3 Marso 2023
Biyernes sa Unang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay
Ezekiel 18, 21-28/Salmo 129/Mateo 5, 20-26
Screenshot: Enero 6 (2023) | Dalaw Nazareno at Banal na Oras
(FB Live of The National Shrine and Parish of the Divine Mercy, Sta. Rosa I, Marilao, Bulacan)
(FB Live of The National Shrine and Parish of the Divine Mercy, Sta. Rosa I, Marilao, Bulacan)
Isinasalamin ng mga salita sa Salmong Tugunan para sa araw na ito ang temang nais pagtuunan ng pansin at talakayin ng Simbahan. Ang mga salita sa Salmong Tugunan ay isang dalangin ng isang taos-pusong nagsisisi at nagbabalik-loob sa Diyos. Buong kababaang-loob at taos-pusong humihingi ng habag, kapatawaran, at awa mula sa Diyos ang mang-aawit na itinatampok sa Salmo. Katunayan, inilaan ng mang-aawit na ito ang kabuuan ng Salmo 50 (51) sa paghingi ng habag at awa mula sa Diyos.
Ang temang nais pagtuunan ng pansin at pagnilayan ng Simbahan sa araw na ito ay walang iba kundi ang misteryo ng habag at awa ng Diyos. Sa pamamagitan nito, muli tayong pinaaalalahanan ng Simbahan tungkol sa pagiging mapagmahal, maawain, at mahabagin ng Diyos. Katunayan, napapanahon ang ginagawa ng Simbahan sa araw na ito dahil ang araw na ito ay isang araw ng Biyernes na inilaan para sa taimtim na debosyon at pamimintuho sa Nuestro Padre Jesus Nazareno at ang araw na ito ng Biyernes ay napapaloob sa 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay na kilala rin sa tawag na Kuwaresma, ang panahong inilaan para sa taimtim na pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Para sa maraming mga Pilipinong Katoliko, pati na rin ang inyong abang lingkod, ang sagradong imahen ng ating Nuestro Padre Jesus Nazareno ay isang napakagandang sagisag o paalala ng dakilang habag, pag-ibig, at awa ng Diyos.
Sa Unang Pagbasa, inihayag ang tunay na dahilan kung bakit ipinasiya ni Kristo, ang ating minamahal na Nuestro Padre Jesus Nazareno, ay dumating sa mundong ito sa panahong itinakda bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas ng sangkatauhan. Bagamat hindi ito halata sa unang tingin, basa, o dinig, inilalarawan sa pahayag na ito kung gaano kalalim ang hangarin at kalooban ng Diyos na magsisi sa kasalanan at magbalik-loob sa Kanya ang mga makasalanan. Nais Niya silang pagkalooban ng pagkakataong mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin habang namumuhay at naglalakbay pa sila dito sa mundong ito. Hindi ba ito ang dahilan kung bakit pumarito sa mundong ito si Kristong Panginoon at Tagapagligtas, ang kusang-loob na nag-alay ng Kanyang buhay sa mismong Krus na Kanyang pinasan mula sa pretoryo patungong Kalbaryo upang tayo'y iligtas, gaya ng inilalarawan ng banal na imahen ng Poong Nazareno?
Kaya naman, ang pangaral ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa araw na ito ng Biyernes ay tungkol sa pakikipagkasundo sa kapwa. Tinuturuan ng Panginoong Jesus Nazareno ang bawat isa sa atin kung paano nating matutupad at maisasabuhay ang mga salitang binigkas ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Ezekiel na Kanyang hinirang na Propeta sa Unang Pagbasa. Makipag-ayos sa kapwa upang makapagsimula muli. Bigyan natin ng pagkakataon ang ating mga sarili at ang ating kapwa na magkaroon ng isang bagong simula. Ito ang hangarin ng Panginoong Jesus Nazareno para sa atin. Sa pamamagitan nito, tinatanggap at sinusundan nang taos-puso at may kababaang-loob ang kalooban ng Panginoong Diyos para sa atin na maging mga salamin ng Kanyang habag, pag-ibig, at awa.
Dahil sa habag, pag-ibig, at awa ng Diyos, ang ating Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas upang sa pamamagitan ng Kanyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay ay magkaroon tayo ng pagkakataong maging banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Ito ang nais o kalooban ng Diyos para sa atin. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti sa kapwa at pagsusumikap na umiwas sa kasalanan. Ang tanong: tutuparin ba natin ang hangaring ito ng Panginoon nang may kababaang-loob at taos-puso?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento