8 Enero 2023
Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon
Ikasiyam at Huling Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno
Isaias 60, 1-6/Salmo 71/Efeso 3, 2-3a. 5-6/Mateo 2, 1-12
This reproduction of the painting The Adoration of the Magi by Luca Giordano, called Fa Presto, as well as the work of art itself from Sotheby's, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Kasabay ng pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon, ang araw ring ito ay ang ikasiyam at huling araw ng Pagsisiyam sa karangalan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang paghahanda para sa Kapistahan ng Traslacion. Sa tuwing ipinagdiriwang ang nasabing Kapistahan, ginugunita natin ang maringal na paglipat ng banal na imahen ng Poong Señor Jesus Nazareno mula sa Bagumbayan (Luneta) patungo sa Simbahan ng Quiapo. Sa mga araw bago sumapit ang araw ng maringal na pagdiriwang ng Kapistahan ng Traslacion ng Poong Jesus Nazareno, na napapaloob sa Panahon ng Pasko ng Pagsilang, binibigyan ng pansin at taimtim na pinagninilayan ng Simbahan ang tunay na pagkakilanlan ni Kristo bilang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao at isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen noong gabi ng unang Pasko. Sa araw na ito, ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon na siya ring Bisperas ng pagdiriwang ng Kapistahan ng Traslacion ng ating minamahal na Nuestro Padre Jesus Nazareno, isinasalungguhit ang Kanyang misyon bilang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Ang biyaya ng Kanyang pagliligtas ay para sa lahat ng tao sa mundong ito.
Isinasalungguhit sa mga Pagbasa para sa Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang nang buong ringal ng Simbahan sa Linggong ito ang katotohanan ng misyon ng Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Hindi Siya pumarito sa mundong ito para lamang sa isang angkan, lahi, o lipi. Bagkus, ang kaloob Niyang kaligtasan ay para sa lahat ng mga tao sa mundong ito. Ang biyayang ito na kaloob ng Panginoong Jesus Nazareno ay hindi ekslusibo kundi ito ay para sa lahat ng tao sa daigdig. Katunayan, ito ang ipinapaalala sa atin ng banal na imahen ng ating Nuestro Padre Jesus Nazareno. Inilalarawan si Kristo ng imaheng ito bilang itim, kayumanggi, o moreno katulad nating mga karaniwang Pilipino. Naiiba ang imaheng ito sa ibang larawan o imahen ng Panginoon na kung saang kulay puti ang Kanyang balat.
Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Propeta Isaias na ipapamalas ng Diyos sa lahat ng mga bansa sa daigdig ang Kanyang liwanag. Magniningning ang Kanyang liwanag sa bayang Israel at masasaksihan ng lahat ng mga bansa sa mundong ito ang kahanga-hangang gawang ito ng Panginoong Diyos. Sa pamamagitan nito, inihayag ni Propeta Isaias na hindi ikinukubli ng Panginoon sa lahat ang Kanyang mga pagpapala. Hindi ekslusibo ang Panginoon. Ang Panginoon ay hindi namimili ng mga taong aalukin na tanggapin ang Kanyang biyaya. Bagkus, inaanyayahan Niya ang lahat na tanggapin at pakinabangan ang mga biyayang Kanyang kaloob. Para sa lahat.
Ang pagiging unibersal o pangkalahatan ng Panginoon ay isinalungguhit rin sa Salmo, sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, at maging sa salaysay ng pagdalaw at pagsamba ng mga Pantas mula sa Silangan sa Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno sa Banal na Ebanghelyo. Isinalungguhit nang buong diin ang pagiging unibersal o pangkalahatan ng Panginoong Diyos sa Salmong Tugunan. Iyan rin ang tema ng pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa mga biyaya ng Diyos. Sabi nga ni Apostol San Pablo na pati ang mga Hentil ay may bahagi rin sa lahat ng mga biyaya ng Diyos (Efeso 3, 6). Sa Ebanghelyo, ang mga Pantas o Mago mula sa Silangan ay binigyan ng pagkakataon ng Diyos na dalawin at sambahin ang Banal na Sanggol na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno, ang tunay at dakilang Haring walang hanggan. Sa kabila ng kanilang pagiging dayuhan, niloob pa rin ng Diyos na makadalaw at makasamba sila kay Kristo. Ito ang dahilan kung bakit ginabayan ng tala sa langit ang mga Pantas na ito patungo kay Jesus Nazareno.
Tingnan natin nang mabuti ang imahen ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Naiiba ang kulay ng sagradong imahen ng ating minamahal na Nuestro Padre Jesus Nazareno dahil si Kristo ay inilarawang may maitim, moreno, o kayumangging balat. Kakulay rin natin ang Panginoon, gaya ng inilalarawan sa nasabing sagradong imahen. Isa itong patunay na hindi ekslusibo sa isang angkan, lahi, o lipi lamang ang biyaya ng Diyos. Bagkus, ang biyaya ng Diyos ay para sa lahat. Ito ang aral at mensaheng ipinapaalala sa atin ng imahen ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Mapalad tayo sapagkat mayroon tayong Diyos na patuloy na nagbibigay sa atin ng pagkakataong tanggapin at makinabang sa Kanyang mga biyaya. Ang patunay nito ay walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dumating Siya sa mundong ito upang iligtas ang lahat ng tao sa mundong ito. Hindi Siya ekslusibo. Bagkus, ang ating minamahal na Nuestro Padre Jesus Nazareno ay para sa lahat. Ito ang aral na laging ipinapaalala sa atin ng imahen ng Poong Señor na ating ginagalang. Hindi natin sinasamba ang imahen ng Nazareno. Bagkus, ang imaheng ito ay ating ginagalang dahil ito ay sagisag ng pagiging pangkalahatan ng Diyos na tunay na mapagmahal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento