Lunes, Hulyo 29, 2019

TINALIKURAN ANG LAHAT PARA SA DIYOS

31 Hulyo 2019 
Paggunita kay San Ignacio ng Loyola, pari 
Exodo 34, 29-35/Salmo 98/Mateo 13, 44-46 


Sa Unang Pagbasa, itinampok ang papel na ginampanan ni Moises matapos niyang tanggapin ang dalawang panibagong tapyas na bato kung saan muling isinulat ng Diyos ang Kanyang Sampung Utos. Siya ang kumausap sa Panginoong Diyos alang-alang sa mga Israelita. Sasabihin ng Panginoong Diyos kay Moises ang lahat ng mga nais Niyang iparating sa mga Israelita. Ang mga ipinasabi ng Panginoong Diyos kay Moises ay kanya namang inihayag sa mga Israelita. 

Ang Diyos na nagsalita kay Moises sa Lumang Tipan ay bumaba sa langit at naging tao pagdating ng takdang panahon sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ni Hesukristo, ang Diyos ay namuhay sa piling ng Kanyang bayan. Siya mismo ang nagsalita sa Kanyang bayan. Sa Lumang Tipan, hinirang Niya ang mga propeta upang maging Kanyang mga tagapagsalita sa Kanyang bayan. Sila ang iniatasang magsalita sa Kanyang Ngalan. Subalit, sa Bagong Tipan, mismong ang Diyos ang nagsalita sa Kanyang bayan. Siya mismo ang naglahad sa lahat ng mga bumubuo ng Kanyang bayan ang Kanyang mga aral at salita. 

Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo ang isa sa mga pagkakataon kung saan si Hesus ay nangaral sa mga tao. Dalawang talinghaga ang isinalaysay ni Hesus sa Kanyang pangaral sa Ebanghelyo. Subalit, iisa lamang ang larawang ginamit ng Panginoong Hesus sa dalawang talinghaga na Kanyang isinalaysay sa mga tao - ang larawan ng kayamanan. Sa pamamagitan ng dalawang talinghagang ito, inihayag ng Panginoon na sa Kanya lamang matatagpuan ang tunay na kayamanan. Ang kayamanang mula sa Diyos ay hindi matutumbasan o mahihigitan ng anumang kayamanan dito sa lupa. Iyan ang aral mula sa dalawang talinghagang ito ni Kristo. Ang tunay na yaman ay masusumpungan lamang sa piling ng Diyos lamang. Ang kayamanang bigay ng Diyos sa langit ay ang tunay na kayamanan. 

Si San Ignacio de Loyola ay pinukaw ng Salita ng Diyos na baguhin ang kanyang buhay. Matapos mapinsala sa isang digmaan, nagbasa siya ng mga libro tungkol kay Kristo at sa iba pang mga santo at santa. Habang binabasa niya mga librong iyon, ang Diyos ay kumilos. Tinulungan siya ng Diyos na magbagong-buhay. At mula sa pagiging isang ambisyosong kawal na naghangad ng mga yaman at kapangyarihan dito sa daigdig, siya'y naging kawal ng Panginoon. Tinalikuran niya ang kanyang mga pangarap bilang isang kawal at inialay ang kanyang sarili sa Diyos. Nang piliin niyang tahakin ang landas ng kabanalan at ialay ang kanyang sarili sa Diyos, ang tunay na yaman ay kanyang nasumpungan.

Nahanap ni San Ignacio de Loyola ang tunay na yaman sa Diyos. Tinalikuran niya ang lahat ng bagay dito sa daigdig para sa Diyos. Inihandog niya ang buo niyang sarili sa Diyos. Katulad ni San Ignacio de Loyola, talikuran natin ang lahat ng bagay dito sa daigdig. Tutulan natin ang mga pang-aakit ng daigdig. Talikuran natin ang mga bagay na makamundo. Italaga natin ang ating mga sarili sa Diyos. Mamuhay tayo para sa Kanya. Doon lamang nating matatamasa ang tunay na kayamanan na nagmumula sa Kanya. Ang kayamanang kaloob ng Diyos ang tunay na kayamanan. Hindi ito matutumbasan ng anumang yaman dito sa daigdig. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento