16 Disyembre 2021
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Unang Araw
Isaias 56, 1-3a. 6-8/Salmo 66/Juan 5, 33-36
Napakahalaga para sa mga Katolikong Pilipino ang gabi ng ika-15 ng Disyembre at ang madaling-araw ng ika-16 ng Disyembre. Sa gabi ng ika-15 ng Disyembre at sa madaling-araw ng ika-16 ng Disyembre, sinisimulan ang napakagandang tradisyon at pagdiriwang ng Simbang Gabi. Lalo nating pinag-iigting ang ating paghahanda ng sarili para sa maringal na pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng ating Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng tradisyong ito na tinatawag nating Simbang Gabi. Sa loob ng tradisyunal na Nobenaryong ito bilang paghahanda para sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, kasama natin ang Mahal na Birheng Maria, ang ating Mahal na Ina, at si San Jose.
Sa unang araw ng tradisyunal na Simbang Gabi, ipinapaalala sa atin ng mga Pagbasa ang dahilan kung bakit nating pinaghahandaan ang pagdating ni Kristo Hesus sa pamamagitan ng pagdaos ng Nobenaryong ito sa karangalan ng ating Mahal na Inang si Maria. Sabi ni Hesus sa Ebanghelyo na ang Kanyang mga gawa ang nagpapatotoo na Siya'y tunay ngang isinugo ng Ama. Ipinagawa sa Kanya ng Ama ang lahat ng Kanyang mga gawa sa Kanyang ministeryo (Juan 5, 36). Sa pamamagitan ng mga gawang ito, tinupad ng Panginoong Hesus ang pangakong binitiwan ng Diyos sa Kanyang bayang Israel sa Unang Pagbasa. Iyan ang pangunahing dahilan kung bakit idinadaos ang Simbang Gabi. Pinaghahandaan natin nang buong sigla ang pagsilang ni Hesus.
Dumating si Hesus upang iligtas ang lahat. Iyan ang layunin ng Simbang Gabi. Ang bawat isa sa atin ay tinutulungan ng Simbang Gabi upang paghandaan natin ang ating mga sarili para sa Pasko ng Pagsilang ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Hesus.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento