25 Enero 2023
Kapistahan ng Pagbabagong-Buhay ni Apostol San Pablo
Mga Gawa 22, 3-16 (o kaya: 9, 1-22)/Salmo 116/Marcos 16, 15-18
This reproduction of the painting Conversion of Saint Paul (fourth quarter of the 17th century) of the Workshop of Michael Willmann (1603-1706) from the Kozłówka Palace Collection is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age.
Tanging ang Diyos lamang ang may kapangyarihang baguhin ang isang tao. Ang lahat ng mga banal sa langit na kinabibilangan ni Apostol San Pablo ay patunay nito. Kung hindi dahil sa Panginoong Diyos, hindi sila makakapagbagong-buhay at makakatahak sa landas ng kabanalan. Nagbagong-buhay at naging banal lamang ang lahat ng mga kabilang sa kasamahan ng mga banal sa langit dahil sa biyaya ng Diyos. Hindi nila ito ginawa gamit ang sarili nilang kapangyarihan. Bagkus, tinulungan sila ng Diyos.
Isinalungguhit sa salaysay ng pagbabagong-buhay ni Apostol San Pablo sa dalawang bersyon ng Unang Pagbasa para sa Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito ang kapangyarihan ng biyaya ng Diyos. Katunayan, sa isang bersyon ng Unang Pagbasa, si Apostol San Pablo mismo ang nagpatotoo tungkol sa pagpapala ng Panginoon na naging dahilan ng kanyang pagbabagong-buhay. Dahil sa pagpapala ng Panginoong Diyos, mula sa pagiging tagausig ng mga sinaunang Kristiyano, si Apostol San Pablo ay naging isang apostol at misyonero sa mga Hentil. Ang habilin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay kanyang tinupad bilang apostol at misyonero.
Subalit, bagamat ang Diyos lamang ang tanging makapagpabago sa atin, nasa atin pa rin ang pasiya kung tatanggapin natin ang biyayang ito. Habang nabubuhay pa tayo dito sa mundong ito, patuloy tayong binibigyan ng pagkakataon ng Panginoong Diyos na magbagong-buhay at maging banal. Hindi Siya tumitigil sa pag-anyaya sa atin na baguhin ang ating buhay at tahakin ang landas ng kabanalan. Kahit kailan, ang Diyos ay hindi Siya nagsasawa. Subalit, nasa atin pa rin ang pasiya kung ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Panginoon ay tatanggapin natin. Tayo mismo ang magpapasiya kung pahihintulutan natin ang Panginoong Diyos na baguhin ang ating buhay.
Ang tunay na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay bukas sa pagbabagong kaloob Niya sa lahat. Pahihintulutan niyang kumilos sa kanyang buhay ang Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang tunay at walang hanggang Hari at Diyos. Buong tuwa niyang tatanggapin ang biyaya ng pagbabagong kaloob ng Mahal na Poon nang sa gayo'y makasunod siya sa mga yapak ng Mahal na Poon patungo sa Kanyang walang hanggang kaharian sa langit. Sa pamamagitan nito, nahahayag ang kanyang tunay at tapat na debosyon, pananalig, pananampalataya, pagpupuri, at pagsamba sa Poong Jesus Nazareno.
Patuloy tayong binibigyan ng pagkakataon ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na magbagong-buhay at maging banal. Ano ang ating pasiya?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento