24 Disyembre 2021
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
[Pagmimisa sa Bisperas]
Isaias 62, 1-5/Salmo 88/Mga Gawa 13, 16-17. 22-25/Mateo 1, 1-25 (o kaya: 1, 18-25)
"Pag-ibig Mong walang maliw ay lagi kong sasambitin" (Salmo 88, 2a). Ang mga salitang ito sa Salmong Tugunan ay nagbibigay ng pahiwatig tungkol sa temang pinagninilayan sa mga Pagbasa para sa Misa sa Bisperas ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. Ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos ay nahayag sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagkakaloob Niya kay Hesus. Si Hesus ay ipinagkaloob ng Ama sa sangkatauhan bilang Tagapagligtas. Sa araw ng Pasko, ginugunita natin ang pagdating ng biyayang ito ng Diyos. Ang kaligtasang kaloob ng Diyos ay dumating sa sanlibutan sa pamamagitan ni Kristo Hesus noong gabi ng unang Pasko kung kailan Siya isinilang ng Mahal na Birheng Maria. Sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Hesus, nahayag ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos.
Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Diyos ang Kanyang nais na iligtas ang Kanyang bayan. Sa kabila ng paulit-ulit na pagtalikod at pagsuway ng Kanyang bayan, hindi hinangad ng Diyos na mapahamak ang Kanyang bayan kailanman. Bagkus, hinangad pa rin Niyang iligtas ang bayan Niyang ilang ulit na tumalikod sa Kanya Hindi kapahamakan kundi kaligtasan ang hangad ng Panginoong Diyos para sa Kanyang bayan. Sa Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo, inilarawan kung paanong naghatid ng kaligtasan ang Diyos. Ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay dumating sa sanlibutan sa pamamagitan ni Hesus.
Ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon ay isang pista ng pag-ibig dahil ginugunita natin ang pagdating ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na tunay ngang mapagmahal. Ang Diyos na nagliligtas sa atin ay tunay ngang mapagmahal. Mayroon tayong isang mapagmahal na Tagapagligtas - ang Panginoong Diyos. Dahil sa pag-ibig na ito, ipinasiya ng Diyos na dumating sa sanlibutan sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus na Kanyang Bugtong na Anak. Sa pamamagitan ng Banal na Sanggol, inihayag ng Diyos na mananatili Siyang tapat sa Kanyang pag-ibig para sa atin magpakailanman.
Kaya naman, ngayong Pasko, pasalamatan natin ang ating mapagmahal na Tagapagligtas na walang iba kundi si Kristo. Ipinasiya Niyang iligtas tayo dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin. Ibinigay Niya ang buo Niyang sarili noong gabi ng unang Pasko bilang aguinaldo. Si Hesus ay nagpasiyang maging isang Sanggol na iniluwal ni Maria dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin na tunay ngang walang maliw.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento