Sabado, Pebrero 25, 2023

DINGGIN ANG TUNAY NA MAAASAHAN AT MAPAGKAKATIWALAAN

12 Marso 2023 
Ikatlong Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (A) 
Exodo 17, 3-7/Salmo 94/Roma 5, 1-2. 5-8/Juan 4, 5-42 (o kaya: 4, 5-15. 19b-26. 39a. 40-42) 

This faithful photographic reproduction of the painting Woman at the Well by Carl Heinrich Bloch, as well as the work of art itself from the Chapel at Frederiksborg Palace in Copenhagen, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 70 years or fewer due to its age. Thus, it is therefore considered to be in the Public Domain in the United States. 

Itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin sa pagiging mapagkalinga sa atin ng ating mahabagin, maibigin, maawain, at mabuting Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Linggong ito, ang Ikatlong Linggo ng Kuwaresma o ang 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay. Sa mga Pagbasa para sa nasabing Linggo sa taong ito, ang katangiang ito ng ating Mahal na Poon ay itinatampok at pinagninilayan. Bakit ito ang ginagawa ng Simbahan sa Linggong ito? Layunin ng Simbahan na ipanatag ang ating mga puso at loobin at palakasin ang ating pananalig kay Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, na hindi titigil sa pagkalinga sa atin. Siya ang bahala sa atin. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong binigyan ng Panginoong Diyos ng tubig ang mga Israelita. Ang Diyos ay nagpabukal ng tubig mula sa isang malaking bato sa Horeb. Si Moises ay inutusan ng Panginoong Diyos na hampasin ang nasabing bato upang bumukal ang tubig mula roon. Bagamat pinatunayan na nga ng Panginoon na tunay nga Niyang kinakalinga ang mga Israelita nang sila'y Kanyang palayain mula sa Ehipto, muli Niya itong pinatunayan sa kanila sa pamamagitan ng himalang ito. Ang pagiging mapagkalinga ng Panginoong Diyos ay tinalakay rin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Inihayag ni Apostol San Pablo na ibinuhos sa atin ng Diyos nang kusang-loob ang Kanyang pag-ibig sa pamamagitan mismo ng Espiritu Santo (Roma 5, 5). Sa Ebanghelyo, ipinakilala ng Panginoong Jesus Nazareno ang Kanyang sarili sa babaeng Samaritana sa Balon ni Jacob bilang tubig ng buhay. 

Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Panginoo'y inyong dinggin, huwag n'yo S'yang salungatin" (Salmo 94, 8). Ito ang paanyaya ng Simbahan sa atin sa Linggong ito. Dinggin natin ang Panginoong Diyos. Buksan natin ang ating mga pandinig at pakinggan ang Kanyang tinig. Magpaakit tayo sa Kanyang kahali-halinang tinig na mapagkakatiwalaan. Hindi Siya nambubudol at hindi rin Niya tayo lolokohin kahit kailan. Bagkus, tunay ngang maaasahan at mapagkakatiwalaan ang Diyos. Lagi Niya tayong kakalingain, gagabayan, at sasaklolohan. 

Muli tayong pinaaalalahanan ng Simbahan sa Linggong ito na ang Panginoong Diyos ay tunay ngang maaasahan at mapagkakatiwalaan sa lahat ng oras. Sa pamamagitan nito, itinuturo sa atin ng ating Inang Simbahan kung kaninong tinig nga ba talaga ang dapat pakinggan at dinggin. Iyon nga lamang, tayo pa rin mismo ang magdedesisyon kung kaninong tinig ang ating pakikinggan at diringgin. Kahit ituro pa sa atin ng Simbahan ang tinig na dapat nating pakinggan at dinggin, nasa ating mga kamay ang pasiya kung gagawin natin iyon. Tayo mismo ang magpapasiya. 

Ang tinig ng Poong Jesus Nazareno, ang tunay na maaasahan at mapagkakatiwalaan sa lahat ng oras na Siyang laging kumakalinga sa atin, ay atin bang pakikinggan at diringgin? Kung hindi, kaninong tinig ang ating pakikinggan at diringgin? Isa pa, kung hindi natin pakikinggan at diringgin ang tinig ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, para saan pa nga ba ang ating debosyon sa Kanya? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento