1 Nobyembre 2021
Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal
Pahayag 7, 2-4. 9-14/Salmo 23/1 Juan 3, 1-3/Mateo 5, 1-12a
Mayroong tatlong estadong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo - ang Simbahang Nagtagumpay, ang Simbahang Naglalakbay, at ang Simbahang Nagdurusa. Tuwing unang araw ng Nobyembre taun-taon, ang araw kung kailan ipinagdiriwang ang Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal na tinatawag ring "Todos Los Santos", itinutuon ang ating pansin sa tagumpay ng lahat ng mga banal sa langit. Matapos pagtagumpayan ang lahat ng mga hirap at pagsubok sa buhay sa daigdig na ito, namumuhay sila magpakailanman sa piling ng Kordero. Nakamit nila ang napakagandang biyayang ito sapagkat ang desisyon nila ay manatiling tapat kay Kristo noong nabubuhay pa sila sa lupa.
Ang lahat ng mga banal sa langit ay nagsisilbing larawan ng pag-asa para sa lahat. Dahil dito, kinikilala sila bilang Simbahang Nagtagumpay. Ang lahat ng mga banal sa langit ay nagkamit ng tagumpay noong namumuhay pa sila dito sa mundo dahil sa kanilang katapatan kay Hesus. Hindi nasayang ang kanilang katapatan kay Hesus. Bagkus, biniyayaan pa sila dahil sa kanilang katapatan sa Panginoon. Nakamit ng lahat ng mga banal sa langit ang biyayang ito na tunay ngang inaasam-asam ng lahat ng mga nananalig at sumasampalataya sa nag-iisang Diyos. Gaya ng inilarawan sa Unang Pagbasa, nagpupuri sila nang walang humpay o walang tigil sa Diyos ngayong sila'y nasa langit.
Katulad ng lahat ng mga banal sa langit, mayroon tayong pag-asang mamuhay sa piling ng Panginoon magpakailanman. Sabi pa nga sa Ikalawang Pagbasa, tayong lahat ay mayroong pag-asang makita ang Panginoon "sa Kanyang likas na kalagayan" (1 Juan 3, 2). Paano natin magagawa iyan? Kung tatahakin natin ang landas ng kabanalan. Kung mamumuhay nang banal at magiging kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon ang bawat isa sa atin. Kung sisikapin ng bawat isa sa atin na mamuhay ayon sa mga turo ni Hesus sa Ebanghelyo tungkol sa mga mapapalad. Sa pamamagitan nito, mapapatunayan ang ating katapatan sa Diyos na Siyang may likha ng langit at lupa.
Ipinapaaalala sa atin ng Lahat ng mga Banal sa Langit na mayroon tayong pag-asang mamuhay sa piling ng Diyos magpakailanman katulad nila. Tularan lang natin ang kanilang halimbawa. Maging tapat tayo sa Diyos katulad nila kahit na mahirap itong gawin. Sikapin rin nating isabuhay ang mga turo ng Panginoon tungkol sa kabanalan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento