7 Enero 2023
Ika-7 ng Enero sa Panahon ng Pasko ng Pagsilang
Ikawalong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno
1 Juan 5, 14-21/Salmo 149/Juan 2, 1-11
This faithful reproduction of the painting The Wedding at Cana by Denys Calvaert (circa 1540-1619) and the work of art itself is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years because the author died in 1619 and because of its age. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1927.
Sa araw na ito, itinatampok ng Simbahan ang isang napakahalagang katangian ng tunay na pagkakilanlan ng nagkatawang-taong Salita ng Diyos na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa isang sabsaban noong gabi ng unang Pasko. Taglay ng Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen noong gabi ng unang Pasko, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang tunay na kapangyarihan sa lahat ng mga nilalang. Tanging Siya lamang ang tunay na may kapangyarihan. Ang kapangyarihang taglay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ay hindi mapapantayan o mahihigitan ninuman sapagkat Siya mismo ay ang Diyos na dumating sa mundong ito upang tayo ay iligtas sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Ito ang dahilan kung bakit Siya isinilang sa sabsaban noong gabi ng unang Pasko.
Isinalaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang unang himalang ginawa ni Kristo sa isang kasalan sa Cana. Matapos iparating sa kanyang Anak na si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, na malaki ang posibilidad na mapahiya ang bagong kasal sapagkat mauubusan na sila ng alak sa nasabing kasalan, ang mga naglilingkod sa nasabing kasalan ay sinabihan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen na sundin ang anumang utos sa kanila ng kanyang Anak na si Jesus Nazareno (Juan 2, 5). Ang mga salitang ito na binigkas ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa tampok na salaysay sa Banal na Ebanghelyo para sa araw na ito ay patuloy pa ring umaalingawgaw sa kasalukuyang panahon. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, itinuro ng Mahal na Inang si Mariang Birhen kung sino ang dapat sundin ng lahat - ang tunay na may kapangyarihan na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Katulad ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa Ebanghelyo para sa araw na ito sa loob ng panahon ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, itinuro at ipinaalala sa atin ni Apostol San Juan sa kanyang pangaral sa Unang Pagbasa para sa araw na ito kung sino nga ba talaga ang nagtataglay ng tunay na kapangyarihan sa lahat. Ang tunay na makapangyarihan sa lahat ay walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Gaya ng sabi ni Apostol San Juan, ang mga tunay na anak ng Diyos ay hindi aanhin ng demonyo sapagkat ang mga tunay na anak ng Diyos ay nasa ilalim ng Panginoong Jesus Nazareno (1 Juan 5, 18). Oo, makapangyarihan ang demonyo, subalit hinding-hindi niya mapapantayan o mahihigitan ang kapangyarihan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno kailanman. Iyan ang ating minamahal na Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito kung ano ang dapat nating gawin bilang mga tunay na deboto ng minamahal na Nuestro Padre Jesus Nazareno. Dapat maging masunurin tayo sa Kanya. Tanggapin at sundin natin ang Kanyang mga utos at loobin nang buong kababaang-loob. Magpasakop tayo sa Kanya. Sa pamamagitan nito, pinapahintulutan nating maghari ang Kanyang kalooban at nagpapahayag ng taos-puso nating pagpanig sa Kanya, ang tunay na makapangyarihan sa lahat. Tayo rin ay nagpapasailalim sa Kanyang kapangyarihan sa pamamagitan nito. Iyan ang kalooban ng ating minamahal na Nuestro Padre Jesus Nazareno para sa atin.
Ang panawagan sa atin sa araw na ito ay magpasailalim sa kapangyarihan ng tunay na makapangyarihan sa lahat, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kung tunay nga tayong mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, buong kababaang-loob at pananalig tayong magpapasakop sa Kanya at pahihintulutan nating mangyari ang Kanyang kalooban. Iyan ang magpapatunay na tunay nga tayong matapat sa ating debosyon, pananalig, pananampalataya, pamamanata, at pagsamba sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento