23 Disyembre 2021
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikawalong Araw
Malakias 3, 1-4. 23-24/Salmo 24/Lucas 1, 57-66
"Itaas n'yo ang paningin, kaligtasa'y dumarating" (Lucas 21, 38). Ang mga salitang ito na binigkas ng Panginoong Hesus sa isa sa Kanyang mga pangaral sa Kanyang mga apostol tungkol sa wakas ng panahon ay ginamit bilang Tugon sa Salmong Tugunan para sa araw na ito. Naangkop ang mga salitang ito ni Hesus na ginamit bilang Tugon sa Salmo para sa araw na ito dahil malapit nang sumapit ang Pasko. Dalawang araw na lamang bago nating gunitain ang unang pagdating ng Panginoong Hesukristo bilang Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa isang hamak na sabsaban sa bayan ng Betlehem.
Darating ang Tagapagligtas. Ito ang temang pinagtuunan ng pansin ng Simbahan sa bawat araw ng panahon ng Adbiyento. Ang Diyos ay magkakaloob ng kaligtasan. Masasaksihan ng lahat ng tao sa mundo ang pagliligtas ng Diyos. Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay tunay ngang napapanahon sapagkat ang paksang ito ang binibigyan ng pansin. Ililigtas ng Panginoon ang lahat. Ang Panginoon ay darating hindi upang maghatid ng kapahamakan kundi upang maghatid ng kaligtasan sa lahat.
Sa wakas ng Ebanghelyo, itinanong ng mga dumalo sa pagtutuli at pagpapangalan sa anak nina Zacarias at Elisabet na walang iba kundi si San Juan Bautista kung ano ang magiging kinabukasan ng nasabing sanggol. Iyan ang kanilang tanong sa isa't isa dahil napakalinaw para sa kanila na "sumasakanya ang Panginoon" (Lucas 1, 66). Matapos nilang masaksihan ang muling pagsalita ni Zacarias, napagtanto nilang hindi pangkaraniwan ang sanggol na ito. May mahalagang mangyayari sa kanya.
Nagsalita sa pamamagian ni Propeta Malakias ang Panginoong Diyos tungkol sa Kanyang pagdating sa Unang Pagbasa. Sa Kanyang pahayag, mayroon Siyang ibinigay na detalye na dapat bigyan ng pansin. Bago dumating ang Panginoon, darating si Propeta Elias (Malakias 3, 23). Ito ang magiging misyon ng anak nina Zacarias at Elisabet na walang iba kundi si San Juan Bautista pagsapit ng takdang panahon. Bago lumitaw ang ipinangakong Mesiyas, lilitaw muna si San Juan Bautista upang ihanda ang Kanyang daraanan. Siya ang magiging hudyat na talagang nalalapit na ang pagdating ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus.
Malapit na nating ipagdiwang ang Pasko ng Pagsilang ni Hesus. Tandaan natin, si Hesus ay dumating upang iligtas ang sangkatauhan. Si San Juan Bautista na Kanyang kamag-anak ay nauna sa Kanya upang ipaghanda Siya ng daraanan. Handa na ba tayong salubungin nang buong galak ang ipinangakong Manunubos na si Kristo?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento