Biyernes, Marso 10, 2023

MASAKIT MAGMAHAL

PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA 
IKAAPAT NA HAPIS: Ang Pagtatagpo sa Daan patungong Kalbaryo 

This faithful reproduction of the painting Encuentro del Nazareno con su madre (c. 1612) by Francesc Ribalta (1565–1628), as well as the actual work of art itself from the Museu de Belles Arts de València Collection, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Kung sa Ikatlong Hapis ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, natagpuan sa piling ng mga guro sa Templo ang Batang Panginoong Jesus Nazareno tatlong araw matapos Siyang mawala dahil nagpaiwan Siya sa Herusalem, sa Ikaapat na Hapis, hindi Siya nawala. Sa hapis na ito, batid ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang kinaroroonan at kalagayan ng kanyang minamahal na Anak na si Jesus Nazareno. Subalit, bagamat batid ni Maria ang kinalalagyan ni Jesus Nazareno sa hapis niyang ito, hindi biro ang tindi ng hapis, sakit, at dalamhating idinulot ng sandaling ito sa kanyang puso. 

Bukod pa roon, kung ang unang tatlong Hapis ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay naganap sa iba't ibang sandali sa pagkabata ng Panginoong Jesus Nazareno, ang mga susunod na Hapis, simula sa Hapis na ito, ay naganap sa iisang araw lamang. Sa isang araw, nagkaroon ng apat na Hapis ang Mahal na Birheng Maria. Hindi biro ang hapis at dalamhating dulot ng apat na kaganapang ito. 

Ang kaganapang itinatampok sa Ikaapat na Hapis ng Mahal na Birhen ay ang simula ng pinakamatinding sakit na kanyang tiniis at dinanas. Isa lamang ang dahilan kung bakit ang Hapis na ito ay ang simula ng kanyang pagtitiis ng pinakamatinding sakit sa kanyang buhay: nasaksihan ng kanyang mga mata ang mapait na pagpapakasakit ng minamahal niyang Anak na si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno. Nakatagpo niya sa daang patungong Kalbaryo ang Poong Jesus Nazareno na nagpapasan ng Krus. O kay sakit ng kaganapang ito sa buhay ni Maria. Hindi biro ang hapdi, kirot, at sakit na tinaglay ni Maria sa kanyang puso dahil sa mga kaganapang ito. 

Dagdag pa rito ang katotohanang walang magawa si Maria sa mga sandaling ito para sa kanyang minamahal na Anak na si Kristo. Kaya, gayon na lamang katindi ng hapdi, kirot, at sakit na binitbit ni Maria sa kanyang puso sa sandaling ito. Walang magawa ang Mahal na Birheng Maria upang itigil ang kaganapang ito. Nais man niyang itigil, iligtas, o itakas si Kristo, hindi niya ito magawa dahil ito ang kalooban ng Diyos. Kaya, tahimik na lamang siya nakiisa sa pagtitiis ng hirap at pagdurusa ni Jesus Nazareno. 

Napakahirap ng ginawa ng Mahal na Birheng Maria sa sandaling ito. Tiniis niya ang pinakamasakit na sandali para sa mga magulang, lalung-lalo na para sa isang ina. Sa katahimikan, nakiisa siya sa pagtitiis ng hirap, pagdurusa, at kamatayan ng kanyang minamahal na Anak na si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Bagamat hindi biro ang sakit na dulot nito sa kanyang puso, pinahintulutan niya ito mangyari dahil ito ang kalooban ng Diyos. 

Hindi sapat ang mga salita upang ilarawan ang hirap at sakit na tiniis at dinanas ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa sandaling ito. Subalit, sa kabila nito, ipinasiya pa rin niyang sundin ang kalooban ng Diyos at tahimik na makiisa sa pagpapakasakit, paghihirap, at pagdurusang dinanas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno alang-alang sa sangkatauhang tunay Niyang iniibig at kinahahabagan.  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento