Linggo, Pebrero 12, 2023

MAYROONG IPAGMAMALAKI; WALANG DAPAT IPAGYABANG

22 Pebrero 2023 
Miyerkules ng Abo 
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18 

This faithful photographic reproduction of the painting Man of Sorrows (c. 1860) by William Dyce, as well as the work of art itself from the National Galleries of Scotland Collection, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928. 

Mayroong mga nagsasabing ang Miyerkules ng Abo raw ay ang natatanging araw sa buong taon kung kailan makikilala kung sino ang Katoliko. Kapag mayroong tatak ng krus na abo sa noo ang isang tao, isa siyang Katoliko. Sa totoo lamang, bagamat hindi naman araw ng pangilin o araw na kung kailan dapat magsimba ang mga Katoliko, hindi natin maipagkakailang malaki-laki rin ang bilang ng mga mananampalatayang dumadagsa sa iba't ibang mga Simbahan pagsapit ng araw na ito na siyang unang araw ng banal na panahon ng Kuwaresma o Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay upang magsimba at makatanggap ng abo na ibubudbod sa ulo, na isang tradisyunal na gawain noon pa, o papahiran sa kanilang mga noo na tiyak na kinasanayan na ng marami, lalung-lalo na bago ang pandemiyang COVID-19.

Ang araw na ito ay ang simula ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay na mas kilala natin sa tawag na Kuwaresma. Sa simula ng panahong ito, nilalagyan tayo ng abo sa noo o kaya naman sa ulo. Subalit, dapat nga ba natin itong ipagmalaki? Kung oo, bakit natin itong dapat ipagmalaki? Kung hindi, bakit nga ba ito ginagawa ng Simbahan taun-taon? Ano nga ba ang kahulugan o saysay ng mga abo? 

Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito na mayroon tayong dapat ipagmalaki bilang mga Katoliko. Subalit, hindi ito dapat maging sanhi o dahilan ng pagmamataas o kayabangan. Bagkus, ito ang dapat maging paalala para sa atin na magkaroon ng kababaang-loob. Ipinapaliwanag sa mga Pagbasa para sa araw na ito kung ano ang dapat nating ipagmalaki. Sa Unang Pagbasa, nanawagan ang Panginoon sa Kanyang bayan na magsisi at magbalik-loob sa Kanya nang taos-puso at taimtim. Ang mga salitang ito ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ay tunay nga namang napapanahon at umaalingawngaw pa nga sa araw na ito dahil halaw sa mga mismong salitang ito ang panawagan ng Simbahan sa panahon ng Kuwaresma. Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na hindi ipinagpapaliban ng Diyos ang Kanyang pagliligtas. Dahil dito, ngayon na mismo ang panahong nararapat upang magbalik-loob sa Diyos. Hindi dapat ipagpaliban ang pagbabalik-loob sa Panginoong Diyos. Sa Ebanghelyo, inihayag ni Kristo, ang Panginoong Jesus Nazareno, na dapat tayong maging tapat sa ating pagsisisi, pagbabalik-loob, pamamanata, pananalangin, at pagkakawanggawa. Hindi ito dapat maging pakitang-tao. Katunayan, ang Diyos ay hindi naman naghahanap ng mga artista. Bagkus, ang hinahanap ng Diyos ay yaong mga tapat at kusang-loob na pagsisisi at pagbabalik-loob sa Kanya. Ito ang hudyat ng simula ng pagtahak ng bawat isa sa atin sa landas ng kabanalan. 

Bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, dapat nating ipagmalaki ang ating Diyos na tunay ngang mahabagin at mapagmahal. Dahil sa Kanyang pag-ibig, kagandahang-loob, at habag, patuloy Niya tayong binibigyan ng pagkakataong magsisi at magbalik-loob sa Kanya. Sa kabila ng ating pagiging mga makasalanan, nais pa rin Niya tayong iligtas. Ito ang dahilan kung bakit ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Sa pamamagitan Niya, binigyan tayo ng pagkakataon ng Diyos na magpaligtas, magbalik-loob sa Kanya nang taos-puso, at tahakin ang landas ng kabanalan, katulad ng Kanyang hangarin o kalooban para sa atin. Ang katotohanang ito ay dapat nating ipagmalaki. Mga makasalanan tayo. Subalit, mayroon tayong Diyos na tunay ngang mahabagin at mapagmahal. Dahil sa pag-ibig at habag ng Diyos, ipinasiya Niya tayong iligtas sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, ang Kanyang Bugtong na Anak, upang sa pamamagitan Niya'y ang bawat isa sa atin na bumubuo sa Kanyang Simbahan ay magkaroon ng pagkakataong taos-pusong magbalik-loob sa Kanya, magpaligtas, at maging banal.

Sabi sa Salmong Tugunan para sa araw na ito: "Poon, Iyong kaawaan kaming sa 'Yo'y nagsisuway" (Salmo 50, 3a). Bilang mga Kristiyano, buong kababaang-loob tayong humingi ng habag at awa mula sa Panginoong Diyos. Nawa'y maging tapat at taos-puso ang ating pagsisisi't pagtalikod sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Panginoong Diyos upang masimulan natin agad ang ating pagtahak sa landas ng kabanalan, katulad ng mga banal na tao na nauna sa atin at ngayo'y kapiling na Niya sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit kung saan maghahari Siya magpakailanman. 

Wala tayong dahilan upang tayo'y magmataas o magyabang. Subalit, mayroon tayo dapat ipagmalaki. Ang dapat nating ipagmalaki bilang Simbahan ay walang iba kundi ang Diyos na tunay ngang maawain, mahabagin, at mapagmahal. Lagi Niya tayong binibigyan ng pagkakataong maging banal ang bawat isa sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento