12 Disyembre 2021
Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K)
Sofonias 3, 14-18a/Isaias 12/Filipos 4, 4-7/Lucas 3, 10-18
May panawagan ang Simbahan para sa atin ngayong Ikatlong Linggo ng Adbiyento. Ang panawagan ng Simbahan para sa bawat isa sa atin ay magalak. Kaya naman, kilala rin bilang Linggo ng Gaudete o Linggo ng Kagalakan ang Ikatlong Linggo ng Adbiyento. "Kagalakan" ang kahulugan ng salitang "Gaudete." Magalak. Matuwa. Magsaya. Iyan ang dahilan kung bakit maaaring magsuot ng kulay Rosas ang mga pari sa mga liturhikal na pagdiriwang para sa Linggong ito. Ang kulay Rosas ay sagisag ng galak at tuwa.
Habang ipinagpapatuloy natin ang paghihintay at paghahanda ng sarili para sa maringal na pagdating ng Panginoon sa panahong ito ng Adbiyento, nanawagan ang Simbahan sa bawat isa sa atin na magalak. Katunayan, ang panawagang ito ay may isang malalim na ugnayan sa temang pinagninilayan sa panahong ito ng Adbiyento. Dapat nating paghandaan nang may galak at tuwa ang pagdating ng Panginoon. Katunayan, sa Ikatlong Linggo ng Adbiyento, dapat lalo pa tayong mapuno ng galak at tuwa sapagkat malapit nang dumating si Kristo. Ang ating paghahanda para sa pagdating ng Panginoong Hesus ay dapat nating seryosohin, subalit hindi iyon nangangahulugang hindi na tayo dapat magalak at matuwa.
Kapag nabalitaan nating malapit nang dumating ang isa nating kaibigan o kapamilya, hindi ba tayo napupuno ng tuwa? Sino naman ang hindi? Dahil natutuwa tayo sa balitang malapit nang dumating ang nasabing kaibigan o kapamilya, pinaghahandaan natin nang mabuti ang araw ng kanilang pagdating. Habang pinaghahandaan natin ang kanilang pagdating, lalo tayong napapangiti at natutuwa sa tuwing iniisip natin iyon. Buong galak at tuwa nating pinaghahandaan ang kanilang pagdating.
Itinuturo sa atin ng Simbahan na dapat tayong magalak kapag pinaghahandaan natin ang pagdating ng Panginoon. Kung natutuwa tayo habang pinaghahandaan natin nang mabuti ang pagdating ng kaibigan o kapamilya, dapat matuwa rin tayo habang pinaghahandaan natin ang pagdating ng Tagapagligtas. Sabi nga ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa: "Magalak kayong lagi sa Panginoon" (Filipos 4, 4). Iyan rin ang panawagan sa bayang Israel sa Unang Pagbasa. Iyan rin ang panawagan sa Salmo. Sa Ebanghelyo, nangaral si San Juan Bautista sa mga tao na nagtungo sa Ilog Jordan upang makinig at magpabinyag sa kanya tungkol sa pagdating ni Kristo Hesus. Isang bagay lamang ang nais ituro sa atin ngayong Linggo - dapat matuwa tayo sapagkat darating si Hesus.
Darating ang Panginoong Hesukristo. Masaya ba tayo kapag naririnig ang balitang ito?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento