Lunes, Disyembre 6, 2021

GININTUANG PANGAKO

20 Disyembre 2021 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikalimang Araw
Isaias 7, 10-14/Salmo 23/Lucas 1, 26-38 


Ang Banal na Misa para sa Ikalimang Araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo ay kilala rin bilang Missa Aurea o Ginintuang Misa. Ang dahilan kung bakit ganito ang tawag sa Misa para sa araw na ito ng tradisyunal na Pagsisiyam o Pagnonobena sa Karangalan ng ating Mahal na Inang si Maria bilang paghahanda para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesus ay dahil sa Ebanghelyo. Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang Pagbabalita ng Arkanghel na si San Gabriel kay Maria tungkol sa pagkahirang sa kanya ng Diyos. Bagamat hindi lubusang maintindihan ang mga detalye tungkol sa pagkahirang ng Diyos sa kanya upang maging ina ni Kristo, tinanggap pa rin niya ito. Ibinigay pa rin niya ang kanyang "Oo" sa kalooban ng Diyos. 

Madalas na binibigyan ng pansin ang matamis na "Oo" ng ating Mahal na Inang si Maria sa kalooban ng Diyos. Katunayan, tinatawag pa nga itong ginintuang sandali. Totoo namang napakahalaga ng sandaling ito sa kasaysayan ng pagligtas ng Diyos sa sangkatauhan dahil sa pagtalima ng Mahal na Birheng Maria. Subalit, maganda ring pagnilayan ang sandaling ito bilang katuparan ng ginintuang pangako ng Diyos. Ang Panginoong Diyos ay nagbitiw ng isang ginintuang pangako para sa lahat. Natupad ang pangakong iyon sa pamamagitan ni Hesus at ng Kalinis-Linisang Birheng Maria. 

Sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay nabitiw ng isang ginintuang pangako. Isang dalaga'y maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki na tatawaging "Emmanuel" na nangangahulugang "Ang Diyos ay kasama natin" (Isaias 7, 14). Hindi kinalimutan ng Diyos ang pangakong ito kailanman. Ang pangakong ito ay ang dahilan kung bakit Niya iniligas mula sa bahid kasalanan ang Mahal na Birheng Maria bago pa man siya isilang sa mundong ito. Sa gayon, pinagindapat ng Diyos ang Mahal na Inang si Maria na tumalima sa Kanyang kalooban nang may kababaang-loob. Ang Mahal na Birheng Maria na ating Inang Kalinis-Linisan ay sumagot ng "Oo" sa kalooban ng Diyos. Hindi siya sumuway sa plano ng Diyos, bagamat mayroon naman siyang kalayaang gawin iyon. Ipinasiya ni Maria na tanggapin at tumalima sa kalooban ng Diyos. 

"Ginintuang Misa" ang tawag sa Banal na Misa para sa Ikalimang Araw ng Simbang Gabi dahil ginugunita natin ang katuparan ng ginintuang pangako ng Diyos. Ang pangakong ito ay sinimulang tuparin ng Diyos matapos ibigay ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang kanyang matamis na "Oo" sa Kanyang kalooban. Ang ginintuang sandaling ito na bahagi ng salaysay ng pagligtas ng Diyos sa sangkatauhan ay isang mahalagang bahagi ng ginintuang pangakong Kanyang binitiwan. Patunay lamang ito na hindi Niya lilimutin kailanman ang mga pangakong Kanyang binibitiwan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento