17 Marso 2023
Biyernes sa Ikatlong Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay
Oseas 14, 2-10/Salmo 80/Marcos 12, 28b-34
Screenshot: 02 FEB. 2020 | 5AM #HolyMass (Quiapo Church Facebook Live)
Sa Unang Pagbasa, inilahad ni Propeta Oseas ang panawagan ng Panginoong Diyos para sa Kanyang bayan. Sa mismong pahayag ring ito, inihayag ng Panginong Diyos na lagi Siyang handang ipagkaloob ang Kanyang kapatawaran, habag, at awa kapag kusang-loob at taos-pusong nagpakumbaba, nagsisi sa kasalanan, at nagbalik-loob ang Kanyang bayan sa Kanya. Sa kabila ng mga kasalanang kanilang ginawa laban sa Diyos at kapwa, gaano mang kalala, kalubha, o karami ang mga ito, ipagkakaloob pa rin ng Panginoong Diyos ang Kanyang habag at awa sa mga taos-pusong nagbabalik-loob sa Kanya nang may kababaang-loob.
Ang mga salita sa Salmong Tugunan para sa araw na ito ay isang napakagandang buod ng paanyaya ng Panginoon para sa atin. Hindi lamang ito para sa mga tao noong panahon ng Lumang Tipan. Bagkus, ito ay para sa lahat ng tao, anuman ang panahong kinabibilangan. Umaalingawngaw pa rin sa kasalukuyan ang mga salitang ito ng Panginoon sa Salmong Tugunan. Lumipas man ang napakahabang panahon mula noong isinulat ang mga salitang ito sa Salmo, hindi nawawalan ng kabuluhan o saysay ang mga salitang ito. Nananatili pa rin ang saysay nito sa kasalukuyan. Ang Diyos ay patuloy na nananawagan sa atin na taos-pusong pagsisihan ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya nang may kababaang-loob.
Inihayag naman ni Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ang pinakamahalagang utos. Ang pinakamahalagang utos ay walang iba kundi buong puso at kaluluwang mahalin ang Diyos at mahalin rin ang kapwa katulad ng pagmamahal sa sarili. Sa pamamagitan nito, itinuturo sa atin ng Panginoong Jesus Nazareno kung paano magiging tunay at tapat ang pag-ibig natin para sa Diyos. Mahalin natin ang Diyos nang higit sa lahat at mahalin rin natin ang kapwa. Sa pamamagitan ng utos na ito na kaloob ng Diyos sa atin, tayong lahat ay binibigyan Niya ng pagkakataong mahalin Siya nang may taos-pusong katapatan. Ginagawa Niya ito dahil tunay Niya tayong iniibig.
Hindi naman kinailangan ng Diyos na pagkalooban tayo ng pagkakataong ibigin Siya dahil batid naman Niyang mga makasalanan tayo. Subalit, ipinasiya pa rin Niya itong gawin dahil sa Kanyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa atin. Ang patunay niyan ay walang iba kundi si Kristo, ang ating Nuestro Padre Jesus Nazareno, na nagpakasakit at namatay sa Banal na Krus na Kanyang pinasan mula sa pretoryo tungo sa Kalbaryo alang-alang sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento