Sabado, Pebrero 18, 2023

BIYAYA PARA SA MGA TUNAY NA MATAPAT SA PANGINOON

26 Pebrero 2023 
Unang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (A) 
Genesis 2, 7-9; 3, 1-7/Salmo 50/Roma 5, 12-19 (o kaya: 5, 12. 17-19)/Mateo 4, 1-11 
This faithful photographic reproduction of the painting The Temptation of Christ (c. Between 1579 and 1581) by Jacopo Tintoretto (1519-1584), as well as the work of art itself from the Scuola Grande di San Rocco, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or less due to its age. 

Minsan lamang sa isang taon nating maririnig sa Ebanghelyo para sa Banal na Misa ang salaysay ng pagtukso sa Poong Jesus Nazareno sa ilang. Ang nasabing araw ay walang iba kundi ang mismong araw na ito, ang Unang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay na mas kilala ng karamihan sa atin sa tawag na Kuwaresma. Sa Banal na Bibliya, ang salaysay ng mahalagang kaganapang ito sa buhay ng Panginoong Jesus Nazareno ay ating mababasa sa tatlong sinotikong Ebanghelista na sina San Mateo, San Marcos, at San Lucas. Sa taong ito, Taon A, ang bersyon sa Ebanghelyo ni San Mateo ay itinatampok at pinagtutuunan ng pansin ng Simbahan sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya para sa Linggong ito. 

Ang tagumpay ng Panginoong Jesus Nazareno laban kay Satanas sa ilang ay laging itinatampok at pinagninilayan ng Simbahan taun-taon pagsapit ng Unang Linggo ng Kuwaresma. Bagamat naganap ito bago Niya sinimulan ang Kanyang pampublikong ministeryo, ipinasulyap sa atin ng Panginoong Jesus Nazareno ang Kanyang magiging tagumpay sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay sa sandaling ito. Si Jesus Nazareno, bagamat nag-ayuno at nanalangin sa ilang sa loob ng apatnapung araw at gabi, ay nagtagumpay laban sa demonyo na tatlong beses na tumukso sa Kanya na suwayin ang kalooban ng Ama. Kahit na napakahina Siya noon, hindi nagpatalo ang Poong Jesus Nazareno. Tatlong ulit Siyang tinukso ng demonyong si Satanas, tatlong ulit rin Niya itong tinutulan, nilabanan, at pinagtagumpayan. Iyan ang Panginoong Jesus Nazareno. Nanatili Siyang masunurin sa kalooban ng Ama, kahit napakahina. 

Taliwas sa ginawa ng Panginoong Jesus Nazareno sa salaysay ng pagtukso sa Kanya sa ilang sa Banal na Ebanghelyo para sa Linggong ito ang ginawa ng mga una nating magulang na sina Adan at Eba sa salaysay sa Unang Pagbasa. Sa halip na tutulan at pagtagumpayan ang panunukso at pang-aakit ng demonyo na nagpakita sa kanila sa anyo ng ahas sa Halamanan ng Eden, hinayaan nilang magpaakit sa tukso. Bagamat napakalinaw ang utos ng Panginoong Diyos, ipinasiya nilang suwayin iyon sapagkat hinayaan nilang magpadaig sa tukso ng demonyo. Sa pamamagitan ng sala ng mga una nating magulang na sina Adan at Eba, pumasok ang kasalanan sa mundong ito.

Dahil sa pagsuway nina Adan at Eba, pumasok sa mundong ito. Subalit, sa kabila nito, ipinasiya pa rin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Ito ang paksang pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito. Sa pamamagitan ni Kristo, ang ating Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay dumating sa mundong ito. Dahil dito, mayroon tayong pagkakataong maging banal at kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon. Ang pagtahak sa landas ng kabanalan, na napangyari ng Diyos sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, ay dapat naman nating gawin nang tapat at taos-puso. 

Sabi sa Salmong Tugunan para sa araw na ito: "Poon, Iyong kaawaan kaming sa 'Yo'y nagsisuway" (Salmo 50, 3a). Bilang mga tunay na matapat na lingkod ng Diyos na laging nagsusumikap mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin, ang mga salitang ito mula sa Salmo ang dapat nating gawing panalangin araw-araw. Kapag ito ang ginawa nating pang-araw-araw na panalangin, ipinapahayag natin ang tapat at taos-puso nating hangaring mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Ipinapakita natin sa pamamagitan nito ang ating kababaang-loob dahil humihingi tayo ng habag at awa mula sa Panginoon. Sa pamamagitan rin ng mga salitang ito, ipinapahayag nating umaasa lamang tayo sa Panginoong Diyos na tanging makakatulong sa atin na magtagumpay laban sa mga tukso sa buhay. Kung wala ang Panginoong Diyos, hindi tayo makakapagtagumpay laban sa mga tukso sa buhay dito sa mundo. Subalit, kung hahayaan nating tulungan tayo ng Panginoong Diyos, kayang-kaya nating labanan at pagtagumpayan ang mga tukso sa buhay. 

Kung hindi dahil sa biyaya ng pagliligtas ng Diyos na dumating sa mundong ito sa pamamagitan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, wala tayong pagkakataong maging banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Niloob ng Diyos na ipagkaloob sa atin ang biyayang ito. Subalit, nasa atin pa rin ang pasiya kung ang biyayang ito mula sa Diyos ay taos-puso nating tatanggapin o hindi. Tayo mismo ang magdedesisyon kung susundin ba natin ang kalooban ng Ama katulad ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Ipinapaalala sa atin ng Linggong ito na mayroong biyayang naghihintay para sa lahat ng mga tunay na matapat sa Panginoon. Ang mga magpapasiyang maging tunay na matapat at masunurin sa Panginoon ay pagkakalooban ng isang napakagandang biyaya. Katulad ni Jesus Nazareno na pinaglingkuran ng mga anghel matapos Niyang pagtagumpayan ang tatlong tukso ni Satanas sa ilang sa katapusan ng salaysay sa Ebanghelyo, pagpapalain ng Panginoon ang sinumang magiging tapat at masunurin sa Kanya nang taos-puso hanggang sa huli. Ang gantimpalang ito ay matatagpuan sa langit kung saan matatamasa natin ang biyaya ng buhay na walang hanggan kapiling ang ating Panginoon at Manunubos na si Jesus Nazareno magpakailanman. 

Walang hanggang pagpapala sa piling ng Panginoong Jesus Nazareno sa langit ang biyayang inilaan para sa mga tunay na matapat at masunurin sa Kanya. Subalit, tayo mismo ang magpapasiya kung nais ba nating makinabang at makibahagi sa biyayang ito ng Panginoong Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento