Linggo, Pebrero 5, 2023

ANG DIYOS AY HINDI NAGHAHANAP NG MGA ARTISTA

12 Pebrero 2023 
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Sirak 15, 16-21 (gr. 15-20)/Salmo 118/1 Corinto 2, 6-10/Mateo 5, 17-37 (o kaya: 5, 20-22a. 27-28. 33-34a. 37)

This photographic reproduction of the painting Christ Before Caiaphas (16th century) by Luca Cambiaso  (1527–1585) from the Hunterian Museum and Art Gallery Collection is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer because the author died in 1585. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928. 

Ang taos-pusong pagsunod at pagtupad sa mga utos ng Panginoong Diyos ay ang paksang binibigyan ng pansin, tinatalakay, at at pinagninilayan ng mga Pagbasa para sa Linggong ito. Sa pamamagitan nito, muli tayong pinaalalahanan at tinuturuan ng Inang Simbahan kung paanong maging tunay na matapat at masunurin sa Diyos. Sa gayon, lalo lamang lalago ang ating pananalig at pananampalataya sa Kanya. Ito ang dapat nating gawin bilang mga Kristiyano. Ito ang magpapatunay pinapanigan nga ba talaga natin ang Panginoon. Katunayan, ito ang hinihiling sa atin ng Panginoon.

Sa Unang Pagbasa, isinalungguhit ang kahulugan, layunin, at buod ng mga utos ng ating butihing Panginoong Diyos: "Kailanma'y wala Siyang inutusang magpakasama, O pinahintulutang magkasala" (Sirak 15, 21). Ito ang dahilan kung bakit ang Diyos ay nagbigay ng mga utos sa atin. Nais ng Panginoong Diyos na tahakin ng mga tao sa mundong ito ang landas ng kabanalan. Hindi Niya kinalulugdan ang kasamaan at ang kasalanan. Bagkus, kinalulugdan ng Diyos ang kabutihan at ang kabanalan. Ang mga gumagawa ng mabuti at namumuhay nang banal ay tunay ngang kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon. Ito ang nasa puso ng Kanyang mga utos. Maging banal ang lahat ng mga tao. 

Katulad ng Unang Pagbasa, tinalakay rin ang paksa ng tapat at taos-pusong pakikinig at pagtupad sa kalooban ng Panginoong Diyos sa Salmong Tugunan at sa Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito. Sabi sa Salmong Tugunan: "Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos" (Salmo 118, 1b). Ang mga tunay na mapalad ay yaong mga taong kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon. Maaaring maging kalugud-lugod sa Diyos ang bawat tao sa mundong ito kapag tumalima sila sa Kanyang mga utos at loobin. Sa Ikalawang Pagbasa, muling ipinaalala ni Apostol San Pablo ang ginawa ng butihing Diyos alang-alang sa atin. Inihayag ng Panginoon ang Kanyang panukalang inilihim Niya sa atin noong una. Sa pamamagitan ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang panukalang ito ng Diyos ay nahayag. 

Mayroong dagdag na utos ang Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Sabi Niya sa Kanyang pangaral sa Ebanghelyo na dapat maging tapat at taos-puso ang ating pakikinig at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang Diyos ay hindi naghahanap ng mga artista. Hindi natin malilinlang ang Diyos. Batid ng Diyos kung ano nga ba talaga ang nasa puso natin at kung bukal sa ating puso ang ating pagtupad sa Kanyang mga utos. Ang tawag ng Panginoon para sa atin ay maging banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Hindi ito katulad ng pag-auditon para magkaroon ng mga papel na gagampanan sa mga pelikula o mga serye katulad na lamang ng Batang Quiapo. Iba iyan sa hinahanap ng Panginoon. Hindi mga artista kundi mga tapat at taos-pusong tagasunod ang hinahanap ng Mahal na Poong Jesus Nazareno (Mateo 5, 20). 

Walang silbi ang pagsisimba, pagsama sa mga prusisyon, pagdarasal ng Rosaryo at mga Nobena kung hindi naman tayo magiging taos-puso. Halimbawa, namamanata sa Poong Señor. Tutungo sila sa Simbahan ng Quiapo o saanmang Simbahan upang manalangin at magsimba nang buong kataimtiman. Nakapikit pa nga yung ilan habang ginagawa iyon. Subalit, sa oras na lumabas sila ng Simbahan, mayroong ilang wagas ang pagsuporta sa mga kilalang sinungaling, magnanakaw, at mamamatay-tao. Ibang-iba na sila. Tapos, kapag may mga pekeng balita na pabor sa mga kilalang sinungaling, magnanakaw, at mamamatay-tao, hindi nila kukuwestiyunin ang mga ito. Agad nilang paniniwalaan at ipapalaganap ang mga ito. Sila pa nga yaong mga galit kapag sinabihan silang pekeng balita ang mga pinaniniwalaan at ipinapalaganap nila. Magbubulag-bulagan at magbibingi-bingihan sa mga tunay na balita tungkol sa katiwalian at kawalan ng katarungan sa lipunan. Hindi iyan maikukubli o maililihim sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Batid iyan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno at hindi iyan ang Kanyang hinahanap mula sa atin. 

Nais ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na maging tapat at taos-puso tayo sa ating pagsunod sa Kanyang mga utos. Kung tunay tayong mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, tutuparin at susundin natin ang Kanyang mga utos nang tapat at taos-puso. Hindi natin ito gagawin dahil napipilitan lamang tayo gawin iyon. Bagkus, gagawin natin ito sapagkat tunay nating minamahal, sinasamba, pinananaligan, at sinasampalatayanan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Gagawin natin ito bilang paghahayag ng ating pag-ibig, debosyon, at pananalig sa Mahal na Poon, at hindi bilang audition para sa mga artista. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento