Miyerkules, Hulyo 31, 2019

PAGHAHAYAG NG HIWAGA

6 Agosto 2019 
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (K) 
Daniel 7, 9-10. 11-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Lucas 9, 28b-36 


Sa Unang Pagbasa, inilahad ni propeta Daniel ang kanyang mga nakita sa isang pangitain. Tampok sa kanyang pangitain ang isang mahiwagang hari. Ang haring ito sa pangitain ni propeta Daniel ay hindi katulad ng mga hari sa daigdig. Ang mga hari sa daigdig ay namumuno nang pansamantala lamang. Kung ang mga hari sa daigdig ay bumababa mula sa kanilang mga trono at napapalitan, ang misteryosong haring tampok sa pangitain ni propeta Daniel ay nananatili. Ang kanyang pagkahari ay walang katapusan. Mananatiling hari magpakailanman ang mahiwagang hari sa pangitain ni propeta Daniel. Walang makakapalit sa kanya. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesus sa Bundok ng Tabor. Sa pamamagitan ng Pagbabagong-Anyo ni Hesus, nahayag ang hiwaga ng Kanyang identidad. Sino nga ba talaga ang Nazarenong ito? Bakit Siya naiiba sa iba pang mga kilalang personalidad? Ano nga ba ang meron sa Kanya? Anong espesyal sa Kanya? Bakit parang hindi Siya isang simpleng guro? Ang mga tanong na ito ay binigyan ng kasagutan ni Hesus sa Kanyang Pagbabagong-Anyo. Siya ang haring walang hanggan. Siya ang ipinangakong Mesiyas. Siya ang haring puspos ng pag-ibig para sa lahat. Dahil sa Kanyang pag-ibig, Siya'y dumating sa sanlibutan upang tubusin ang sangkatauhan. Iyan si Kristo Hesus. 

Tampok sa Ikalawang Pagbasa ang patotoo ni Apostol San Pedro ukol sa kanyang mga nasaksihan sa bundok noong nagbagong-anyo ang Panginoong Hesukristo. Isa siya sa tatlong apostol na nakasaksi sa pangyayaring ito. Nasaksihan nilang tatlo ang pagningning ni Kristo Hesus. Nasaksihan rin nila kung paanong nagpakita sina Moises at Elias at kung paano nilang kinausap si Kristo tungkol sa Kanyang misyon bilang Tagapagligtas. Nasaksihan rin nila kung paanong ang Ama ay nagsalita mula sa langit upang ipakilala kung sino si Kristo. Nasaksihan nila ang paghahayag ng hiwaga tungkol kay Hesus. 

Ang Pagbabagong-Anyo ni Hesus ay isang napakahalagang pangyayari sa Kanyang buhay sa lupa. Sa kabanatang ito ng Kanyang buhay sa lupa, nahayag ang hiwaga tungkol sa Kanyang sarili. Siya ang Diyos na nagkatawang-tao upang iligtas ang tao dahil sa Kanyang walang hanggang pag-ibig at kagandahang-loob. Siya ang tunay na hari. At ang Kanyang pagkahari ay walang hanggan. 

Sa Bundok ng Tabor, nahayag ang hiwaga tungkol sa Panginoong Hesus. Nahayag ang kadakilaan ng Kanyang pagkahari. Siya ang haring walang hanggan. Siya ang hari ng lahat ng tao. At bilang hari ng lahat ng tao, Siya ay may tunay na pag-ibig at kagandahang-loob para sa lahat. Patuloy Niyang ibinubuhos ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob sa lahat ng tao sa iba't ibang panig ng daigdig na umiibig at sumasamba sa Kanya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento