1 Pebrero 2023
Ika-35 Anibersaryo ng Pagpasinaya at Pagtatalaga sa Simbahan ng Quiapo (Parokya ni San Juan Bautista) bilang Basilika Menor ng Itim na Nazareno
Ezekiel 34, 11-16/Salmo 123/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13/Mateo 18, 15-20
[Ang mga Pagbasang ito ay mula sa pangkat ng mga Pagbasang maaaring pagpilian na matatagpuan sa Mga Pagdiriwang ng Misa para sa Iba't Ibang Pangangailangan: Para sa Simbahan]
[Ang mga Pagbasang ito ay mula sa pangkat ng mga Pagbasang maaaring pagpilian na matatagpuan sa Mga Pagdiriwang ng Misa para sa Iba't Ibang Pangangailangan: Para sa Simbahan]
Ang araw na ito ay napakaespesyal para sa pamayanan ng Simbahan ng Quiapo, ang tahanan ng Poong Jesus Nazareno, sapagkat sa araw na ito noong 1988, pormal na idineklara at itinalaga ang Simbahan ng Quiapo bilang isang Basilika Menor. Bagamat noon pa mang 11 Disyembre 1987 iginawad ng Santo Papa noon na si Papa San Juan Pablo II ang titulong Basilika Menor ng Itim na Nazareno sa Simbahan ng Quiapo, sa mismong araw na ito noong taong 1988, pormal na pinasinayaan ang pagiging isang ganap na Basilika Menor ng nasabing Simbahan sa pamamagitan ng pagtatalaga nito bilang isang ganap na Basilika Menor. Sa pamamagitan ng titulong ito, kinikilala ng Simbahan ang taimtim na debosyon sa Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Isang biyaya para sa lahat ng mga bumubuo sa Simbahan ng Quiapo at maging ang mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno saan man sila nagmula ang paggawad sa Simbahang ito ng titulong Basilika Menor. Subalit, ang karangalan at titulong ito ay hindi dapat maging sanhi ng payabangan o pagmamataas. Bagkus, ang karangalan at titulong ito ay dapat na ituring na isang biyaya mula sa Poong Jesus Nazareno. Kaya, dapat lalo pa natin Siyang ipakilala sa lahat at ipalaganap ang debosyon kay Kristo na nagpasan ng Krus alang-alang sa atin. Ang taimtim na debosyon at pamamanata kay Kristo na nagpasan ng Krus alang-alang sa atin ay dapat pumakaw sa bawat isa sa atin na maging mga salamin at tagapagpalaganap ng Kanyang habag, kagandahang-loob, at pag-ibig para sa atin.
Sa mga Pagbasa para sa espesyal na pagdiriwang sa araw na ito, itinutuon ang ating pansin sa pagiging mahabagin ng Panginoong Diyos. Katunayan, ito ang sinasagisag ng imahen ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dahil sa Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob, ipinasiya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na harapin at tiisin ang Kanyang pagpapakasakit na sinasagisag ng Banal na Krus na Kanyang pinasan upang tayo ay iligtas. Ganyan ang ating Diyos. Tunay Siyang mahabagin.
Nagpakilala ang ating Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa bilang isang mahabaging pastol. Sa pamamagitan nito, inihayag ng Panginoong Diyos na tunay ang Kanyang habag para sa lahat. Dahil tunay nga Siyang mahabagin at nagmamagandang-loob, ipinasiya ng Panginoong Diyos na hanapin ang mga nawawalang tupa. Gaano mang kalala o kabigat ang kasalanang nagawa ng bawat tao, hahanapin pa rin sila ng Diyos at ibabalik sa Kanyang kawan. Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag at itinuro ni Apostol San Pablo na tayong lahat ang bumubuo sa Katawan ni Kristo dito sa lupa. Kahit na hindi tayo karapat-dapat dahil sa dami ng ating mga sala laban sa Diyos na hindi na mabilang, niloob pa rin Niyang maging bahagi tayo ng tunay na Simbahang itinayo ni Jesus Nazareno. Niloob pa rin ng Panginoong Jesus Nazareno na maging mga bahagi tayo ng Kanyang Katawan dito sa lupa. Inihayag ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo na nasa piling Siya ng mga taong nagkakatipon sa Banal Niyang Ngalan upang magpuri, magpasalamat, at sumamba sa Kanya. Sa tuwing nagaganap ito, ang dakilang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob ng Panginong Jesus Nazareno ay lalo lamang Niya ipinapakita sa lahat ng mga debotong nagkakatipon sa Kanyang Ngalan. Ganyan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Tunay nga Siyang mahabagin.
Tuwing papasok tayo sa mga Simbahan katulad na lamang ng Simbahan ng Quiapo, ang Basilika Menor ng Nazareno, nakikipagtagpo tayo sa Mahal na Poon. Ibinubuhos Niya sa atin ang Kanyang biyaya, habag, pag-ibig, at kagandahang-loob. Subalit, hindi ito dapat manatili lamang sa loob ng Basilika ng Nazareno o kaya sa mga paligid sa distrito ng Quiapo lamang. Bagkus, ang pagpapala, pag-ibig, habag, at kagandahang-loob na ibinuhos sa atin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dapat nating ibahagi saan man tayo magtungo.
Bilang mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, mayroon tayong misyon na dapat gampanan. Ang misyong ito ay ibinibigay sa atin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dapat tayong maging mga salamin at tagapagpalaganap ng Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob. Sa pamamagitan nito, pinatutunayan nating tapat tayo sa ating debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento