Biyernes, Pebrero 24, 2023

PAGTATAKWIL SA KINALUGDAN

10 Marso 2023 
Biyernes sa Ikalawang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay 
Genesis 37, 3-4. 12-13a. 17b-28/Salmo 104/Mateo 21, 33-43. 45-46

This faithful photographic reproduction of the painting of Joseph being sold into slavery (c. Before 1888) by Alexander Maximilian Seitz, as well as the actual work of art itself, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin as well in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This faithful photographic reproduction of the said work of art and the work of art itself is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928. 

Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay napapanahon sapagkat ang araw na ito ay isang araw ng Biyernes, ang araw na inilaan ng debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ito ang araw na isinesentro ng Simbahan ang ating mga puso at isipan sa larawan o imahen ng ating Panginoon at Manunubos na si Kristo na kusang-loob na nagpasan ng Krus patungong Kalbaryo alang-alang sa atin. Bukod pa dito, ang araw na ito ng Biyernes ay napapaloob sa 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay na tinatawag ring Kuwaresma. Sa banal na panahong ito na tinatawag na Kuwaresma, habang puspusan nating pinaghahandaan ang ating mga sarili bilang mga mananampalatayang Katoliko para sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng taos-pusong pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos, inaanyayahan tayo bilang mga bumubuo ng Simbahan na lalo pang isentro ang ating mga pansin at pagnilayan nang buong kataimtiman ang misteryo ng dakilang pag-ibig ng Diyos na nahayag sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Tinalakay sa mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes sa banal na panahon na ito na tinatawag na Kuwaresma ang pagtakwil sa mga kinalugdan. Sa paksang ito nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito upang lalo pang lumalim ang ating pang-unawa at pagpahalaga sa misteryo ng Mahal na Pasyon ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa Unang Pagbasa, si Jose na anak ni Jacob ay binalak patayin ng kanyang mga nakakatandang kapatid dahil sa inggit. Katunayan, si Jose ay binalak talaga nilang patayin bago ihagis ang kanyang bangkay sa balon. Umawat lamang si Ruben at hindi nila itinuloy ang planong pagpatay kay Jose bago ihagis sa nasabing balon. Si Jose ay kanilang inihagis na lamang sa balon nang buhay at kalaunan ay ibinenta sa halagang 20 pirasong pilak sa mga Ismaelitang naglalakbay patungong Ehipto. Sa Ebanghelyo, inilarawan ng ating minamahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng isang talinghaga ang Kanyang sasapitin sa kamay ng Kanyang mga kaaway. Walang awa Siyang papatayin ng Kanyang mga kaaway. Natupad nga ito noong unang Biyernes Santo sa bundok ng Kalbaryo kung saan Siya ipinako sa Krus. 

Sa pamamagitan ng pagtatampok sa mga sinapit ni Jose sa Unang Pagbasa at ng talinghaga ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo, muling itinutuon ang ating pansin sa katotohanan tungkol sa mga lingkod ng Diyos na kinalulugdan Niya nang lubos. Hindi sila tinanggap ng marami. Marami sa kanila ang nakaranas ng pag-uusig at pagtatakwil. Katunayan, mayroon ngang mga namatay bilang mga martir dahil kay Jesus Nazareno. Si Jesus Nazareno nga, namatay bilang martir sa Banal na Krus sa bundok ng Kalbaryo upang tayo ay maligtas mula sa kasalanan at kamatayan. Hindi naging ligtas ang mga dakilang lingkod ng Diyos mula sa pagtatakwil at pag-uusig. 

Mas madaling maging bahagi ng mga nagtatakwil sa mga kinalulugdan ng Diyos, sa totoo lamang. Ligtas ka mula sa mga pagtatakwil at pag-uusig kapag ito ang ating ipinasiyang gawin. Kapag sumabay lamang tayo sa agos, hindi ka mapapahamak o uusigin ng marami. Subalit, kapag ito ang ating ginawa, lalo lamang nadadagdagan ang kawalan ng katarungan. Maaari rin tayo maligtas mula sa pagtakwil at pag-uusig ng tao, subalit, hindi natin matatakasan ang katarungan ng Panginoong Diyos. 

Itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin, puso, at isipan sa katotohanan tungkol sa mga sinapit ng mga dakilang lingkod ng Diyos, pati na rin ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, bilang isang uri ng pagtatanong sa atin tungkol sa ating pasiya. Saan ba tayo nais mapabilang? Nais ba nating mapabilang sa mga tapat at taos-pusong naglilingkod sa Panginoong Diyos o sa mga nagtatakwil sa kanila? Tandaan, nakasalalay sa pasiya nating ito ang ating mga kaluluwa. Nasa atin ang pasiya kung tatanggapin ba natin ang biyaya ng kaligtasang kaloob ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa tanan o hindi. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento