit, hapis, at dalamhating dulot ng mga pagpapakasakit, paghihirap, at pagdurusang kaakibat ng misyon at tungkulin ni Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas sa puso ng Mahal na Inang si Maria. Kaya, bagamat tahimik ang Banal na Kasulatan tungkol sa pamamaalam ng ating Nuestro Padre Jesus Nazareno sa ating Mahal na Inang si Mariang Birhen bago tumungo sa Herusalem, batid natin kung gaano ka-lungkot ang sandaling ito. Nais man ni Maria na pigilin ito, hindi niya ito magawa dahil ito ang kalooban ng Diyos.
Isang napakasakit at nakakalungkot na sandali ang pamamaalam ni Jesus Nazareno sa Mahal na Inang si Mariang Birhen. Subalit, kinailangan itong mangyari sapagkat kinailangang tuparin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang kalooban ng Diyos. Kahit na puno siya ng hapis at dalamhati sa sandaling ito, buong pananalig at kababaang-loob na tinanggap ito ng Mahal na Inang si Mariang Birhen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento