Huwebes, Pebrero 9, 2023

SUNDIN ANG MGA YAPAK AT ANG HALIMBAWA NI JESUS NAZARENO

17 Pebrero 2023 
Biyernes ng Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (Taon I) 
Genesis 11, 1-9/Salmo 32/Marcos 8, 34-9, 1 

Screenshot: 02.05.2023 (5th Sunday in Ordinary Time) 11AM #OnlineMass
(Quiapo Church Facebook Live and YouTube) 

Ang mga Pagbasa sa Misa para sa araw na ito ng Biyernes, ang araw na inilaan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Poong Jesus Nazareno, ay nakatuon sa paksa ng pagtulad sa Kanya. Bilang mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, tinatawag tayong maging banal katulad Niya. Lagi tayong tinatawag ng Poong Jesus Nazareno na sumunod sa Kanyang mga yapak at halimbawa bilang patunay ng pag-ibig, pagsamba, pamamanata, pananampalataya, pananalig, at debosyon sa Kanya. Kung tunay at tapat tayo sa ating pag-ibig, pagsamba, pamamanata, pananalig at debosyon sa Poong Jesus Nazareno, handa tayong gawin ito para sa Kanya. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang pagiging ambisyoso ng mga tao na nagtayo sa tore at lungsod ng Babel na maging kapantay ng Diyos. Ang Panginoon ay nais nilang pantayan at higitan. Walang lugar o puwang ang Panginoong Diyos sa kanilang mga isipan at puso. Balak nilang itanghal ang kanilang mga sarili bilang mga sarili nilang diyos-diyosan. Sa pamamagitan nito, nagpakita sila ng pagmamataas o yabang. Kaya naman, ginulo at nilito ng Panginoong Diyos ang kanilang mga wika upang hindi sila magkaunawaan. Sa pamamagitan nito, ipinaalala ng Panginoon sa kanila na hindi sila ang tunay na Diyos. 

Inilarawan naman ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo kung ano ang dapat gawin ng mga debotong tunay ngang nagmamahal, namamanata, nananalig, at sumasamba sa Kanya. Kailangan nating palaguin ang ating debosyon sa Mahal na Poon. Dapat tayong maging bukas sa Kanyang paghirang sa atin bilang Kanyang mga lingkod. Ang magpapatunay nito ay ang ating pagtupad sa utos at habilin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo na limutin ang sarili, pasanin ang ating mga krus, at sumunod sa Kanya (Marcos 8, 34). Kapag ito ang ipinasiya nating gawin, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay tunay nating iniibig, sinasamba, pinananaligan, sinasampalatayanan, at pinaglilingkuran. Ito ang katangian ng mga tunay na pinili't hinirang ng Diyos, gaya ng inilalarawan sa Salmong Tugunan para sa araw na ito. 

Mapapatunayan nating tunay, taimtim, at tapat ang ating debosyon at pamamanata sa Nuestro Padre Jesus Nazareno kung buong kababaang-loob nating susundin ang Kanyang mga utos at loobin. Sa pamamagitan nito, tinatanggap natin ang Kanyang paanyayang sundin ang Kanyang mga yapak sa landas ng kabanalan na aakay sa atin tungo sa Kanyang walang hanggang kaharian sa langit. Sa pamamagitan rin nito, ang ang ating mga krus sa buhay dito sa mundo ay tinatanggap, niyayakap, at pinapasan natin nang buong kababaang-loob, katulad ng Kanyang ginawa para sa atin noong unang Biyernes Santo. Ito ang magpapatunay nating tinatanggap natin nang kusang-loob ang Kanyang pagtawag at paghirang sa atin. Ito ang kailangan nating tuparin at gawin bilang mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento