Huwebes, Enero 19, 2023

ANG POONG TUMATAWAG AY SIYA RING DAKILANG LINGKOD

20 Enero 2023 
Biyernes ng Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (Taon I) 
Hebreo 8, 6-13/Salmo 84/Marcos 3, 13-19 

Screenshot: 12.30.2022 (FRIDAY) 6AM #OnlineMass #QuiapoDay
(Quiapo Church Facebook and YouTube Live Streaming) 

Tinalakay sa mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes, ang araw na inilaan para sa taimtim na pagdedebosyon at pamimintuho sa Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang pamumuhay bilang mga lingkod katulad Niya. Bilang mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang bawat isa sa atin ay tinatawag na maglingkod sa Kanya bilang Kanyang mga tagasunod at saksi. Ang ating misyon bilang mga deboto ng Mahal na Poong Nazareno ay maging mga salamin at tagapagpalaganap ng Kanyang kagandahang-loob, pag-ibig, at habag.

Nakasentro sa larawan ng Panginoong Jesus Nazareno bilang lingkod ang pangaral sa Unang Pagbasa para sa araw na ito. Ang Panginoong Jesus Nazareno ay dumating bilang isang lingkod. Dumating Siya sa mundong ito upang paglingkuran ang Ama sa pamamagitan ng Kanyang misyon bilang Tagapamagitan ng Bagong Tipan (Hebreo 8, 6). Ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay inatasan ng Ama bilang Tagapamagitan ng Bagong Tipan. Dahil sa habag at kagandahang-loob ng Diyos, gumawa Siya ng Bagong Tipan. Ang dakilang tanda nito ay ang Krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo, ang Poong Jesus Nazareno.

Sa Ebanghelyo, hinirang ng Poong Jesus Nazareno ang labindalawang apostol. Ang paghirang sa labindalawang apostol ay isang pasulyap sa tungkulin ng Poong Jesus Nazareno bilang Dakilang Saserdote. Ang Dakilang Paring si Jesus Nazareno na Siya ring Tagapamagitan ng Bagong Tipan ay naghandog ng Kanyang sarili alang-alang sa atin dahil sa Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob. Gaya ng sabi ng Poong Jesus Nazareno, dumating Siya sa mundo hindi upang paglingkuran kundi upang Siya mismo ang maglingkod at maghain ng buhay para sa marami (Mateo 20, 28; Marcos 10, 45). Sa pamamagitan ng pagtupad sa Kanyang misyon bilang Tagapamagitan ng Bagong Tipan at Dakilang Saserdote, pinaglingkuran ni Jesus Nazareno ang Ama sa langit at ang sangkatauhang tunay Niyang inibig at kinahabagan. Ito ang natatanging dahilan kung bakit Niya ipinasiyang pasanin ang Krus, gaya ng inilalarawan sa atin ng imahen ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Ang mga tunay na deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ay tatanggap at tutupad sa misyong ibinibigay Niya sa kanila bilang Kanyang mga lingkod. Bubuksan nila ang kanilang mga sarili sa paanyaya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na maging mga lingkod katulad Niya. Sa pamamagitan ng kanilang paglilingkod bilang mga salamin ng pag-ibig, kagandahang-loob, at habag ng Poong Jesus Nazareno, lalo pa nilang ipinagbubunyi at dinadakila ang Kanyang Kabanal-Banalang Pangalan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento